Chapter Fourteen - Sweet Revenge

483 21 0
                                    

NANG makitang nakatulog na ang lahat ng mga kasama niya ay maingat na isinagawa ni Edith ang kanyang plano. Ikiniskis niya ang kanyang dalawang kamay na nasa likod upang mapaluwang ang pagkakatali nito.

Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa natutulog na si Chloe. Galit na galit siya rito dahil para sa kanya, ito ang may kasalanan kung bakit siya nasa ganoong sitwasyon. Inilibot pa niya ang kanyang mata sa paligid. Tila nagniningning ang talim ng kutsilyong nasa tabi ni Chloe, ang parehong kutsilyong ginamit niya sa pagpatay kay Sky.

Isang ngiti ang kumurba sa kanyang labi. May munting kasamaan ang namuo sa kanyang isipan. Gagantihan niya ang dalaga.

Nang lumuwang ang pagkakatali sa kanyang kamay ay dahan-dahan niyang hinugot ang mga ito mula rito. Lumawak ang ngiti sa kanyang labi. Tumayo siya at nilinis ang sarili. Nang matanggal na niya ang mga lupa at iba pang dumi sa kanyang katawan ay maingat niyang nilapitan ang kutsilyo sa tabi ni Chloe at agad itong kinuha. Muli siyang napangiti. Inilapit niya ang kanyang bibig sa tenga ng dalaga.

"Chloe... Miss ka na raw ng classmate nating si Sky, kaya isunod na raw kita." Hindi na boses ng isang dalaga ang lumabas sa bibig ni Edith kundi isang demonyo na gustong makapatay ng tao. Biglang napamulat ng mga mata ang dalaga, ngunit huli na ang lahat. Agad na isinaksak ni Edith ang kutsilyo sa dibdib niya. Hindi na nakapagsalita pa si Chloe at napatingin na lamang siya kay Edith na nakangiti pa.

Agad na sumirit ang dugo nang tanggalin ni Edith ang kutsilyo sa dibdib niya. Lumabas na rin ang sariwang dugo sa bibig ni Chloe.

"S-sa likod mo..." Pinilit pang magsalita ng dalaga pero tinawanan lang siya ni Edith.

Tuluyan nang binawian ng buhay si Chloe nang hindi namamalayan ng iba pa nilang kasama. Pero hindi pa pala tapos ang madugong patayan. Isang lalaking balot na balot ng kulay itim na damit ang nagtusok ng ice pick sa ulo ni Edith. Mabilis siyang bumagsak sa lupa at binawian ng buhay.

Nagkaharap pa ang dalawang bangkay nina Chloe at Edith na parehong duguan sa lupa. Kung titingnan ang sitwasyon nila ay para silang nagtititigan. Mabilis na naglakad paalis ang lalaki nang walang nakakapansin.

Naglakad ito papunta sa likod ng isang puno. Doon niya inilabas ang kanyang listahan, listahan kung saan nakadikit ang mga larawan ng mga kaklase niyang kasama sa camping. Hinanap niya ang pangalan nina Edith at Chloe at gamit ang pulang marker ay nilagyan niya ito ng mga ekis.

"Ikaw na ang uunahin ko, Chloe. Anak ka sa labas ng isang congressman. Pero dahil kabit lang ang nanay mo, napilitan kayong magtago dahil pilit kayong ipinapapatay ng unang pamilya ng ama mong mayor. Kaya pala kapag tinatanong ka namin kung sino ang tatay mo, ang sasabihin mo, patay na. Magandang sikreto 'yan, Chloe." Wika niya habang nakatingin sa larawan ni Chloe. Binalikan naman niya ang picture ni Edith saka ito tiningnan nang mabuti.

"Mayroon kang kakaibang addiction sa mga lalaki. Kaya naman sa tuwing may magugustuhan kang lalaki ay gagawa ka kaagad ng paraan upang mapilit itong makipagtalik sa iyo. Hay nako, Edith. Secret ba talaga 'to? Obvious naman, e." Wika niya saka ito sinundan ng isang nakakalokong tawa.

***---***

"Si Ian!" Sabay na napasigaw sina Lavander at Celine nang maalala nila na marunong gumawa at mag-decipher ng mga codes ang binata. Napatingin sa kanila ang iba pa nilang kasama.

"Ano'ng meron kay Ian? Crush niyo? Ayieee!" Singit bigla ni Garrie. Nagkatinginan na lamang silang dalawa.

"Baliw! Hindi ba, last month, noong pinagawa tayo ng mga trivias about sa mga sarili natin, isa sa mga nilagay ni Ian ang tungkol sa mga codes, na interesado siya sa mga ganoon? Kung sana nakikinig ka noon." Naiiritang sabi ni Lavander habang nakapamewang.

"Kailangan lang natin 'tong ipakita sa kanya, para malaman na natin kung anong nasa likod ng code na 'to." Wika ni Celine.

"E pa'no kung hindi niya pala kayang sagutin?" Kontra ni Garrie.

"Okay lang. At least, may possibilities pa rin na malaman natin kung ano ang mensahe na binibigay nitong code na 'to." Wika ni Lavander.

"Guys, may good news ako sa inyo..." Bigla na lamang sumingit si Laidge.

"Ano'ng good news 'yan?" Nagtatakang tanong ni Celine.

"Kagrupo namin si Ian. Kaya hindi na natin siya kailangan pang hanapin..." Pagpapatuloy pa ni Ashley.

"Bilisan na natin para ma-decode na 'to ni Ian." Wika ni Garrie. Nagpatuloy na silang muli sa paglalakad habang dala-dala ang pag-asa na malalaman din nila ang lihim sa likod ng code na iyon.

Lumipas ang ilang minuto at nakabalik na sina Laidge, Ashley sa grupo nila kasama ang ikalawang grupo. Pero kakaibang sitwasyon pala ang sasalubong sa kanila. Nakahandusay sa lupa sina Edith at Chloe at nasa malapit naman ang bangkay ni Sky.

Nagsigawan ang lahat sa kanilang nadatnan. Binalot ng takot ang buong paligid sa lakas ng sigawan na maririnig dito.

Sa sobrang lakas ng mga hiyawan nila ay nagising na sina Sabrina, Ian, Zoey at Shiela. Halos mapatalon pa sila nang makita ang dalawang bagong bangkay na nakatabi sa kanila.

"A-ano'ng nangyari dito?!" Nauutal na sigaw ni Shiela habang pinagmamasdan ang bangkay nina Edith at Chloe sa sahig.

"Hindi namin alam, kakarating lang din namin! Kayo ang dapat na tinatanong namin niyan!" Sagot ni Ashley.

"Sino'ng pumatay kay Sky? Kina Edith at Chloe? Ano bang nangyari sa inyo noong nawala kami?" Pinaulanan ni Laidge ng mga katanungan ang mga kagrupo. Galit niyang nilapitan ang mga bangkay at tila in-examine ang mga ito.

"Kakamatay lang nina Edith at Chloe, siguro kung mas binilisan namin ang paglalakad ay naabutan pa namin ang gumawa nito..." Sambit niya pagkatapos tingnan ang mga bangkay.

"Si Edith ang pumatay kay Sky, kaya itinali namin siya, pero hindi namin alam kung paano siya nakarating diyan at kung paano sila namatay ni Chloe." Paliwanag ni Zoey.

"Alam niyo, mas mabuti kung ikukuwento niyo sa amin ang lahat ng nangyari..." Suwestiyon ni Lavander. Agad silang naghanap ng mga telang maaaring ipantakip sa mga bangkay ng kaklase at ipinuwesto ito sa isang sulok. Bumuo sila ng isang bilog at pinag-usapan ang mga aksyon na kailangan nilang gawin.

"Ian, hindi ba marami kang alam sa mga codes?" Bungad ni Lavander saka inilabas ang piraso ng tela kung saan nakasulat ang iba't-ibang letra. Napakunot na lamang ng noo si Ian.

"May kaunting kaalaman lang ako sa pagde-decipher ng codes, pero mas maganda kung titingnan ko muna iyan..." Wika ni Ian. Lumapit siya kay Lavander at kinuha ang tela. Tila napaisip siya nang makita niya ang mga nakasulat dito.

Death Camp (COMPLETED)Where stories live. Discover now