Chapter Sixteen - Busted

493 16 0
                                    

Ian's POV

NAGBALIK sa kasalukuyan ang mga nangyari noon sa nakaraan. Dati ay ini-imagine ko lang ang bawat detalye na ikinukuwento sa akin ng ate ko sa section nila, pero ngayon, kami na mismo ng mga kaklase ko ang nakakaranas noon. Posible kayang may koneksyon siya sa isa sa mga kaklase ni Ate Irish noon? Mahigit sampung taon na ang nakalilipas, pero hindi malabong maghiganti ang isa sa kanila.

Noong panahon na nabasa ko ang code ay agad na pinagpawisan ang mga palad ko. Kahit hindi na ako gumamit ng papel, hindi ako maaaring magkamali. Si Garrie Lux a.k.a. The Class Clown. Siya ang may kasalanan ng lahat ng ito.

Count from 1-20 to save your souls!

F-Y-O-N-D-Y E-M-O Y-H
H-U-Q V-S-U-T-L-X

Kung titingnan ay mukhang wala talagang kuwenta ang mga letrang iyon. Pero kung lalagyan lamang ng tamang pattern ay mabubuo ang mensaheng nakatago sa code.

F(1)-Y(2)-O(3)-N(4)-D(5)-Y(6) E(7)-M(8)-O(9)
Y(10)-H(11) H(12)-U(13)-Q(14)
V(15)-S(16)-U(17)-T(18)-L(19)-X(20)

Kapag ipinagpatuloy ko ang mga letra base sa mga numerong nakatapat sa kanila ay mabubuo ang mga panibagong letra kung saan nakasaad na si Garrie Lux nga ang killer.

G-A-R-R-I-E L-U-X I-S
T-H-E K-I-L-L-E-R

Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit siya nagbigay ng clue na magdadala sa amin sa kanya. Ganoon na lang ba talaga niya kami maliitin? Kailangan na naming mag-ingat sa bawat galaw namin dahil habang tumatagal ay paunti kami nang paunti. Ganito rin ang mismong senaryong naikuwento sa akin ni Ate, at sa pagkakaalala ko ay mahigit sampu na lamang silang nabigyan pa ng pagkakataong mabuhay.

Hindi rin dapat makahalata si Garrie na alam kong siya ang pumapatay dahil sa isang iglap lamang ay maaaring mawala ang lahat. Dapat din akong pumili ng mga taong pagkakatiwalaan ko, dahil sa oras na ito ay sarili ko na lamang ang masasandalan ko. Walang may alam tungkol sa pagkakakilanlan ng killer, at sa mga maaaring kasabwat niya, kaya hindi malabong nagtitiwala na pala ako sa maling tao.

Ngayon ay nagmamasid muna ako sa paligid. Naghahanap at nag-iisip ako ng paraan kung paano ko malalaman kung sino pa ang mga dapat kong pagkatiwalaan. Hindi ko mahuhuli si Garrie nang wala akong kasama na tutulong sa akin.

***---***

"Ian?" Agad na napalingon ang binata nang marinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan. Nakatalikod siya sa mga kasama niya habang nakaupo sa isang nakatumbang puno.

"O, Lavander? A-anong problema?" Nauutal na sagot niya na sinundan din ng pagtayo. Pinagpag niya ang kanyang suot na pantalon at muling hinarap ang dalaga.

Tumingin sa kaliwa't kanan ang dalaga at pati na rin sa kanyang likuran. Tila mayroon itong hinahanap. Hinawakan niya ang kamay ng binata at naglakad palayo sa kanilang mga kaklase. Wala nang nagawa pa si Ian kundi sumunod na lamang sa dalaga.

Nang makitang malayo na sa grupo ay doon na binitawan ni Lavander ang kamay ng binata. Balisang-balisa ito at pawis na pawis.

"Alam kong kilala mo kung sino ang killer..." Hindi man pasigaw ay mukhang nabingi si Ian sa sinabing ito ng dalaga. Nagulat man ay kailangan pa rin niyang itago ang tunay na nararamdaman niya dahil alam niyang maaaring isa ito sa mga kasabwat ni Garrie.

"H-ha? Hindi ko nga naintindihan 'yung code, e. Sorry, hindi ko talaga alam." Palusot niya. Sinubukan niyang titigan sa mata ang dalaga ngunit hindi niya mapigilang umiwas ng tingin. Marahil ay hindi talaga siya ganoon kagaling sa pagsisinungaling.

Death Camp (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon