Chapter 1: The Living Doll

39.9K 935 104
                                    

Bagong lipat lang kami ng bahay. Palipat-lipat kasi kami. Nag-iipon sina Mama at Papa para sa isang bahay. Sa mga apartment lang noong una hanggang sa naka-ipon. Heto, nakabili na kami ng isang napakagandang bahay sa isang napakagandang village.

Nag-aayos kami ng gamit. Kami ng kapatid ko, inuna namin yung sa kuwarto namin. Sina Mama at Papa, pinapabuhat yung mga sofa sa mga nagbubuhat ng mga gamit. Basta, iyon na 'yon.

Maya-maya, biglang nagring ang cell phone ko.

"Hello?" sagot ko.

"Nathan!"

"Sino to?"

"Tae ka ha. Hanggang ngayon ba, di mo pa rin kilala boses ko? Ethan 'to!"

Si Ethan yung pinaka "pare" ko mula pa noong grade school—kasama sa trip, kasama sa kalokohan at kawalang'yaan. Halos ipagpalit na kami ng mukha ng mga taong nakakakilala sa amin. Sa pangalan pa lang, nakakalito na kaming dalawa.

"Nakalarga na kayo?" tanong ni Ethan.

"Oo," sagot ko. "Nag-aayos na kami ni Gerald ng gamit."

"Punta ko diyan."

"Sige."

"Andito na ko."

"Sabi na nga ba. Anak ka talaga ng hopia o."

"Anak ako ng nanay ko. Sige, sayang load ko. Lumabas ka na."

"Ikaw tong tumawag e. At saka, load? Nanay mo naman nagbabayad ng linyang 'yan. Sige. Baba ko na."

Bumaba ako. Dinatnan kong nag-aayos ng meryenda si Mama. Nalaman sigurong andito si Ethan. Paglabas ko, ayon, nakikipagusap kay Papa.

"Naks, tol," komento ni Ethan. "Ganda ng bahay a."

"Magaling lang talaga magulang ko," sagot ko.

"Tara, basketball tayo."

"'Langya ka. Kita mong nag-aayos ako ng gamit e."

"Pumunta pa naman ako rito!"

"Di ka man lang nagtext. Sinong tanga?"

"Ikaw."

"Hinayupak ka."

"Sige, punta lang ako kina JR."

"Sino 'yon?"

"Taga-rito rin na di mo kilala. Text ka pag tapos ka na. Punta kang basketball court pagtapos mo."

"Tae ka. Parang ang tagal ko na rito a," sagot ko sa anyaya niya.

"Mag-bike ka. Lapit lang 'yon dito. Sige," paalam niya, "'lis na ko, tol."

Tapos ginawa na namin yung apir namin.

Bumalik ako ng bahay at nag-ayos ulit ng kuwarto. Mga alas-kuwatro na ako ng hapon natapos. Naligo ako saglit tapos nagpaalam na ko kina Mama na hahanapin ko yung court.

Kinuha ko yung bike at umalis.

Ang ganda ng village na 'to. Sa sobrang daming puno, sigurado akong wala akong poproblemahin sa baha at sa kung ano man.

Pero may isang lugar sa village na 'to na napatigil ako. May slope, at sobrang ganda ng nakatanim na . . . damo? Basta 'yon. Masarap humiga. Maraming puno ng acacia tapos may swing at monkey bars sa nakita kong lugar.

Tumigil ako at nag-park ng bike sa may puno. Wow. Ang sarap ng hangin. Tumingin ako sa langit. Ang ganda ng mga ulap. Ano nga bang tawag dito? Cumulus clouds? Hindi nakakasunog ng balat yung araw. Tama lang.

Heto na ata ang "haven" ko.

Napahiga ako sa sobrang ginhawa ng nararamdaman ko. Kasabay ng paghiga ko ang pagpikit ng mga mata ko. Ang sarap alalahinin lahat ng mga nangyari mula sa pagkamulat ko hanggang sa dahilan kung ba't ako nandito.

Dumilat ako at . . . woah.

Nagulat ako sa nakita ko. Sa sobrang gulat, napatayo ako at napatingin sa taas. Saktong pagtingin ko sa taas . . . bam!

Nalaglag yung tao. Oo . . . tao.

Ang sakit ng pagbagsak niya sa 'kin kasi inupuan niya ako. Ako naman, akala ko e bata lang ang bumagsak sa 'kin kasi magaan naman siya kahit papaano. Pagkadilat ulit ng mga mata ko . . . isang manika pala.

