Chapter 2: Entrance

20.7K 709 56
                                    

Umpisa na ang pasok, pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin makalimutan yung araw na nakita ko yung manikang 'yon.

Hindi ko alam. Meron sa kanya na binabagabag ako. Siguro dahil na rin psychology ang course ko kaya gusto kong tuklasin kung ano man yung nasa likod ng ganoong ugali niya. Ang ibig kong sabihin, wala naman siyang masamang ugali pero . . . hindi ko alam. Alam kong may mali sa kanya. Halata naman, di ba?

Pumasok ako sa school. Unang araw pa lang naman ng ikalawang taon ko sa college. Walang mga prof na pumasok. Bad trip dahil sayang pamasahe.

Hindi kami magka-university ni Ethan. Doon siya sa kapitbahay ng school ko na pangmayaman. Ayos lang. Mayaman naman 'yon.

Umuwi ako ng bahay nang pagod. Gusto ko tuloy ulit magbakasyon. Humiga ako sa kama at binuksan yung aircon at yung laptop ko. Maglalaro na lang siguro ako.

Binuksan ko yung mga social-networking sites na meron ako para tingnan kung may mga message, at saka ko binuksan yung lalaruin ko. Online pala sa Ethan kaya ayon, bumuo kami ng grupo at saka naglaro. Nag-imbita muna siya ng mga puwede. Madami naman siyang kakilala. Syempre, kanya-kanya kaming username.

Nang nag-uumpisa na kami ng laro, may isa sa amin, ang username, dollface. Bigla ko tuloy naalala yung babaeng una kong nakasalamuha sa village na 'to. Saan kaya siya nakatira? Naalala ko bigla na palakaibigan 'tong si Ethan at halos tambay na siya rito kasi nasa kabilang village lang naman siya, e andito yung mga ibang ka-liga niya. Pagkatapos naming maglaro, pinag-online ko siya.

"Tol," sabi ko, "tambay ka rito, di ba?"

"O, bakit?" tanong niya.

"May nakita ka na bang babae rito na—"

"Sexy?" sabat niya. "Oo, madami."

"Patapusin mo nga ako! Hindi. Babaeng mukhang manika."

"Manika?"

"Oo. Isang babaeng ubod ng puti na puwede na mag-camouflage sa white paint. Tapos may suot na parang pang baroque na—"

"Tae, tol. Si Rebecca?"

"Rebecca?" Nagtaka ako. Ang pagpapakilala niya sa 'kin ay Mary, di ba?

"Oo. Iyon yung gumagalang multo diyan sa village niyo. Siya ba yung laging may hawak na teddy bear? Tatlo tawag sa kanya diyan e. Mangkukulam, the walking mannequin, at saka voodoo doll."

"Seryoso ba yung multo siya?"

"Ewan ko. Para kasi siyang multo pero nakikita ng lahat ng tao."

"Bakit daw siya gano'n?" tanong ko.

"'Ba malay. Wirdo, 'no?"

"Nakita mo na siya?"

"Oo. Daming beses na. Lagi 'yon nasa park. Bahay niya ata 'yon e. Ba't mo nga pala natanong?"

"Naalala ko lang dahil kay dollface."

"Sino 'yon?"

"Iyong kalaro natin kanina. Nakita ko kasi yung babaeng 'yon noong unang araw na lumipat kami."

"Iyong nagbasketball tayo?"

"Oo. Nakalimutan kong ikuwento."

"Anong sabi sa 'yo?"

"Uh . . . wala," sagot ko. "Para kasing nakita ko na siya. Di ko alam kung saan."

"Tsk. Siya na 'yan."

"Anong siya na 'yan?"

"Iyong nakatadhana sa 'yo," tukso ni Ethan.

"Tigilan mo ko, tol, kung gusto mo pa mabuhay."

Alam kong nakita ko na siya . . . hindi ko lang talaga matandaan.

Noong susunod na araw, may mga prof na. Kahit boring sila, at least hindi nasayang ang pamasahe ko. Pero sobrang boring ng dalawa sa apat kong prof na pinasukan ko ngayong araw kaya kung bibilangin, meron akong tatlong oras na tulog sa oras ng pasok.

Bumalik ako sa building ng college ko. Titingin lang sana ng mga puwedeng kaibiganin na freshmen. Titingnan lang naman. Bumisita rin ako sa org ko at iyon. Puro tawanan.

Bumili ako sa isang malapit na cafeteria ng softdrinks at ng pagkain para panglamon sana sa org. Nagulat ako nang nakita ko siya na nakaupo mag-isa sa may mesa. Sinong siya? Sino pa ba?

"Oy," batik o.

Tumingin siya sa 'kin. Ang ganda talaga ng mga mata niya. Di ko maisip na makakagawa ang Diyos ng isang nilalang na ubod ng ganda yung mga mata. Ang cute niya. Cute pero may pagkawirdo.

"Ano ginagawa mo rito?" tanong ko. "Mag-isa ka lang?"

"Nagpasa ako ng mga papeles," sagot niya. "At oo, mag-isa lang ako."

"Papers? Para san?"

"Leave."

"Bakit ka magli-leave? Leave na ano? Teka. Ibig sabihin, dito ka nag-aaral?"

"Oo. Third year na dapat ako. Dito ka rin pala."

Doon ko naalala kung saan ko siya nakita. Pero para sigurado, tinanong ko na rin. "College of music ka?"

"Oo. Bachelor of music major in voice theater and dance. Pa'no mo nalaman?"

Siya yung bida sa pinanood naming play last year sa isang subject ko dahil sa requirement. Kaso natulog lang ata ako doon e. Wala na akong matandaan. Andoon pa ako sa parte ng auditorium na kasing laki lang ng langgam yung mga mukha ng mga gumaganap.

"Sabi na nga ba. Nakita kita sa isa sa mga tarpaulin sa may college niyo. Nagperform ka na pala," umpisa ko, umaasang makagagawa ng matinong pag-uusap.

"Oo. Sabi ng prof."

"O, e di, marami ka ngang kakilala. Ba't sabi mo—"

"Wala nga," depensa niya. "Kinakausap lang ako ng mga tao pag may performance."

"Ate ka pala. Third year ka na."

"Ilang taon ka na ba?" tanong niya.

"Nineteen."

"Mas bata ako sa 'yo. Seventeen pa lang ako."

Seventeen? Ibig sabihin, labinlimang taong gulang siya nang pumasok siya ng college? Niloloko ba niya ako?

"Sige, aalis na ko," bigla niyang sabi, hawak-hawak yung tray ng pagkain niya.

"Teka!" pagpigil ko. Lumingon naman siya kaya nilabas ko ang mga salitang "Uuwi na rin ako. Sabay na tayo."

Hindi ko alam kung bakit ko sinabi ang mga salitang 'yon. Hindi naman siguro masama na samahan siya. Maganda rin yung may kakilala sa village namin, at maganda rin yung may kakilala ako na kaparehas ng university. Kung third year na siya, dapat may alam na siyang mga subject na madaling kunin, di ba?

Nagsabay na kami pareho ng jeep. Siyempre, para patunayan na "chivalry is not dead," kahit na siya pa ang pinakawirdong babaeng nakilala ko, dapat maging maganda pa rin pakikitungo ko sa kanya.

"Ako na magbabayad," sabi ko.

Nagbayad na ako para sa aming dalawa. Magkatapat kaming dalawa. Pareho kaming nasa dulo ng jeep. Pero kahit nasa iisa na kaming jeep at kahit magkatapat pa kami, hindi man lang niya ako nilingon para kausapin.

Pagkababa namin, sasakay na sana ako sa bike ko na ipinarke ko sa may gate at tatanungin sana siya kung gusto niya na sumabay. Pero pagkakita ko, ang layo na niya sa 'kin. Grabe, ang bilis niyang maglakad.

"Uy! Mary!" tawag ko sa kanya.

Hindi siya lumingon kaya binilisan ko yung pedal sa bike ko. May mali ba akong nasabi? Naging masama ba ako? Hindi naman sigurong masama na kilalanin ko siya, di ba?

"Gusto mo makisakay?" tanong ko.

"Hindi na," pagtanggi niya. "Maglalakad na lang ako."

"Pero puwede ka namang—"

"Gusto mo ba talagang pumasok sa buhay ko?"

Napatigil ako. Di ko akalain na may magtatanong sa 'kin ng ganoon. Sa totoo lang, di ko alam kung anong isasagot ko.

Bakit nga ba ako pumasok sa buhay niya?    

A MiracleWhere stories live. Discover now