Ten

2.2K 136 33
                                    

"PAANO MO nasigurong buhay pa si Dra. Yvette?" tanong ni Wangga kay Helen.

"Nakasilip ako sa butas sa bintana ng aming bahay. Nakita ko ang isang babaeng tumatakbo. May dala siyang isang maliit na puting bag. Sumisigaw siya, humihingi ng tulong pero walang naglakas-loob na lumabas para damayan siya. Nakilala kong siya si Dra. Yvette dahil sa boses niya. Gusto ko siyang tulungan pero alam kong wala rin naman akong magagawa," kuwento ni Helen.

Seryosong nakikinig si Wangga. Iniisip niyang baka nga buhay pa si Dra. Yvette. "Hindi siya sinakmal ng arannik?"

"Nadapa siya habang tumatakbo. Siguro tumama sa bato ang ulo niya at nawalan siya ng malay dahil hindi na siya bumangon pagkatapos niyang madapa. Maya-maya ay nakita kong nandyan na sa harapan niya ang arannik. Nakakatakot ang itsura ng halimaw, doktora. Malaki siya. Parang malaking lalaki pero may pakpak at ulo siya na tulad ng sa paniki. Akala ko ay kakagatin niya sa leeg si Dra. Yvette katulad ng mga nauna ng biktima pero hindi. Marahang binuhat ng halimaw si Dra. Yvette. Iyon bang tipong parang iniingingatan niyang masaktan ito. Pagkatapos ay lumipad ang halimaw dala-dala si Dra. Yvette. Napakabilis niyang kumilos. Para siyang ipu-ipong dumaan lang," mahabang salaysay ni Helen.

"Nakumpirma n'yo bang si Dra. Yvette nga iyon?"

"Oo, doktora. Nang sumikat na ang araw, natagpuan namin doon ang puting bag na dala ni Dra. Yvette. Naroon sa bag ang ilang mga gamit niya, pati ang lisensya niya bilang doktor. At mula rin noon, hindi na namin nakita pa si Dra. Yvette. Maging ang bangkay niya ay hindi namin nakita. Kaya malakas ang kutob ko na hindi pa patay si Dra. Yvette. Buhay pa siya, doktora."

"Pero nasaan na siya? Isang taon na ang nakararaan mula nang mawala siya. Bakit hindi na siya nakitang muli?"

"Ewan ko po, doktora. Hindi ko alam."

"Walang ginawa ang mga barangay official para hanapin man lang si Dra. Yvette o alamin kung sino talaga ang pumatay sa mga biktima?"

Umiling si Helen. "Wala po, Dra. Wangga."

"Salamat sa mga impormasyong sinabi mo. At salamat din sa paniniwala mong hindi ako sangkot sa mga pagpatay na nangyayari dito sa baryo."

"Wala pong anuman, Doktora. Kung ipipilit pa rin ni Kagawad ang pagsasangkot sa'yo sa mga nangyayari dito sa baryo, handa po akong tumestigo dahil nakita ko mismo ang arannik sa panahong wala ka pa rito sa lugar namin."

Sa sobrang tuwa ay niyakap ni Wangga nang mahigpit si Helen.

"Tutuloy na ako, Doktora. Mag-iingat po kayo lagi."

Tumango si Wangga at tinanaw si Helen habang naglalakad ito papalabas ng health center.

"Doktora..."

"Laarni, pasensya ka na medyo natagalan kami ni Helen. Umuwi ka na rin. Dumidilim na."

"Sige, Doktora. Mag-iingat ka rito."

"Huwag kang mag-alala, sinisiguro kong nakakandado ang mga pinto bago ako matulog. Hindi naman siguro ako mapapasok ng arannik dito."

"Hanggang bukas, Doktora." Hinatid ni Wangga hanggang sa pintuan si Laarni.

Nang makaalis na si Laarni ay nagpasya na siyang i-lock ang pinto pero may biglang humila rito kaya hindi niya ito maisara.

Hindi inaasahan ni Wangga ang pagdating ng isang bisita.

Si Ashton.

"Anong ginagawa mo rito? Lumalatag na ang dilim. Alam mong mapanganib dito kapag gabi."

"Gusto sana kitang makausap. Maaari ba akong pumasok?" Mukha namang seryoso ito at walang balak manggulo.

"Sige, pumasok ka. Dito tayo sa patients area."

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now