-шесть-

6.1K 170 93
                                    


-  шесть | six | asheme -

Pawisan akong nagising isang madaling araw ng biyernes.

Nakatitig sa akin ang kapatid kong si Valeria na mukhang namumutla. Gumagalaw din sa katabing banig ang mga pamangkin ko na sila Zohair at Darlene na nagising ko rin yata dahil sa pagwawala ko.

"Ate!" sigaw ni Val. Agad akong napahilamos ng mukha sabay ng pagpunas sa pawisang noo at sa leeg.

Pakshet. Ano na namang paandar ng panaginip ko na 'yon?

"Puta," mura ko. "Putang ina."

Mabilis na tumayo mula sa tabi ko si Valeria at tumakbo papunta sa kusina para kuhanan ako ng tubig na maiinom. Pagbalik niya ay nakasubsob na ang ulo ko sa pagitan ng aking mga binti at iniisip kung bakit na naman ako dinadalaw ng mga bangungot ko.

Pakshet talaga. Nakakabanas!

Ang tagal na nitong tumigil ah. Bakit bumabalik na naman sila?

"Inom ka po muna ate," ani sa akin ni Valeria. Halatang-halata ang pag-aalala sa mukha niya at nahiya ako para sa sarili ko.

Tch. Nagiging istorbo pa yata ako sa kapatid ko. Mabuti na lamang at wala sa bahay si mama dahil kung hindi ay sumugod na 'yon dito sa kwarto at bubulyawan na naman kami dahil sa kaingayan namin. Lalo na ako.

"S-salamat..."

Habang nilalagok ko ang tubig na ibinigay ng kapatid ko ay inumpisahan na muna niyang himasin ang aking likod para ako'y mapakalma.

Bakit na naman kaya ako nababangungot ng ganito? Dahil ba sa pagod? Sa stress? O sa kawalan ng tulog?

"A-anong oras na?"

"Alas tres pa lang po ng umaga. At 'wag ka nga po munang magsalita diyan...Habulin mo muna ang paghinga mo ate Ara. Grabe ate... ngayon ko na lang po ulit sa'yo 'to ginawa..."

Tahimik ko na siyang sinunod. Ni hindi ko nga napansing humihingal na rin pala ako at nanginginig kung hindi niya pa sa akin ito sinabi. Masyado pa yata akong lutang at naguguluhan para ma-proseso ang lahat ng nangyayari.

"Ate Ara, binabangungot ka na naman ba?" tanong niya. Pagtango lamang ang naisagot ko dahil alam kong maiintindihan niya ka agad kung gaano kalala ang mga napapanaginipan ko.

"Kanina pa ba ako sumisigaw?"

"Medyo," sagot ni Val. "Ang hirap mo nga pong gisingin. Tapos nanunulak at naninipa ka pa..."

Wala akong nasabi doon sa kinuwento niya. Sinipat ko na lang tuloy ang dalawa kong pamangkin na nakabalik na sa kani-kanilang pagtulog.

Hay. Mabuti naman. At least, mayroon sa amin ang makakakuha pa ng sapat na pahinga.

"Ilang taon na rin na nahinto 'yan ate ah. Pero kamusta? Ganoon pa rin ba ang panaginip mo? Pinapatay ka na naman?"

Binalik ko sa nakababata kong kapatid ang aking atensyon at muling tumango.

Alam niya lahat ang mga naging bangungot ko simula pa noong bata pa lamang ako. Mula sa pagkalunod sa dagat ng dugo, paghulog mula sa isang mataas na lugar, sa pagpapako sa isang baliktad na krus, hanggang sa pawang makatotohanang pagsunog sa akin ng buhay ay naikwento ko na sa kaniya.

Kaya nga siguro ay takang-taka rin siya kung bakit at saan ko nakukuha ang mga ganoon ka brutal na mga panaginip eh.

"Sinusunog na naman daw ako," kwento ko. "Parehas lang noong huli. 'Di ko pa rin alam kung bakit pero naka-tayo pa rin ako at nakatali sa gitna ng isang stage na gawa sa kahoy. Maraming walang mukhang tao ang nakapaligid sa akin... Tapos lahat sila'y nagtatawanan habang lumalaki ang apoy sa paligid ko..."

DESTROY ME (Paradise #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon