Chapter 11: When She Starts to Be Everything

12.2K 550 77
                                    

Mula nang napagtanto ko 'yon, walang araw na maaga ako umuwi para dumiretso sa park. Pinapakain ko siya at pinagmamasdan ngumiti. Gusto ko maging ganito habambuhay.

Hindi na siya nagbabasa ngayon. Gumagawa na siya ng mga eroplanong papel. Parang bata si Mary—isang batang di ako magsasawang alagaan.

Sa mga eroplanong papel, sinusulat niya yung mga dasal niya para sa mundo. Bago niya 'yon iniiwan sa ibang lugar, pinapabasa niya sa 'kin. Mag-uusap kami sandali kung bakit 'yon ang naisip niyang isulat. Hindi ko nakikita kung sa'n niya nilalagay yung mga eroplanong papel na 'yon. Pero ang sabi niya, iniiwan niya sa iba't ibang lugar.

Eto, hindi ko na alam kung pang-ilang buwan o linggo o araw na kaming magkasama. Maaraw pero medyo malamig dahil malapit na mag-Pasko. Gumagawa pa rin siya ng eroplanong papel no'n. Nagsusulat sa mga papel tapos tinitiklop na naman niya. Sa oras na 'yon, tatlo na yata yung nagawa niya.

"Nakakamangha ka talaga," sabi ko habang tinititigan ko siya.

"Hindi ako kakaiba para kamanghaan," sagot niya. "Tao lang din ako tulad mo."

"Hindi naman dahil kakaiba ka kaya ako namamangha sa 'yo e."

"Kailangan ko ba tanungin kung ano?"

"Kahit naman hindi mo tanungin, sasabihin ko pa rin."

"Ano?"

"Dahil habang tumatagal, nalalaman ko na hindi ka kakaiba."

Ngumiti siya at nilagay yung katatapos lang na katitiklop lang niyang eroplanong papel. Kumuha ulit siya ng papel, pero hindi niya muna sinulatan. Tiniklop niya muna tapos nagpunit-punit siya. Nagtaka ako sa ginawa niya. Akala ko trip lang niya hanggang sa nakita kong eroplanong papel pa rin yung ginawa niya.

"Eto," sabi niya pagkatapos ng huling tiklop niya sa origami, "para sa 'yo."

"Talaga?" tanong ko habang kinuha sa kanya yung gawa niya. "E ba't walang sulat sa loob?"

"Ayaw mo? Meron pa kasing ibang makikita bukod doon."

"Siyempre gusto."

"Ba't hindi mo subukan paliparin?"

"Bakit?"

"Subukan mo lang."

Tumayo ako mula sa swing at pinalipad ko. Nagulat ako nang biglang nag-landing sa mga paanan ko. Hindi ako matalino para sabihin kung pusible o di pusible 'yon sa phsyics, pero namangha lang ako.

"Talagang alam mo na babalik?" tanong ko.

"Hindi, experiment lang. Nagulat din ako na mangyayari pala talaga." Ngumiti siya tapos tumayo para damputin yung eroplanong papel at saka niya dinagdag, "Ang galing."

Mukha namang namangha siya sa nangyari, pero nakita ko yung sobrang pagmangha niya dahil sa mga ngiti niyang abot tenga.

"Ba't parang manghang mangha ka?" tanong ko.

Tumingin siya sa 'kin at ngumiti. Saka niya binuksan yung eroplanong papel. Doon ko nalaman kung bakit nga siya manghang mangha. Papaano, yung pinunit-punit pala niyang parte ng papel ay hugis krus.

Ngumiti ako tapos tumayo. Nakatungo pa rin siya, hawak-hawak yung papel.

"Ang ibig sabihin lang niyan, kahit saan ka pa pupunta, sa Kanya ka pa rin babalik."

Hinawakan ko yung mga kamay niya. Naririnig ko na naman yung drums sa loob ng katawan ko. Tumingin siya sa 'kin nang dahan-dahan. Handa na bumuka ang bibig ko at sabihin lahat ng nararamdaman ko nang nangyari ang hindi inaasahan.

A MiracleHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin