Chapter 3: Rose Seeds

16K 629 82
                                    


Ngumiti lang siya tapos naglakad na. Ako naman, napatigil lang sa sobrang . . . hindi ko rin alam. Basta napatigil na lang ako. Bakit ko nga ba siya kinakausap e puwedeng hindi naman?

Bumalik ako sa bahay. Hindi ko rin alam. Ang sama sa pakiramdam na sabihan ka ng ganoon. Ako na nga 'tong kumakausap sa kanya. Buti nga may kumakausap pa sa kanya e.

Hinintay ko mag gabi. Nagulat nga ako dahil wala pa yung mga magulang ko at yung kapatid ko. Siguro naglakwatsa na naman 'yon. Makapaglaro na nga lang ng—

Ding dong.

Biglang may nagdoorbell. Iyon kaya yung bago naming katulong? Ang sabi ni Papa, next week pa naman dadating. Wala naman akong narinig na sasakyan, kaya alam kong hindi 'yon sina Mama. At lalong hindi 'yon si Gerald dahil hindi 'yon marunong mag-doorbell. Dahil wala pang tao sa bahay kundi ako, siyempre, ako yung bumaba para buksan yung gate. Sino kaya to?

"Hi," bati ng manika.

Hindi ko alam kung anong dapat kong gawin. Kung papapasukin ko ba siya o kung itataboy ko siya palabas. Pero bakit ko siya itataboy . . . o papapasukin?

"Uh, anong ginagawa mo rito?" tanong ko. "At saka, pa'no mo nalaman yung bahay ko?"

"May ibibigay lang ako sa 'yo," sagot niya. "At saka nakita ko yung bike mo sa labas kaya inakala ko na dito ka nakatira."

"Ano 'to?"

"Kahon."

"Alam kong kahon 'to. Ang ibig kong sabihin, anong laman nito?"

"Alam mo yung salitang bukas?"

"Oo. Dalawa ang ibig sabihin n'on."

"Mali. Ang sabi ko, bukas at hindi bu-kas."

Napahiya ako doon, pero tama naman siya. Naramdaman kong gusto niyang buksan ko 'yon sa harap niya kaya binuksan ko naman yung kahon.

"Ano 'to?" tanong ko ulit.

"Buto."

"Oo, alam ko," pagod kong sabi. Hindi ko alam kung niloloko ba niya ako o ano. "Anong klaseng buto?"

"Pinakuluang buto ng rosas."

Buto ng rosas?

Una sa lahat, ngayon lang ako nakarinig na may buto pala ang rosas dahil ang pagkakaalam ko, gina-graft lang 'yon ni Mama. Pangalawa, bakit niya 'to binibigay sa 'kin? Pangatlo, kung gusto niyang itanim ko 'to, bakit niya ko binigyan ng pinakuluang buto?

"Hyrbid tea rose," dagdag niya.

"Teka, ba't mo ako binibigyan ng ganito?" tanong ko.

"Pag namulaklak 'yan, aalis na ako sa buhay mo. Pero pag hindi, hahayaan kitang guluhin mo ang buhay ko, at guguluhin ko rin naman ang buhay mo."

Hindi ko makuha yung sinabi niya. Siyempre, siya 'tong lamang. Natural lang na hindi tumubo 'tong mga 'to dahil pinakuluan yung mga buto.

Na may nakakunot na noo, tinanong ko, "Niloloko mo ba ko?"

"Hindi," diretsa niyang sagot.

"E bakit—"

"Naniniwala ka ba sa mga himala, Nathan?" bigla niyang tanong.

Wala akong naisagot kundi isang tanong pabalik. "H-ha? Bakit mo naman naitanong?"

"Wala naman. Sige, itanim mo na 'yan . . . simula ngayon, pinapayagan na kitang pumasok sa buhay ko."

Tapos ngumiti siya.

Nakita ko na naman siyang naglakad papalayo sa 'kin. Samantalang ako, hawak-hawak ko yung kahon na may mga pinakuluang buto ng hybrid tea rose daw.

A MiracleWhere stories live. Discover now