Chapter 10: The World of My Blessed Wonder

12.3K 542 70
                                    

Umuwi ako ng bahay matapos dalhin sa ospital. Buwisit. Hindi ko rin alam kung bakit. Basta sumikip ang dibdib ko, at 'yon na—dinala na lang ako bigla sa ospital. Sina Sam ang nagdala sa 'kin. Siyempre alalang-alala sila. Birthday ko pa man din. Biniro nga ako ni Ethan na akala daw niya na sa tuwing birthday ko na rin daw sila magse-celebrate ng death anniversary ko. Tae talaga 'yon.

Isa lang ang nasa isip ko pag-uwi ko sa bahay. Hindi ko alam kung iisa lang ba silang dalawa—si Mary at yung babaeng bokalista ng Tears of Midnight.

Tatlong araw din ako absent kaya maraming kailangan aralin. Pero bukod doon, gusto ko na pumunta sa park. Nangangati na yung mga paa ko. Ang mga mata ko, gustong gusto na siya makita. Siguro dahil gusto ko malaman ang katotohanan kung siya ba talaga yung babaeng nakamaskara noong kaarawan ko.

***

Pagkatapos ng klase, nagmadali ako umuwi. O mas tamang sabihin na . . . gusto ko na pumunta sa park at makita si Mary. Gusto ko na makipagkuwentuhan sa kanya tapos tingnan yung reaksiyon niya.

Pagkapunta ko sa park, kitang kita ko siya na nasa may swing. Parang walang pinagbago. May headphones pa rin siya na ubod ng laki habang nagbabasa ng libro. Siyempre, hindi mawawala yung teddy bear. Minsan nagtataka ako kung paano niya napagsasabay ang pakikinig ng rock music at ang pagbabasa ng librong halos magdugo na ang ilong ko dahil sa mga salitang di ko alam.

"Mary!" sigaw ko, pero hindi man lang siya tumingin sa 'kin. Sumigaw ulit ako, pero di na naman niya narinig. Kaunti, nainis ako. Siya na 'tong tinuturing kong pinakamalapit kong kaibigan, pero ni hindi nga niya alam na na-ospital ako. Ni di ko man lang alam kung nag-alala ba siya sa 'kin. Sabagay, hindi nga niya alam.

Ano nga bang pakialam niya sa 'kin?

Umupo ako sa swing. Nilipat niya yung pahina ng binabasa niyang libro at saka niya ko binati.

"Hello, Nathan," sabi niya, halos bulong. Ang sarap tanungin, Ano ba ako sa buhay mo? Pero alam ko naman ang sagot. Noong umpisa pa lang, alam ko na kung anong magiging parte ko sa buhay niya, di ba?

"Mary, puwede magtanong?" umpisa ko.

"Puwede. May kalayaan tayong lahat na magsalita," sagot niya tapos nilipat niya ulit sa isa pang pahina yung binabasa niya.

"Sa'n ka galing no'ng birthday ko?"

Naisip ko tuloy kung mag-iisip siya ng sagot para ipantakip sa 'kin o aaminin niya na siya yung babaeng bokalista ng Tears of Midnight.

"Sa langit," biro niya.

"Seryoso naman kasi."

"Seryoso naman yung sinabi ko."

Tumahimik na naman siya. At heto ako, nakatingin na naman sa mukha niya. Iyong mga mata, labi . . . parehas na parehas sa babaeng kumanta noong kaarawan ko.

"Alam mo ba, no'ng birthday ko, inatake ako sa puso," sabi ko.

"Masyado ka atang maraming kinakaing mamantikang pagkain."

"Hindi 'yon ang punto ko."

"O baka tingin mo ako yung babaeng nakamaskarang nakita mo."

Sandaling napatigil yung hininga ko. Hindi man lang niya hinintay na ako yung magsabi kahit katiting na pahiwatig. Hindi ko alam kung may kapangyarihan lang talaga siyang magbasa ng isip.

"Oo," pag-amin niya. "Ako 'yon."

Sinara niya yung libro niya. Sa sinabi niyang 'yon, parang nabingi ako. Unti-unting nawala sa alaala ko yung boses ng babaeng bokalista ng Tears of Midnight—ang boses niya habang kumakanta sa entabladong 'yon.

A MiracleWhere stories live. Discover now