Twenty-nine

2.1K 120 13
                                    

PAGKATAPOS IGAPOS ang mga walang malay na kasabwat ni Regidor ay sinimulang hanapin nina Ka Nelia at Laarni si Yvette.

Nanlaki ang mga mata ni Laarni nang makilala ang isa sa dalawang babaeng nasa loob ng pinasok nilang silid sa ikalawang palapag ng malaking bahay. "Dra. Yvette!"

Walang rekasyon ang tinawag. Nanatili lang itong nakatingin sa kawalan.

"Dito na matatapos ang kasamaan ng mga anak mo, Lucing. Kaya mas makabubuti kung ibibigay mo sa amin si Dra. Yvette," singhal ni Ka Nelia.

Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Aling Lucing. Ayaw niyang iwanan sa ere ang anak pero nakikita niyang hindi na tama ang ginagawa nito. Maraming inosenteng tao na ang napahamak at namatay nang dahil sa kanyang anak na si Regidor.

"Huwag kang hibang, Lucing! Matagal mo nang kinukunsinti ang kasamaan ng mga anak mo. Panahon na para ituwid mo ang mga pagkakamali nila. Huwag kang magpabulag sa maling klase ng pagmamahal mo sa iyong mga anak!"

Pinakiusapan na rin ni Laarni ang ina nina Regidor at Dominador. "Aling Lucing, makinig kayo sa amin. Tapusin n'yo na ang nilikha ninyong kilabot sa baryo. Isuko n'yo na ang mga anak ninyo. At kayo rin..."

Marahang yumuko si Aling Lucing. "Kunin n'yo na si Yvette." Dinukot nito ang isang bungkos ng mga susi sa bulsa. "Pakawalan n'yo na si Celso."

IBINABA NI Regidor ang pasan na doktora at sinusian ang kandado ng kadena nito sa paa. Pagkatapos ay mabilis niya itong hinawakan sa kamay at hinila papalayo sa lugar na iyon.

"Bilisan mo!" Walang nagawa si Wangga kundi sumunod.

"Saan mo ba ako dadalhin? Sumuko ka na lang dahil hindi mo na matatakasan ang mga kasalanan mo."

"Iyon ang akala mo! Habang hawak kita, walang magagawa ang mga kasama mo. Maliban na lang kung gusto nilang makita kang patay."

"Hindi mo magagawa sa 'kin 'yan!" Buong lakas na hinila ni Wangga ang kanyang braso at pinilit na makawala mula sa pagkakahawak ni Regidor. Mas lalong namula ang balat niya sa braso sa higpit ng pagkakahawak ng lalaki.

Napangisi si Regidor. "Huwag ka nang magtangkang tumakas. Hindi ako magdadalawang isip na patayin ka."

Kinilabutan si Wangga. Mala-demonyo ang imaheng nakita niya sa mukha ng kaharap.

"Wangga! Nasaan ka!"

"Si Ashton 'yon..." Nabuhayan siya ng loob nang marinig ang sigaw na iyon. Hinahanap na siya ni Ashton.

"Ashton, nandito ako! Puntahan mo ako rito!" Ubod ng lakas ang kanyang pagsigaw para marinig siya ni Ashton.

"Tumahimik ka!" Halos mabingi si Wangga sa lakas ng sampal na dumapo sa pisngi niya. Nanlilisik ang mga mata ni Regidor. "One more shout and you're dead."

Muling tumakbo papalayo si Regidor habang hila-hila si Wangga.

Si Ashton naman ay muling sumigaw. "Nasaan ka, Wangga!"

Wala na siyang narinig na sagot. Pero kanina ay narinig niya ang sigaw ni Wangga.

Binilisan pa niya ang pagtakbo para hanapin ang doktora.

"Aaahhhhh!!!"

Narinig ni Ashton ang sigaw. Hindi siya maaaring magkamali. Si Wangga ang sumigaw na iyon!

Mabilis niyang tinunton ang pinagmulan ng hiyaw.

Si Wangga ay napako sa kanyang kinatatayuan. Nasa harapan nila ni Regidor ang isang napakalaking cobra. Isang kagat lang ng makamandag na ahas na ito ay patay silang bubulagta sa damuhan.

Hinarap ni Regidor ang cobra. Dahil isa siyang zoologist, kabisado niya ang bawat galaw ng makamandag na hayop.

Nakipagtitigan siya rito habang nakahanda ang kanang kamay ano mang oras na tumuklaw ito.

Namimintog ang ulo ng cobra na tila ba naghihintay lang ng mabibiktima. Ang tunog na nililikha nito ay mas lalong nagdagdag sa kilabot na nadarama ni Wangga.

Isang mabilis na pagtuklaw ang ginawa ng cobra. Kasabay noon ay ang mas mabilis na pagkilos ni Regidor na dumaklot sa bahaging ibaba ng ulo ng ulupong.

Iwinasiwas niya ang ahas at pagkatapos ay ubod lakas na inihagis sa malayo.

Nakangising hinarap ni Regidor si Wangga. Tatakbo na sana ang doktora pero maagap itong nahawakan ng lalaki.

"Wala kang tatakbuhan sa kagubatang ito. Halika rito!" Muli ay kinaladkad ni Regidor ang bihag.

Napahinto lamang sa pagtakbo si Regidor nang mapagawi sila sa gilid ng bundok na kung saan makikita ang ilog sa ibaba nito. Mataas ang lugar na kinatatayuan nila. Nalula si Wangga nang maisip na posible silang mahulog doon.

"Wangga!" sigaw ni Ashton na sa wakas ay natagpuan na rin ang kanyang hinahanap. "Pakawalan mo siya, Regidor. Ako ang harapin mo. Huwag kang magtago sa likod ng isang babae!" Itinutok niya ang baril kay Regidor at dahan-dahang lumapit sa dalawa. Maghahanap lang siya ng tiyempo para mabaril ang halimaw na lalaking ito.

"Ulol! Sinong nagsabi sa'yong mapasusunod mo 'ko?" Hindi nawawala ang nakalolokong ngisi sa mukha ni Regidor. "Ibaba mo ang baril mo kung ayaw mong ihulog ko sa bangin ang doktorang ito!"

Napahinto si Ashton.

"Hanggang diyan ka na lang! Ihagis mo ang baril mo rito."

Hindi kumilos si Ashton. Nag-iisip siya ng gagawing diskarte.

Mamaya pa ay inihagis niya ang baril at bumagsak ito sa harapan nina Wangga at Regidor na dalawang hakbang lang ang layo sa gilid ng bangin.

Mas lumapad ang ngisi ng lalaki. Pumapabor na sa kanya ang mga pangyayari.

"Napakadali mo palang utuin." Napuno ng halakhak ni Regidor ang kagubatan, sabay walang babala na itinulak nito si Wangga sa bangin at tuluyang nahulog ang doktora.

"Wangga!" sigaw ni Ashton. Napasugod siya kay Regidor pero handa na ito para harapin ang kapatid ni Yvette.

Bumagsak sa ilog si Wangga. Sinikap niyang lumangoy ngunit hindi niya ganap na maikilos ang mga kamay niyang nakakadena. Pinilit na lang niyang huwag mag-panic kahit na ang mabilis na agos ng tubig sa ilog ay tinatangay na ang pagod niyang katawan.

Nagulat pa si Wangga nang bumangga siya sa isang malaking tipak ng bato na nasa gitna ng ilog. Laking pasasalamat niya na sumadsad siya sa batong iyon at napigilan ang tuluyang pagtangay sa kanya ng rumaragasang agos.

Nagpalitan ng suntok sina Regidor at Ashton. Lamang na lamang si Ashton kung bulto ng katawan ang pagbabasehan. Mas matangkad siya kay Regidor. Idagdag pang mas sanay siya sa mabibigat na gawain kesa sa katunggaling nakakulong lang sa malaking bahay sa loob ng mahigit dalawang taon.

Isang suntok ni Ashton ang tumama sa mukha ni Regidor. Tumilapon ang lalaki at napasubsob sa mismong kinaroonan ng baril ni Ashton.

Mabilis na dinampot ni Regidor ang baril at ipinutok. Nadaplisan sa balikat si Ashton. Kaagad na bumangon si Regidor at muling itinutok ang baril sa kalaban pero mabilis siyang tinalon nito. Saktong bumagsak sa kanya si Ashton at sa lakas ng pagkakabagsak ay naitulak nilang dalawa ang kanilang sarili patungo sa bangin.

Magkasamang nahulog sa ilog sina Regidor at Ashton!

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now