Nineteen

2.1K 113 22
                                    

"SAGUTIN MO ako. Ano ang alam mo tungkol sa halimaw? Ako ba ang dahilan kung bakit siya sumasalakay? Ako ba ang totoong pakay ng halimaw? Pero bakit? Anong kinalaman ko eh, kelan lang naman ako pumunta rito sa baryo n'yo?" Nawala na ang takot sa mukha ni Wangga at napalitan ng pagkainis.

"Mas makabubuti sa'yo kung hindi mo na malalaman ang mga sagot sa tanong mo. Basta sundin mo ang sinabi ko, umalis ka na rito sa lalong madaling panahon." Hindi nagbabago ang malalim na boses nito at ang pagalit na tono.

"Hindi! Kung ayaw mong sagutin ang mga tanong ko, ako mismo ang tutuklas sa lihim na itinatago mo. Alam ko, nararamdaman ko na marami kang alam tungkol sa halimaw." Nakipagtitigan siya kay Ka Nelia. "O baka naman ikaw ang halimaw na pumapatay sa mga tagarito?" Hindi niya inalis ang tingin sa mga mata ng ina ni Kapitan Celso.

Ilang saglit ding nakipagtitigan ito kay Wangga. Pero maya-maya pa ay biglang nagbawi ng tingin ang matandang babae. Walang sabi-sabing binuksan nito ang pintuan at iniwang nakatanga ang doktora.

Napabuga ng hangin si Wangga. Hindi siya makapaniwala sa inasal ni Ka Nelia. Napakaimposibleng kausap ng matandang iyon!

Hindi kaagad nakatulog si Wangga. Nawala ang antok niya dahil sa pagdating ng nanay ni Kapitan Celso. Naguguluhan siya sa sinabi nito. Hihintayin raw ba niyang maubos ang mga tagarito sa baryo? Ibig bang sabihin ni Ka Nelia na sumasalakay ang halimaw dahil sa kanya?

Bigla niyang naalala ang sinabi ni Laarni. Nag-umpisa lang bumalik ang halimaw mula nang dumating siya sa baryo. At sinabi rin ni Ashton na sa tagal nitong nag-aabang na lumabas ang halimaw, hindi ito nagparamdam kahit minsan. Noon lang araw na dumating siya sa Baryo San Joaquin.

Pero bakit? Bakit siya? Anong koneksyon ng pagdating niya sa baryo, sa pagsalakay muli ng halimaw? At mas nakapagtataka, dati ay arannik lang ang sumasalakay na halimaw. Pero ngayon, may nependiso pa. Ano pa ang kasunod? May lalabas pa bang ibang klase ng halimaw?

Naguguluhan na talaga siya!

Pakiramdam ni Wangga ay sasabog ang ulo niya sa pag-iisip kung bakit nasabi iyon ni Ka Nelia pero wala talaga siyang makitang koneksiyon niya sa mga halimaw na nambibiktima ng mga residente sa baryo.

Hindi na niya namalayan kung anong oras siya nakatulog. Basta nagising na lang siya sa tunog ng alarm sa cellphone niya. Alas-siete na ng umaga.

Bumangon na siya at naligo. Pagkatapos ay naghanda siya ng almusal. Nang matapos kumain ay inayos niya ang mga dapat ayusin sa health center. Alas-otso na. Bakit kaya wala pa si Laarni?

May mga pasyente nang naghihintay na masuri sila ni Wangga kaya isa-isa na niyang tinawag ang mga ito kahit wala pa rin ang kanyang assistant.

Alas-diyes na nang dumating sa health center si Laarni. Agad itong nagtungo kay Wangga.

"Doktora, pasensya na kung ngayon lang ako dumating. Nanggaling kasi ako sa barangay hall. May problema kasi."

"Anong problema?"

"Hindi dumating si kapitan kagabi. Hindi siya nakauwi."

"Baka naman hindi pa talaga uuwi. Baka may inaasikaso pang ibang bagay sa Maynila. Darating din iyon. Marunong namang umuwi rito si kapitan. Kung may masamang nangyari, dapat ipinalam na sa mga tagarito."

"Wala namang signal ang cellphone dito. Sa kabisera lang may signal. Pinaluwas na sa kabisera ang isang kagawad. Pinatatawagan sa kanya 'yong organizer ng seminar para makumpirma kung naroon pa talaga si kapitan."

"Nag-panic lang kayo siguro kaagad. Si Ka Nelia nga hindi naman naalarma. Nagpunta pa nga rito kagabi," kaswal na kuwento ng doktora.

"Anong ginawa niya rito?"

