Chapter Thirty-Two - Resisting Hostility

473 11 0
                                    

"RYE, sino ba kasi 'yung killer? 'Di ba't sabi mo, kilala mo kung sino siya?" Pangungulit ni Blue kay Ryeline habang nakaupo sila sa damuhan.

Ilang oras na lamang ang nalalabi at maggagabi na naman. Ito na ang pang-apat na araw nilang nasa lugar na iyon. Naghihintay na lamang silang makabalik sina Hero at Charlie upang tuluyan na silang makaalis.

Lumingon muna si Ryeline sa iba pa nilang kasamahan. Abala ang tatlong lalaki sa pag-aayos ng mga kahoy na gagamitin nila upang makalikha ng apoy mamayang gabi. Habang ang iba namang mga babae ay naghahanda ng kanilang pagkain.

"Hindi ako sigurado pero sa palagay ko, si Kiko ang pumapatay." Nagtaasan ang mga balahibo ni Blue nang marinig niya ang mga sinabi ni Ryeline. Bakas din sa mukha ni Ryeline ang takot na baka bigla na lamang silang sugurin ng binata at walang habag na patayin.

"P-paano mo nasabi 'yon?" Nangangambang wika ni Blue habang pinagmamasdan ang binatang mag-ayos ng mga bali-baling sanga ng puno. Nakangiti pa ito habang nakikipagkuwentuhan kina Luke at Kirsley.

"Madalas kasi siyang umiwas ng tingin kapag tinitingnan ko siya. Kaya pakiramdam ko, siya ang killer. Basta umiwas ka na lang sa kanya." Payo ni Ryeline.

"Sige, salamat, Rye. Sasabihan ko rin si Ate Pink." Wika ni Blue saka yumakap sa dalaga at tuluyan na itong nilisan para lapitan ang kanyang kakambal.

"Bitch..." Bulong ni Ryeline sa kanyang sarili. Nilingon na lamang niya ang direksyon ng araw at tiningnan niya iyon habang dahan-dahang lumulubog. Napahikab na lamang siya nang maramdaman niyang unti-unti nang bumababa ang temperatura sa paligid.

***---***

"Ate Pink, pwede ba kitang makausap?" Bungad ni Blue sa kapatid. Kasama nito sina Violet at Maycee na naghahanda ng nilagang saging na saba.

"Ha? Ano ba iyon, Blue?" Wika ni Pink habang nakangiti sa kakambal.

"Wait lang, ha?" Paalam niya sa dalawang dalaga at lumayo na ang magkapatid sa iba pa nilang kasamahan.

"Ano ba 'yong sasabihin mo, Blue?" Wika ni Pink na bakas ang pagtataka sa mukha.

"Si Kiko ang killer. Ate, 'wag mo munang—" Pipigilan pa sana ni Blue ang kapatid sa pagsigaw ngunit hindi na niya iyon nagawa.

"Si Kiko ang killer?!" Narinig ng lahat ang isinigaw niyang iyon kaya't napatigil ang mga ito sa kanilang ginagawa.

Agad silang napatingin sa binata na hindi inakalang mangyayari iyon. May bumakas na kaunting pagtataka sa mukha niya. Pero isang babae lamang ang pinagbuntunan niya ng sisi, at iyon ay walang iba kundi si Ryeline.

"Ako?! Teka, siguraduhin ninyo 'yang mga pinagkakalat ninyo!" Namuo na ang galit sa dibdib niya kaya agad siyang tumakbo papunta kay Ryeline. Hindi na siya napigilan pa nina Luke at Kirsley dahil tila napako ang mga ito sa kanilang kinatatayuan.

"Ano bang problema mo sa 'keng babae ka, ha?! Bakit mo ipinagkakalat na ako ang pumapatay?" Hinawakan niya ang dalawang balikat ng dalagang kamumulat lamang ng mga mata. Nakatulog kasi ito habang hinihintay ang mga kasamahang maghanda ng pagkain.

"Ano bang sinasabi mo?" Namumungay pa ang mga mata ni Ryeline at humikab pa pagkatapos magsalita.

Sa sobrang inis ni Kiko sa dalaga ay nasuntok niya ito sa tagiliran ng ulo, dahilan upang bumagsak ito kaagad sa lupa.

