Epilogue

624 15 0
                                    

ILANG oras matapos ang pangyayaring iyon ay sumikat din ang araw. Kayganda nitong pagmasdan lalo pa't hindi masakit sa mata ang matagal na pagtitig dito. Rinig na rinig din sa paligid ang ingay ng mga ibong naglilipara't dumadapo sa mga sanga ng puno. Tuluyan na ngang binalot ng kapayapaan ang gubat na iyon at animo'y walang nangyaring karumal-dumal na mga patayan at karahasan.

Napabuntung-hininga si Ashley habang pinagmamasdan ang napakagandang tanawin sa ibaba bangin. Mayroon kasi roong sapa na pagkalinis-linis ng tubig. Bumagay din dito ang makikinis na bato na halos pabilog lahat ang hugis na nakakalat sa buong paligid.

Tahimik niyang pinagmasdan ang paligid. Alam niyang tapos na ang lahat kahit pa man wala siya at hindi niya nakita ang nangyari sa mga naiwan niyang kasamahan. Naibase niya iyon sa pagkapayapa at taimtim ng buong paligid. Ganoon na ganoon iyon noong dumating sila rito noong unang araw.

Bahagyang nawala ang ngiti sa kanyang mga labi nang maalala niya ang kanyang ginawang pang-iiwan sa mga kaklase. Naging selfish nga ba siya? O naging duwag lang siyang harapin ang kamatayang nagbabadyang lumapit sa kanya?

Hanggang ngayon ay binabagabag pa rin siya ng kanyang konsensiya. Dahil maaaring hindi lamang sina Alexandre at Blaine ang nagbuwis ng buhay noong umalis siya. Ilang oras na rin kasi siyang ginugulo ng kanyang isipan.

Maya-maya pa'y isang desisyon ang nabuo niya. Hahanapin niyang muli ang kanyang mga kaklase upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito. Dali-dali siyang tumayo at naglakad pabalik sa kasukalan ng kagubatan. Malayo-layo rin ang itinakbo niya makalayo lamang sa binatang si Blaine, kaya alam niyang hindi birong maalala muli ang daang tinahak niya makapunta lamang doon.

***---***

"Teri, I'm sorry. Huli na nang ma-realize ko na para rin sa atin ang ginawa mo. Kung sakali mang hindi mo agad ako mapatawad, okay lang. Handa akong maghintay." Wika ni Luke nang makabalik na sina Teri. Pinakikinggan at pinagmamasdan naman sila ni Violet at Kirsley.

Bahagyang napangiti si Teri. Inakbayan niya ang binata. Dapat nga'y hihingi rin siya ng tawad dito ngunit naunahan na siya nito.

"Baliw! Ako nga dapat 'yung mag-sorry e. Hindi ko dapat ginawa 'yun kasi mali 'yun. Tsaka 'wag ka nang mag-alala. Pinapatawad na kita. Kaya sana, patawarin mo na rin ako." Wika ni Teri.

"Sige. Pinapatawad na rin kita." Sagot ni Luke. Niyakap nila ang isa't isa habang unti-unti namang tumutulo ang mga luha sa mata ni Teri.

Umakbay na lang si Kirsley kay Violet upang iparamdam dito na nagtagumpay sila sa plano nilang pagbatiin ang dalawa.

"Ang galing mo, ha! Akbay agad?" Sambit ni Violet habang nakangiti at nakataas ang isang kilay.

"Ang arte naman. May malisya ba sa 'yo?" Pinagdikit ni Kirsley ang dalawa niyang kilay at naningkit ang kanyang mga mata. Hindi na siya sinagot pa ni Violet at muli na lang nilang pinagmasdan sina Teri at Luke.

***---***

Sa gitna ng pagtakbo ni Ashley ay bigla siyang napatigil nang makarating na siya sa harap ng isang matandang puno. Hindi na niya maalala kung sa kaliwa ba siya o sa kanan nagmula. Nang magtagal siya roon ay napag-isipan niyang lumiko na lang sa kanan.

Nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa makarating siya sa isang bahagi ng kagubatan na puro lamang damo at walang masyadong puno. Gulat na gulat siya nang makita niya ang bangkay nina Ryeline at Kiko. Bahagya siyang napaatras ngunit nang maglao'y nilagpasan na lang din niya ang mga ito.

Sa hindi kalayuan nama'y nakatayo sina Teri, Luke, Kirsley, at Violet. Hindi pa man siya tuluyang nakalalapit sa mga ito'y kinuha na niya ang pansin ng mga ito.

Death Camp (COMPLETED)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora