CHAPTER NINE: "Regrets and a Question"

4.9K 164 11
                                    

CHAPTER NINE
"Regrets and a Question"


Red. Blue. Black.

Natulala si Rianell sa kasalukuyan niyang pinipinta. Abstract oil painting on canvas iyon na sinimulan niya lang basta-basta-dahil lang sa pagkalito na kanyang nararamdaman. At ang pagkalito niyang iyon ay nangibabaw sa kanyang ginagawa.

Malala ka na, Rianell...

Napakurap na lang siya nang makarinig bigla ng dalawang magkasunod na busina mula sa labas ng apartment nila ng nanay niya.

"Daddy!" sigaw naman ni Yujin na kasama niya sa kanyang kuwarto. Maingat itong bumaba ng kama at iniwanan ang laptop niya na pinapanooran nito ng YouTube videos. Pagkababa ay madali itong lumapit sa kanya at hinatak-hatak ang dulo ng suot niyang T-shirt. "Daddy sa baba!"

Malungkot siyang napangiti bago niya ito inakay pababa ng bahay.

Mukhang sabik na sabik si Yujin nang makita ang ama sa labas. Naisip ni Rianell na malamang, senyales iyon na maganda na ang relasyon ng mag-ama hindi gaya noon nung mga unang araw na nakasama niya ang mga ito.

"Ang lungkot mo yata?" pagpansin ni Clifford sa ekspresyon ng kanyang mukha. "Oh, let me guess. Nami-miss mo na childhood boyfriend mo 'no?"

Haaay. Gustong mapabuntung-hininga ni Rianell. Ayun na naman kasi si Clifford sa pauso nitong childhood boyfriend. Hindi na naka-move on kay August na mahigit isang linggo na ring nakabalik sa Canada.

"Kalimutan mo na siya at idaan mo na lang 'yan sa pagkain. Tara." at pumasok ito ng bahay kasama ang anak nang walang paa-paalam sa kanya.

Napanganga roon si Rianell. Feel at home lang masyado, aba?

Dumiretso ang mag-ama sa kainan. Sinundan niya ang mga ito at sisitahin dapat si Clifford. Kaso may pasalubong pala itong dala-boxed rice meals-na agad nitong hinain sa hapagkainan. Napahinto na lang tuloy siya sa may pintuan at hinayaan ang sarili na panoorin ang bawat pagkilos ng binata: kung paano ba nito binuhat si Yujin para paupuin sa silya; kung paano nito hinain ang box meal para sa anak; kung paano nito sinipsip ang hinlalaking sumayad sa gravy; kung paano pumorma ang mga labi nito para ngumiti; kung paano ito lumingon sa kanya at nagbigay ng nagtatakang tingin.

"Bakit ba parang may pinagdadaanan ka?" tanong na naman ni Clifford. "Kaninang umaga ka pa ganyan."

Oo nga. Mula pa nang ihatid ni Clifford si Yujin doon sa bahay nila ng mama niya kaninang umaga, ganon na siya umakto. Ewan ba niya. Nalilito talaga siya. Ang masaklap nga lang, parang lason ang pagkalito na iyon sa kanyang puso dahil nasasaktan siya.

"Meron lang kasi akong hindi matapos-tapos pintahin..." walang gana niyang sagot.

Tinukod ni Clifford ang mga braso sa sandalan ng isa sa mga silya, ang mga mata ay diretsong nakatingin sa kanya. "And what could be the reason? Hindi naman siguro oras dahil dito ko naman na sa inyo pinabe-babysit ang anak ko."

Hindi nga oras...

"Inspirasyon ba? Kinukulang ka ba sa inspirasyon dahil wala na 'yong childhood boyfriend mo?"

Binigyan niya ito nang matalim na tingin bago inikutan ng mga mata at tinalikuran. Kailangan niya muna itong layuan at baka tuluyan na siyang mapikon sa childhood boyfriend na pinagsasabi nito.

FatedWhere stories live. Discover now