"Papatayin kita, Ryeline!" Wika ni Kiko saka muling sinuntok ang mukha ng dalaga. Hindi na ito nakalaban pa dahil sa panghihina. Agad na lumapit sina Kirsley at Luke upang awatin ang binata ngunit dahil sa galit at lakas nito ay hindi nila ito napigilan.

"You deserve this!" Sigaw ni Kiko saka dinampot ang isang malaking batong natagpuan niya sa damuhan.

"Huwaaag!" Sigaw ng ilan sa mga kababaihan. Napatili naman ang iba sa kanila. Patakbong lumapit sina Kirsley at Luke ngunit huli na ang lahat.

Itinaas niya ito sa ere at saka ibinagsak sa ulo ng dalaga. Nagkalat sa luntiang damuhan ang kulay pulang dugo ng dalaga. Sa sobrang pagkasira ng mukha niya ay hindi na ito makikilala pa ng mga makakikita sa kanya.

"Kiko! Tama na! Nababaliw ka na ba, ha?!" Sigaw ni Violet habang inaawat siya nina Teri at Mia.

"Pinatay mo siya, Kiko! Mamamatay-tao ka!" Bulalas ni Maycee.

Habang nakatulala si Kiko ay pasimple naman siyang nilapitan nina Kirsley at Luke na may dalang lubid. Hindi na sila napansin pa ng binata kaya't naitali nila ang mga kamay nito sa kanyang likuran.

"H-hindi ako ang killer! N-nadala lang ako ng galit ko!" Depensa ni Kiko, ngunit hindi na siya pinagtuunan pa ng pansin ng mga kasama niya. Hinigpitan pa nila Kirsley at Luke ang pagkakatali sa kanya upang makasigurong hindi na ito makapapanakit pa ng iba nilang kasama.

"Pakawalan ninyo 'kong dalawa! Isusunod ko kayo kay Ryeline kapag hindi ninyo ako sinunod! Mga hayop kayo!" Nagwawala pa rin si Kiko kahit pa man nakatali na siya.

"Ikaw ang hayop, Kiko! Mabubulok ka sa kulungan!" Sigaw ni Teri habang pinapatahan si Mia.

Kanina'y kalmado lamang silang lahat ngunit ngayo'y hindi na nila alam pa ang gagawin. Muli na naman silang nabawasan nang dahil sa kapabayaan nilang lahat.

"Kailangan na natin silang mahanap. Baka kapag nakumpleto tayo, mas malaman natin kung ano ang dapat gawin." Wika ni Teri.

"Tama si Teri, for sure, hinahanap na rin nila tayo." Pagsang-ayon ni Violet.

"Paano kung tayo na lang pala ang natitira?! Paano kung patay na silang lahat?!" Muling nagpatuloy sa pag-iyak si Mia. Tinapik-tapik na lamang ni Teri ang likod ng dalaga upang kahit papaano'y kumalma ito.

"Huwag mong isipin 'yan, Mia. Matatag ang section natin. Hindi ba nga, tayo ang first section? At hindi tayo natatalo ng iba pang mga section kasi magagaling at malalakas tayo." Wika ni Pink.

"Ipagdasal na lang natin na sana ay ligtas pa ang karamihan sa atin..." Suwestiyon ni Luke habang nakatingin sa mga kasamahan.

"Basta't hindi tayo maghihiwalay, walang mangyayaring masama sa atin. Iyan ang tandaan ninyo." Wika ni Kirsley.

"Walang nasaktan?! E ano 'to?! Ano 'tong nangyari kay Rye?! Sa bagay, tama ka nga. Hindi siya nasaktan lang, namatay siya! Namatay siya at wala man lang kayong nagawa! Hindi ba't sabi niyo, poprotektahan ninyo kam—" Agad na pinigilan ni Violet si Maycee dahil baka magkaroon na naman ng gulo. Hinawakan niya ito sa braso dahil mukhang lalapitan pa niya ang dalawang binata.

"Tama na, Maycee! Hindi nila ginusto ang nangyari!" Sigaw ni Violet, habang nakatitig sa mga mata ng dalaga na nag-aapoy sa galit.

Hindi na siya sinagot pa ni Maycee at tinanggal na lamang nito ang pagkakakapit niya sa kanyang braso at saka naglakad papalayo sa grupo.

"Maycee!" Sigaw ni Pink at saka sumunod upang habulin ang dalaga. Susunod din sana si Blue ngunit pinigilan na siya nina Luke.

Death Camp (COMPLETED)Where stories live. Discover now