Manika lang pala.

"Salamat."

Isang nagsasalitang manika.

Ngiti.

Tumaas lahat ng balahibo ko. Hindi siya manika. Totoong tao siya. Parang nakita ko na siya, pero hindi ko lang matandaan kung saang lupalop ko siya nakasalubong.

Nakalugay yung maitim niyang buhok sa likod niya na parang hindi siya nalaglag. Wala kang makikitang balat sa noo niya dahil takip na takip ng bangs. Ang suot niya? Isang itim na doll dress. Iyong may napakalaking ribbon sa gilid na sobrang daming lace. Doll shoes din yung sapatos niya, yung pang elementary ba. Iyong headband niya, pang manika rin.

Manika nga.

"Ano ba, Miss!" pagalit kong sabi. "Magpapakamatay ka ba? Hindi ka naman mamamatay sa pagtalon diyan e. Mapipilay ka lang."

"Hindi," mahinhin niyang sagot habang nakatingin sa damit niya na parang may hinahanap. "Sinusubukan kong patuluin yung luha ko. E ayaw. Nakabara sa mata. Kaya sinubukan kong tumalon, baka malaglag. May naramdaman ka bang basa?"

Ha? Hindi ko masyadong naintindihan yung sinabi niya. Una sa lahat, dahil walang sense. Sinong tatalon sa puno para lang mahulog yung luha niya?

Tumayo yung babae. Di ko alam kung pa'no sasabihin . . . pero muka talaga siyang manika. O . . . manikin? Ang puti-puti niya. Nakikita ko na nga yung veins sa leeg niya. May ganito palang taong nag-e-exist.

Inabot niya yung kamay niya para itayo ako. Kung tutuusin, mabait naman siya. Kung pagbabasihan ko sa pisikal na kaanyuan, mukhang siyang tahimik.

Hinawakan ko yung wrist niya. Sasabihin ko sana na masarap naman mabuhay. Kaso pagtingin ko, ang dami niyang hiwa sa kamay. Halatang madaming beses na niya binalak subuking kuhanin ang buhay niya.

"Akala ko ba di ka magpapakamatay? Bakit ang daming hiwa? Matakot ka naman sa Diyos. Masarap mabuhay," komento ko.

"Hindi ako yung may gawa ng mga hiwa na 'yan," sagot niya. "Isa lang yung akin dahil inutusan ako. Iyong iba, hindi ako yung may gawa. Pa'no mo nalaman na masarap mabuhay kung di ka pa naman namamatay?"

Sa pananalita niya, alam kong isa siyang pessimist. At kung totoo yung sinabi niya tungkol sa mga hiwa na 'to, ibig sabihin masokista siya.

"Isa pa, nabubuhay ako kahit na patay ang turing sa 'kin," dagdag niya.

"Miss," sabi ko, "may kakapitan ka pa. Wag kang ganyan—"

"Sa totoo lang . . . wala na."

"Meron pa. Impusible namang wala kang kaibigan—"

"Wala nga."

"Pamilya?"

"Wala rin . . . siguro."

"Ha? Pa'no ka nabubuhay?"

"Gusto mo ba malaman muna ang pangalan ko bago ka magtanong sa 'kin ng ganyan?"

Napatulala ako sa sinabi niya. Oo nga naman. Hindi ko pa naitatanong yung pangalan niya.

"Ako si Nathan," pakilala ko. "Sorry kung—"

"Ako si Mary."

Hindi ko ba alam kung mamamangha ako o matatakot sa kanya dahil sa paraan kung pa'no siya ngumiti. Maliit lang yung mga labi niya, pero rosas na rosas, parang yung sa manika nga. Pero ang pinakanapansin ko talaga ay yung mga mata niya. Sobrang ganda. Ang haba ng mga pilik-mata niya. Kung hindi ko siya nakita nang malapitan, masasabi kong naka-mascara at eyeliner siya. Sa sobrang ganda ng mga matang 'yon, parang puwede na ako magsalamin.

Ngumiti siya ulit.

"Sa susunod ulit, Nathan. Masaya akong nakilala kita."

Kumaway siya tapos ngumiti ulit. Hindi ko napansin na may hawak-hawak siyang isang teddy bear. Yakap-yakap niya 'yon habang lumalayo siya sa 'kin.    

A MiracleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon