Chapter 15: Valentine's Day

9.9K 519 79
                                    

Nakatingin siya sa 'kin, hawak ng dalawa niyang kamay ang mic na para siyang isang batang first time isabak sa isang singing contest. Tinapat niya yung bibig niya sa mic at nag-umpisa.

"I'm listening, yes, I'm guilty of this . . . you should know this . . ."

Tahimik ang lahat. Sobrang tahimik na tingin ko gusto ko narin pumunta ng langit kung ganto katahimik dun, at siya lang ang anghel na kumakanta. Gusto ko siya ipagmalaki dahil tinanggap pa rin niya ang hamon. Ang boses niya, sobrang ganda sa isang tahimik na lugar tulad nito. Alam ko namang pipili siya ng kanta na hindi malilimutan ng tao.

Kitang kita ko yung tumulong luha sa mga mata niya—o baka pawis—pero hindi 'yon nakaapekto sa pagkanta niya. Tinuloy niya nang hindi pinupunasan.

Tama 'yan, naisip ko. Ipamukha mo sa lahat ng tao kung sino ka. Ipamukha mo na nasusunog na sila. Iligtas mo sila sa pamamagitan ng kanta mo.

Naramdaman ko na rin na kailangan ko na pumunta sa stage at abangan siya. Hindi ko man alam ang kantang kinakanta niya, alam kong kailangan ko na siya sunduin dahil matatapos na ang palabas.

"Nobody likes to, but I really like to cry . . . Nobody likes me maybe if I cry . . ."

Akala ko tapos na dahil binaba na niya yung mic. Pero bigla niya ulit 'yon tinaas at kinanta ang huling linya na kinabigla ko nang tunay.

"Nobody likes me maybe if I die."

Tahimik pa rin nang ilapag niya sa sahig ng entablado yung mic at dahan-dahang bumaba. Walang pumalakpak. Walang nagsalita hanggang sa nakalabas na kami ng impyernong 'yon. Pagkalabas na pagkalabas, nagkaroon na ng kaunting ingay. Lumakad kami papalyo.

Nang malayo na kami, nanghina siya. Buti na lang hawak ko yung braso niya kaya nasalo ko siya agad. Kasalanan ko to. Dapat hindi ko na siya pinapunta rito.

"S-sorry, Mary."

"Hindi mo kailangang magsorry," sabi niya. "Nathan, sa lahat ng naging mali sa buhay ko, ikaw lang ang naging tama. Masaya ako dahil . . . dumating ka sa buhay ko."

"Ibig bang sabihin . . . isa akong mali sa buhay mo?"

Tahimik siya. At saka ko napagtanto . . .

"Mary, may gusto akong aminin sa 'yo."

"Yang aaminin mo ba sa 'kin, pipigilan ang pagkamatay ko?"

"Hindi."

Tumulo ang luha mga mata namin.

"Napansin ko lang na namimili ng tao ang luha ko."

"Ako ba yung masuwerteng 'yon?" tanong ko sa kanya habang pinupunasan yung malalamig niyang pinsgit.

"Tingin ko kung wala ka doon kanina, hindi rin 'yon tutulo."

"At least nakaganti ka na rin."

"Hindi 'yon ang iniisip ko kanina habang kumakanta ako sa stage. Iniisip ko na masuwerte ako dahil sa mahigit isang daang tao na nasa lugar na 'yon, may isang nakaabang para saluhin ako pag nahuhulog ako."

Pinunasan ko yung mga luha niya pero hindi ang akin. Masyadong masakit yung mga sinasabi niya. Masakit dahil alam kong hindi ko na ulit 'yon maririnig . . . na wala na siya sa susunod na kaarawan ko.

"Mary, puwede bang sabihin ko na?"sabi ko pagkatanto ko kung bakit ako "mali" sa buhay niya.

"Tingin ko, ayoko marinig."

"Bakit naman?"

"Magkakaroon lang ako ng rason para mabuhay . . . baka bawiin ko lang yung sinabi kong handa na kong mamatay."

"Bigyan mo ako ng pagkakataon para masabi 'to sa 'yo nang isang beses lang."

"Iyong isang beses lang na 'yon ang magiging dahilan ng kirot sa puso ko araw-araw, Nathan. Natatakot akong marinig."

"Kaya ba ako naging mali?" Hindi siya umimik. Nagtanong ako ulit, "Ayaw mo ba talaga?"

"Siguro."

Nakatungo lang siya. Mabuti na rin 'yon dahil nahihiya akong sabihin sa kanya ang totoong nararamdaman ko. At nang may buong lakas ng loob, binulong ko sa ere, "M-mahal na . . . mahal kita."

Kahit sa ere ko pa 'yon sinabi, alam kong narinig niya 'yon.

"Dagdagan mo ng siguro," sabi niya.

"Bakit naman?"

"Para puwede mo pang baguhin."

"Ayoko na baguhin."

"Pag hindi mo 'yan babaguhin, tatanggapin ko na gano'n lang 'yon."

"Tanggapin mo na."

"Bakit hindi mo piniglan ang sarili mo?"

"Na?"

"Na mahalin ako."

"Bakit ko pipigilan?"

"Nathan, ayokong masktan ka," sabi niya, parang naluluha. "Pa'no pag . . . mawala na ko?"

"Kaya mo ba maghintay?"

Sana alam niya ang ibig kong sabihin. Sana kaya niya. Kung sa'n man siya pupunta, sana kaya niya akong hintayin. Magtitiis ako . . . basta alam kong may naghihintay para sa 'kin.

Kung tutuusin, dapat ako 'tong tanungin kung kaya ko bang magmadali para makarating agad sa kahahantungan niya kung sa'n man 'yon. Pero hindi ko alam kung bakit siya 'tong tinatanong ko.

"Ako, kaya ko," mahinhin niyang sabi. "Sanay ako maghintay."

Tumutulo pa rin ang luha naming dalawa habang nakatingin kami sa isa't isa.

Diretso sa mata, tiningnan ko siya. Iyong nasa isip ko na tamang gawin sa moment na 'to, susubukan kong gawin. Kahit isang beses ko lang gawin yung nangyayari sa TV, ayos lang. Naalala ko nang ginawa namin 'yon ni Sam. Si Sam yung lumapit sa 'kin, at hindi ko na mapigilan kumawala sa mahikang nilagay niya sa 'kin.

Pero kahit anong pilit ko na idahan-dahan ang bawat galaw, hindi ko pa rin magawa yung sa mga pinapanood ng nanay ko. Hindi siya pumikit, at hindi rin ako pumikit. Basta lumapit na lang ako sa kanya habang nakatayo kaming pareho. Siguro hinihintay niya kung anong susunod kong gagawin.

Nakalapat lang yung mga labi namin sa isa't isa, hindi gumagalaw. Sapat na sa 'kin ang alaala ng sandaling 'to para mabuhay nang matagal.

Sandali lang ang hiwagang nangyari sa aming dalawa, pero hinding-hindi ko 'yon makakalimutan. Umuwi kami na magkahawak ang kamay, pero hindi kami nag-usap. Ginawa ulit namin 'yon bago kami nagkahiwalay—isang mahikang hindi gawa sa pananabik o sa pagnanasa, pero isang hiwagang hinubog ng pagmamahal at pag-ibig.    

A MiracleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon