Chapter 13: The Lullaby

10.4K 498 37
                                    

Nagbuntonghininga ako. Medyo malapit na rin ang Pasko pero parang ang layo pa. Iniisip ko kung anong puwedeng iregalo sa kanya. Bestida? Notebook? Headband? Ano bang magugustuhan niya?

"Ano bang gusto mo iregalo ko sa 'yo?" tanong ko. Heto, nasa sofa ako ng bahay nila. Ayoko na kasing mapagod siya kaya ako na lang tong pumupunta. Buti nga sembreak, kaya mas marami akong panahong asikasuhin siya.

"Iyong kaya kong dalhin sa kung saan man ako pupunta," sagot niya.

Bakit nga ba hindi pa ako nasanay sa mga sagot niya?

"Matutulog muna ako," bigla niyang sabi, nakaramdam siguro siya ng panghihina.

Pinalo ko yung sofa ko at sinabing, "Dito ka na."

"Hindi ka kama."

"Puwede rin," pabiro kong sabi.

"Gusto mo bang mauna kaysa sa 'kin?"

Natawa ako dahil unang beses siyang sumakay sa joke ko. "Joke lang," sagot ko. "Sandal ka na lang."

"Hindi ako nakakatulog pag sandal lang."

"Gano'n? Sige, tara."

Hawak-hawak ko ang mga kamay niya, at pumunta kami sa kama niya. Napapansin ko nga na mas humihigpit ang hawak niya sa 'kin habang tumatagal. Pero isinasantabi ko na 'yon. Ang mahalaga ay ang kasalukuyan.

Ako yung unang pumunta sa kama niya. Nakaupo lang ako doon at nakasandal sa pader. Tinitigan lang niya ako. Siguro nagtataka siya kung anong gagawin ko.

"Higa ka," aya ko habang pinapalo ko yung kama niya.

Ngumiti siya. Siyempre, nabighani ako sa mga ngiti niyang 'yon. Humiga siya sa may hita ko. Pinagmasdan ko siyang matulog. Mukha talaga siyang manika.

Ngumiti ako habang sinusuklay yung buhok niya. Ano kaya pag nakabestida ulit siyang pula, yung tulad nang nakita niya yung ex niya, tapos kulot yung buhok niya? Siguro pagkakamalan siyang manika talaga.

Mga dalawang oras ako nagde-daydream. Halos bawat minute, tinitingnan ko kung humihinga siya dahil natatakot ako na baka hindi na. Sa dalawang oras na 'yon, ang iniisip ko ay yung hinaharap naming dalawa na hindi ko alam kung makikita ko nga.

Kinuha ko yung iPod niya at yung malaki niyang headphones. Pati yung teddy bear niyang si Autumn, tinabi ko sa 'kin. Nilagay ko yung headphones sa tenga ko, at nagpalipat-lipat ng kanta. Puro rock, metal rock, emo rock, OPM rock, meron ding religious rock. Hininaan ko yung volume dahil baka magising siya bigla.

Habang nagsha-shuffle ako ng kanta, isa do'n, napansin ko. Paano, eksakto kasi habang natutulog siya, ang sarap ipang-lullaby sa babaeng pinakamamahal ko. Ngumiti ako, at dahan-dahang hinaplos yung mukha niya habang natutulog. Hindi ganon kaganda yung boses ko—sa tingin ko—kahit sabi ng iba, ayos naman daw. At nang marinig ko na, nag-umpisa na ang munti kong hele para sa prinsesa ko—"Gising Na" ng isa sa mga paborito kong banda, Parokya ni Edgar.

Gusto kong umiyak habang kinakanta ang bawat linya. Gusto ko siyang gumising para makasama ko na ulit siya, para masabi kung ga'no ko siya kamahal . . . kahit na alam kong hindi ko maipapaliwanag sa kanya.

"Gising na . . . nandiyan na ang umaga, gising na. Nais kong makita ang ngiti sa iyong mukha at pungay ng iyong mga mata," kanta ko.

Natawa ako. Habang kinakanta yung pangatlo at pangapat na linya. Dalawa sa mga napansin ko sa kanya noong una kaming magkita ay ang misteryosa niyang ngiti . . . at yung mga mata niyang parang binili pa sa isang diamond shop.

Nagbuntonghininga ako sandali. Hinahaplos ko pa rin yung mukha niya. Taimitim siyang natutulog. Hay. Ang ganda niya. Ba't ba ako lang ang nakakapansin sa ganda niya? Sabagay, ako lang naman 'tong naglakas-loob na kilalanin siya.

Gusto kong sabihin sa kanya na gusto ko siya mabuhay. Gusto ko siya makasama habambuhay. Gusto ko maramdaman yung katawan niya na parang yumakap ako sa apoy. Gusto ko maramdaman yung mga maliliit niyang labi na 'yon na parang humahalik ako ng isang anghel.

"Gising na, nandiyan na ang umaga. Gising na . . . Hindi ko maintindihan ba't di mapantayan ang kasiyahan na nadarama tuwing nandiyan ka . . ."

Araw-araw ko siyang kasama, pero kahit kailan, hindi ako nagsawa . . . kahit ba tahimik lang kaming dalawa habang nagbabasa siya ng libro at gumagawa ako ng assignment o kung anong puwedeng gawin habang magkasama kami.

"Nakakainis isipin na di ko alam ang gagawin, ngunit walang magagawa. Di pa kayang aminin. Ang pagkakataon ay dapat pang palampasin . . . Di na lng kita gigisingin."

Ngumiti ako at nagbuntonghininga ulit. Oo nga, siguro nga dapat ko munang palagpasin 'tong pagkakataon na 'to. Ayoko siyang mapagod . . . ayokong isipin niya kung anong kailangan niyang sabihin.

"Maganda naman pala boses mo."

Nagulat ako nang sinabi niya 'yon. Gising na pala siya. Hindi man lang niya sinasabi. Kanina pa kaya siya gising? Narinig kaya niya yung pagkanta ko?

"Tula nga e," sagot ko.

"Maganda pa rin."

Bumangon siya mula sa pagkakahiga niya. Nanlaki yung mga mata ko at kinabahan bigla. Narinig kaya niya? Aaminin ko na kaya? Ito na kaya? Ito na ba?

"M—"

"Nathan," sabi niya, ni hindi ko man lang natapos ang palayaw niya.

Tiningnan lang niya ko. Akala ko nga ay iiyak siya, pero hindi. Kumikislap lang pala yung mga mata niyang 'yon. Ano kayang sasabihin niya? Kinabahan ako.

"Nathan, takot ako magmahal."

Parang umalis yung kaluluwa ko sa katawan ko. Takot siya magmahal . . . paano ko sasabihing mahal ko siya? Nathan, magsabi ka ng kahit ano.

"Bakit?" tanong ko. "Takot ka bang masaktan?"

"Hindi, takot akong masaktan yung magmamahal sa 'kin."

Mula sa pag-alis ko ng bahay nila hanggang sa pagtulog ko sa kama ko, iniisip ko yung sinabi niya. Hanggang sa dulo, iba pa rin ang iniisip niya. Siya lang ata ang taong ayaw na mahalin siya dahil sa takot na baka masaktan yung taong magmamahal sa kanya.

Wala naman akong pakialam kung masaktan ako e. Pero kung ito ang gusto niya, pipilitin kong sundin. Ibabaon ko na lang siguro hanggang sa hukay yung pagmamahal ko sa kanya. Sana . . . sana nga magawa ko.    

A MiracleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon