Twenty-six

2.4K 136 39
                                    

KUMATOK SI Aling Lucing sa isang silid. Pagkatapos ay binuksan niya ang pinto at sumilip sa loob. Nakita niya ang loob ng silid na tila isang maliit na laboratoryo. Maraming kung anu-anong aparato sa loob. Hindi mo iisiping ito ay isang kuwarto na ginawa para makapagpahinga at matulog ang isang tao.

Nasa loob ng silid si Regidor na gaya ng dati ay abala sa ginagawa nitong kung anu-anong eksperimento. Ngayon nga ay may sinisilip na naman itong specimen sa microscope. Mahigit kuwarenta lang ang edad nito pero mas mukha itong matanda dahil sa makapal na bigote at mahabang balbas sa mukha nito.

Nakapasok sa silid si Aling Lucing na para bang hindi naramdaman ni Regidor kahit na nga kumatok naman ito kanina.

"Anak..." tawag ng matandang babae kay Regidor.

Hindi kumibo ang tinawag. Nagpatuloy lang ito sa kanyang ginagawa.

"Si Celso... Hinahanap na siya ni Nelia. Nagpunta rito si Nelia kahapon. Nagbanta siyang ilalabas ang nalalaman niya kapag napatunayan niyang nandito ang anak niya. Ano ang gagawin natin?" Bakas sa tinig ng matandang babae ang pangamba.

Nag-angat ng mukha si Regidor. Kunot ang noo nito na lalong nagpasalubong sa makapal nitong kilay. "Gawin niya ang gusto niya. Gagawin ko rin ang dapat kong gawin."

"Anak, baka naman puwedeng itigil mo na ang lahat ng ito. Marami na ang napahamak na taga-baryo. Mga inosenteng tao na naging biktima ng paghihiganti mo. Paghihiganti na kung tutuusin ay hindi naman dapat na mangyari dahil wala namang taong umagrabyado sa'yo. Sakit ang ikinamatay ng asawa mo. Hindi siya pinatay ng kahit na sino."

"Oo, inay. Sakit nga ang ikinamatay ni Katrina. Sakit na sana ay naagapan kung nagdesisyon lang kaagad ang doktor na ipadala siya sa ospital sa kabisera. Kapabayaan ng doktor ang ang naging dahilan ng pagkamatay ng asawa ko, inay. Kaya dapat lang na may managot sa kapabayaang iyon," sabi ni Regidor sa mapait na boses.

"Pero, anak..." Napaluha na si Aling Lucing. Paano ba niya makukumbinsi ang anak niya na tigilan na ang mga kahibangan nito?

"Lumabas na kayo, inay. Marami pa akong gagawin. Ayokong iniistorbo n'yo ako rito," matigas ang tinig niyang sabi.

Walang nagawa ang ina niya kundi sumunod. Kabisado na ni Aling Lucing ang anak. Kasabay ng pagkamatay ng asawa nitong si Katrina ay ang malaking pagbabago rin sa ugali nito.

SI REGIDOR ALMANZOR ay isang zoologist cum human physiologist na nagtrabaho sa America. Bata pa lang ay kinakitaan na ito ng kakaibang talino at kasipagan sa pag-aaral. Kahit nagmula siya sa isang mahirap na pamilya ay nagsikap siyang makapagtapos ng pag-aaral. Lakas-loob siyang lumuwas ng Maynila pagkatapos ng high school at kumuha ng pagsusulit sa isang sikat na state university para makapasok doon nang libre. At dahil nga likas na matalino, naging scholar siya roon at nakatapos ng apat na taong kurso. Nagawa niya iyon kasabay ng pagtatrabaho sa mga fast food restaurant para naman tustusan ang iba pa  iyang gastusin sa Maynila. Ilang buwan bago pa siya magtapos ay may nabasa siyang isang anunsyo sa internet na nagbibigay ng scholarship sa mga estudyanteng gustong mag-aral sa America. Walang pag-aalinlangang kumuha siya ng examination para sa scholarship na iyon at nagawa niyang pumasa kaya pagkatapos ng kanyang graduation sa kolehiyo ay agad siyang lumipad sa America para ituloy ang kanyang pag-aaral. Kasali sa benepisyo ng scholarship ang libreng tirahan at allowance kaya wala siyang naging problema sa pera habang naroon siya sa America.

Nang matapos ni Regidor ang pag-aaral sa America ay agad din siyang nakakuha ng trabaho roon. Naging madali para sa kanya ang pag-asenso. Saka lang siya bumalik sa Pilipinas nang magkasakit ang kanyang amang si Salvador. Noon lang din niya ulit nakita si Katrina na kababata niya sa baryo. Binatilyo pa lang siya ay may lihim na siyang pagtingin sa kababata. Gustong-gusto niya ito na pagtagal ay nauwi sa matinding pagmamahal. Hindi nga lang niya ito nagawang ligawan dahil sa Maynila na siya nagkolehiyo, at tumuloy na rin kaagad siya sa America para mag-aral pa rin. Pero sa muli nilang pagkikita ay hindi na siya nag-aksaya pa ng pagkakataon. Kaagad siyang nagtapat ng pag-ibig kay Katrina. At bago pa siya  bumalik ng America ay nagpakasal na muna silang dalawa. Sobrang saya ang nadama niya noong sa wakas ay naging asawa niya ito. Pero dahil hindi pa niya kaagad maisasama sa America si Katrina ay naiwan muna ito sa baryo kasama ng kanyang mga magulang. Hanggang isang araw ay nakatanggap siya ng tawag sa kanyang kapatid na si Dominador na nagbabalitang sumakabilang-buhay na si Katrina. Nagkaroon umano ito ng ruptured appendix na hindi kaagad naoperahan kaya kumalat ang impeksyon sa buong abdomen ng babae.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Onde histórias criam vida. Descubra agora