Chapter Thirty-Seven - Vanquished

392 12 0
                                    

"DITO na lang muna kayo, titingnan namin ni Lawrence kung ano nang nangyayari sa kanila." Wika ni Alexandre nang makarating na sila sa eksaktong lugar kung saan nila narinig ang putok ng baril. Pagkatapos iyong sabihin ng binata ay agad din silang umalis ni Lawrence.

Ilang minuto matapos silang lisanin ng dalawang binata ay nag-usap-usap sina Lavander, Elinah, at Ashley. Hindi sila papayag na ang tatlong binata lamang ang gagawa ng paraan upang ipaglaban ang kanilang kaligtasan. Patutunayan nilang kaya nilang makipagsabayan sa mga kalalakihan.

"Hindi tayo dapat nandito..." Wika ni Lavander.

"Anong ibig mong sabihin? Masyado ba tayong obvious dito?" Patanong na sagot ni Elinah.

"Hindi. Ang ibig kong sabihin ay dapat nandoon din tayo. Dapat tulungan natin sila kasi 'di ba? Kapag mas marami, mas malakas!" Pangangatwiran ni Lavander.

"Tama ka, Lav! Tara, sumunod tayo sa kanila!" Wika ni Ashley. Pagkatapos ng usapan nilang iyon ay naghanap sila ng mga mahahabang sanga ng puno na maaari nilang ipangdepensa sa kanilang mga sarili. Buo na ang loob nilang tatlo na tumulong sa pakikipaglaban para sa kanilang mga buhay.

***---***

"Lavander! Lumabas ka na rito! Papatayin pa kita! Hindi ka pa ba handang makita sa impyerno ang tagapagtanggol mong si Ian?" Tila isang lasing si Blaine habang nag-iikot-ikot siya sa mga nagtataasang mga damo. Pilit niya pa ring hinahanap ang dalaga kahit pa man inabot na siya ng dilim.

Muntikan nang makita ni Blaine si Lawrence, mabuti na lamang at mabilis na kumilos si Alexandre upang hilain pabalik ang binata sa likod ng isang puno.

"T-tama ba ang pagkakaintindi ko? W-wala na si Ian? Patay na siya?" Utal-utal na tanong ni Lawrence. Hindi naman agad nakasagot si Alexandre dahil hindi pa siya kumbinsido sa sinabi ng traydor nilang kaklase. Alam niyang higit na malakas si Ian sa binata, ngunit dahil sa may baril si Blaine ay hindi niya masabi kung nagapi nga ba talaga ng binata si Ian.

"Hindi ko alam, Lawrence. Pero hindi malabong totoo ang sinabi niya dahil imposibleng hindi pa sila nagkakaharap ni Ian. Ipagdasal na lang natin na sana, maayos ang kalagayan ngayon ni Ian." Wika ni Alexandre habang diretso at seryosong nakatingin sa binata.

"Pero bago 'yun, intindihin muna natin kung paano natin maaagaw sa kanya 'yung baril. Bukod doon, kailangan din natin siya itali para hindi na siya makatakas pa..." Sambit naman ni Lawrence.

"May naiisip ka bang plano kung paano natin siya malalapitan para makuha natin 'yung baril?" Tanong ni Alexandre.

"Wala rin e. Teka. Mag-iisip ako..." Sagot ni Lawrence, pagkatapos ay tumingin na lamang siya sa kawalan habang hinihimas-himas ang kanyang baba.

Ilang segundo rin silang natahimik dalawa at ang tanging bumabasag lamang sa kataimtiman ng gubat ay ang pagsigaw ni Blaine.

"Alam ko na! Iikot ako papunta sa kabilang side at saka natin siya susuguring dalawa! Sa strategy na 'yon, mahihirapan siyang mag-focus kung sinong babarilin niya kaya madali natin siyang malalapitan. Ang mahalaga lang naman ay ang bilisan natin ang pagtakbo para mahawakan natin kaagad 'yung baril." Wika ni Lawrence habang nakapinta sa kanyang labi ang isang malawak na ngiti. Tiwalang-tiwala siya sa kanyang plano at alam niyang maaari nga itong gumana.

"E paano kung may isang mabaril sa atin?" Sambit ni Alexandre na mayroong kaunting alinlangan sa mukha.

"Hindi mangyayari 'yun kung bibilisan natin ang pagsugod sa kanya." Sagot ni Lawrence.

"O, ano? Tara?" Dagdag pa ng binata. Wala nang iba pang nagawa si Alexandre kundi ang sumang-ayon sa plano ng kaklase.