"Ayun, pinaaalis na ako rito sa baryo. Parang isinisisi niya sa akin ang mga nagaganap na pagkamatay ng mga tagarito na nabiktima ng halimaw. Huwag ko na raw hintayin na ako naman ang maging biktima. Tinatanong ko naman siya kung bakit niya nasabi ang ganoon, ayaw naman niyang sabihin. Ayun, pinabayaan ko na lang," nagkibit-balikat si Wangga. "Mamaya ulit tayo mag-usap. Papasukin mo na muna rito 'yung pasyente."

"Okay po, doktora..." Lumabas na ng silid si Laarni at nagtungo sa reception area.

DALAWANG KALALAKIHAN ang nasa gubat nang mga oras na iyon para manguha ng kahoy na panggatong. Meron namang mabibili sa talipapa, pero bakit naman kailangan pang gumastos para sa panggatong eh, dito lang din naman sa gubat kinukuha ang mga kahoy na ibinebenta sa talipapa.

"Renante, doon tayo pumunta sa banda roon," suhestiyon ni Caloy. "Mas maraming tuyong sanga ng mga puno roon." Sa tagal nilang ginagawa ito, kabisado na nila kung saan mas makakakuha ng magagandang panggatong.

"Sige," pagsang-ayon ni Renante na may dalang matalim na itak na pang-alis ng mga tuyong dahon at pangputol sa mga sanga.

Lumakad ang dalawang lalaki sa lugar na itinuro ni Caloy. Nauuna sa paglalakad si Renante. "Grabe ang nangyari kay Mang Gimo. Wakwak ang dibdib hanggang tiyan."

"Dito ba nakita 'yung bangkay niya? Baka makasalubong natin ang halimaw, ah." Bakas sa tinig ni Caloy ang pangamba.

"Hindi. Malayo rito 'yung lugar kung saan nakita ang bangkay ni Mang Gimo. Kaya wala tayong dapat ikatakot," malakas ang loob na sabi ni Renante. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad. Nakasunod naman sa kanya si Caloy.

Pagtapat nila sa isang malaking puno ay bigla na lang may bumagsak sa harapan ni Renante. Hindi agad siya nakakilos dahil sa matinding pagkagulat. Humahagok sa harapan niya ang isang napakalaking hayop na mukhang unggoy pero may pangil na tila sa isang baboy-ramo. Mahahaba ang mga kuko nito at ang paa ay katulad din ng sa isang baboy.

Si Caloy ay hindi rin agad nakakilos. Hindik na hindik ito sa halimaw na nasa harapan nila ngayon.

Unang nakabawi sa pagkagulat si Renante. Agad niyang itinaas ang kamay na may hawak na itak. Humanda siya para tagain ang humahagok na halimaw!

Ubod-lakas na hinataw ni Renante ng taga ang halimaw ngunit mas mabilis ang naging pagkilos nito kaysa sa kanya. Nilaslas ng matalas na kuko ng nependiso ang leeg ni Renante. Pumulandit ang masaganang dugo mula sa naputol na ugat sa leeg ng lalaki. Kasunod noon ay kinagat pa ng halimaw ang leeg ng kanyang biktima hanggang sa tuluyang mapugot ang ulo ni Renante at bumagsak sa lupa. Tila bulateng nangingisay ang walang ulong katawan ni Renante habang patuloy na umaagos ang dugo mula sa leeg nito. Biniyak ng matatalim na kuko ng halimaw ang tiyan ni Renante at inumpisahang kainin ang mga lamang-loob nito.

Binalot ng hilakbot ang buong katauhan ni Caloy. Kitang-kita niya kung paano pinatay ng halimaw si Renante. Wala siyang nagawa kundi ang sumigaw para humingi ng tulong. "Aaahhh!!! Saklolo! Tulungan n'yo kami! Nandito ang halimaw!"

Ang pagsigaw niya ang kumuha ng atensyon ng nependiso. Binitiwan nito ang katawan ni Renante at kumilos papalapit sa kanya.

Napaurong si Caloy sabay talikod para tumakbo. Hindi pa rin siya huminto sa pagsigaw. "Tulong!!! Tulungan n'yo kami!!!"

Hindi na hinayaan ng halimaw na makalayo pa si Caloy. Mabilis itong kumilos at agad na dinampot ang lalaki pagkatapos ay ubod lakas na inihagis sa isang malaking puno. Walang malay itong bumagsak sa lupa pagkatapos humampas sa puno ang ulo nito. Nilapitan ng nependiso si Caloy at katulad ng ginawa kay Renante ay winakwak ang tiyan at kinain ang mga lamang-loob. Punong-puno ng dugo ang bibig at kamay nito. Sa mukha ng halimaw ay makikita ang bangis habang hayok na hayok nitong nilalapa ang walang buhay na katawan ni Caloy!

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now