"Hintayin mo 'yung senyas ko. Pupunta na ako sa kabila." Sambit ni Lawrence bago siya tuluyang umalis sa kanilang pinagtataguan. Nakatingin lamang si Alexandre sa kanyang habang naglalakad siya papalayo.

Ilang minuto rin ang hinintay ng binata bago niya tuluyang nakita si Lawrence sa kabilang bahagi ni Blaine. Nasa kanan siya, si Lawrence naman ang nasa kaliwa, at si Blaine ang nasa gitna nilang dalawa.

Sumenyas si Lawrence nang nakataas ang kanyang hintuturo, sumunod ay kasama na nito ang kanyang hinlalato, at ang pinakahuli ay nakataas na rin ang kanyang palasingsingan. Pagkatapos nito ay tahimik ngunit mabilis silang tumakbo papunta sa direksyon ni Blaine na nagpapaikot-ikot sa damuhan.

Malapit na malapit na sina Lawrence at Alexandre sa kanya bago pa niya tuluyang napansin ang mga ito kaya't hindi na niya nagawa pang depensahan ang kanyang sarili. Isang malakas na suntok sa mukha ang natanggap niya mula kay Lawrence. Nang dahil dito ay nabitawan niya ang baril na kanyang hawak. Tila nakaramdam ng hilo ang binata matapos iyon kaya't  nahirapan na siyang makagalaw. Dinagdagan pa iyon ni Alexandre nang sikmuraan niya naman si Blaine. Nanatili na lang ito sa lupa ngunit nagpupumilit pa rin itong kunin ang baril. Mabuti na lamang at naging mabilis si Alexandre at sinipa niya agad papalayo ang baril. Tinapakan niya ang kamay ng binata, dahilan upang mapasigaw ito.

"Aaahhh! Ang s-sakit na! Tama naaa!" Napahiyaw na lamang sa sobrang sakit si Blaine nang gawin iyon sa kanya ng binata.

"Masakit ba? 'Eto pa, oh!" Wika ni Alexandre at lalo pa niyang diniinan ang pagtapak sa kamay ng binata makaganti lamang sa lahat ng idinulot nito sa kanila. Kung tutuusin nga'y kulang pa ito sa lahat ng ginawa niya sa kanilang section.

"Alex! Ito na 'yung tali! Tama na 'yan!" Wika ni Lawrence at saka niya puwersahang hinila ang kamay ng binatang tinatapakan ni Alexandre. Lalong naramdaman ni Blaine ang sakit dahil kung anu-anong bato at matutulis na bagay ang gumasgas sa kanyang kamay. Nagkasugat-sugat ito ngunit wala na siyang magagawa pa rito.

Agad na ipinagdikit ni Lawrence ang dalawang braso ng binata sa likod nito. Nakaalalay naman si Alexandre upang masigurong hindi na makawawala pa ang binata. Inupuan niya ang likod nito upang hindi na ito makatayo pa.

"Lagot kayong dalawa sa akin kapag nakawala ako rito kaya't siguraduhin niyo nang mahigpit 'yan!" Pananakot ni Blaine. Halos makain na niya ang maliliit na damong nasa lupa dahil sa sobrang lapat ng kanyang mukha rito.

"Ay gusto mo bang higpitan namin? Okay, madali naman kaming kausap..." Wika ni Lawrence pagkatapos ay hinila niya pa nang mas may puwersa ang magkabilang dulo ng lubid. Halos mawala sa sarili si Blaine sa sobrang higpit ng ginawang pagtatali sa kanya ng dalawang binata.

Ibinuhol na nang paulit-ulit ni Lawrence ang tali upang masigurong hindi na makatatakas pa si Blaine. Nang matapos iyon ay tumayo na si Alexandre mula sa kanyang likuran at sakto rin namang dumating sina Lavander, Ashley, at Elinah.

"N-nasaan si Ian?" Hindi magawang makapagtanong nang diretso ni Lavander dahil sa kanyang mga nakikita.

Hindi nakasagot kaagad sina Alexandre at Lawrence dahil kahit sila mismo'y hindi alam ang nangyari sa pagtutuos ng dalawang binata.

"Nasa impyerno na ang lalaking hinahanap mo! Bwahahaha!" Bigla na lamang nakisali sa usapan si Blaine. Hindi mawari ang ekspresyon sa mukha ng dalaga matapos niyang marinig ang masamang balitang iyon.

Author's Note:

Yes, yes, yow! Labing-isa na lang talaga sila at mayroon na lang tatlong kabanata na nalalabi. Natatamad na akong mag-update. Hindi ko alam kung bakit! Haha! Comment naman kayo, oh? Wala na akong maisip na gagawin sa ending! :(

Death Camp (COMPLETED)Where stories live. Discover now