Chapter 5: Her Miserable Past

13.2K 586 92
                                    

Hindi ako pumasok kinabukasan. Bakit? Ayokong makita ng mga tao na mugto yung mga mata ko.

Bakit mugto yung mga mata ko?

Kasalanan ng diary niya.

Hindi pa ako umiyak nang ganito. Nakakainis dahil umiyak ako. Ang totoo niyan, dalawang beses pa lang ako umiiyak: noong libing ng lola ko at noong naghiwalay kami ni Sam. Noong naghiwalay kami ni Sam at kinantsawan ako ng barkada ko, nangako na ako na di na ko iiyak. Naalala ko pa yung sinabi ni Ethan, "Ano ba, tol? Ikaw lang ata 'tong chick boy na madaling paiyakin e."

Ang barkada ko lang naman ang nakakita. Ngayon, napaiyak ako dahil sa diary niya. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit.

Dito ko napansin na noong una pala kaming nagkita . . . ika-labing pitong kaarawan pala niya. Tae.

Ika-pitong kaarawan niya. Rebecca pa ang tawag sa kanya. Iyong teddy bear na lagi niyang hawak, regalo sa kanya ng mama at papa niya. Pero kailangan nilang umalis para sa isang business trip kung saan namatay ang mga magulang niya dahil sa aksidente. Isa.

Inampon siya ng tita niya. Iyong tito niya, lagi siyang binubugbog na hindi alam ng tita niya. Pag nagsumbong daw siya, papatayin daw siya. Pagtatanungin siya ng tita niya kung saan galing ang mga pasa, ang sasabihin lang niya, nadapa siya. Dalawa.

Natuklasan din ng tita niya ilang buwan pagkatapos. Pinagtanggol siya ng tita niya hanggang sa nagdesisyon sila na maghiwalay na lang sila. Iyak nang iyak yung tita niya. Iyong anak naman nila, sinisisi si Mary kung bakit nangyari lahat 'yon . . . kahit na ampon lang naman si Mary. Tatlo.

Nang nakumpirma nga ni Mary na ampon lang siya, nakiusap siya sa tita niya na ikuwento ang lahat. Sabi niya, nakita raw siya sa airport ng tinuring niyang ama at ina na umiiyak dahil nawawala. Nakiusap si Mary sa tita niya na hanapin nila yung mga magulang niya. Noong araw na nalaman nila yung address ng tunay niyang ina sa tulong ng ilang corporation at iba pa, nagpakamatay yung anak ng tita niya dahil tingin niya mas mahal na daw ng tita niya si Mary. Dahil sa lungkot at galit, pinalayas ng tita niya si Mary at sinabi na hanapin niya yung mga magulang niya mag-isa. Apat.

Pumunta siya sa address ng tunay niyang ina. Mayaman sila. Pinatuloy siya. Nang nagpa-DNA test, nalaman nga na tunay na ina ni Mary na siya yung nawawala niyang anak. Iyong araw na nawawala siya sa may airport ay kaka-four years old pa lang niya pala. Pero nalaman din ni Mary na seperado na pala sila ng tunay niyang ama simula noong nawala siya ng airport at may asawa na palang bago yung ina niya. Lima.

Katulad ng tito niya ang stepfather niya. Lagi siyang sinasaktan. Dahil magkaiba ang pangalan niya sa birth certificate, maraming pinabago—school records at iba pa. Dahil daw sa sakit ng ulo na binibigay sa kanya, yung mga "pananakit" na lang daw yung sukli sa lahat ng ginagawa niya. Hindi rin alam ng tunay niyang ina yung ginagawa ng stepfather niya sa kanya. Anim.

Nang nalaman ng tunay niyang ina na sinasaktan siya ng stepfather niya, masakit man sa loob niya, nagkita ulit sila ng tunay niyang ama at binigay si Mary sa kanya. Mary na ang pangalan niya. Ang tunay niyang ina ang nagbibigay ng pera sa kanila kaya sila nagkakapera. Dito na sila nakatira simula nang naging labing-isang taong gulang siya. Pero kaya sila nilalayuan ng tao, ex-convict kasi yung tunay niyang ama. Wala siyang naging kaibigan dahil doon. Pito.

Noong fourth year high school siya, nagkaroon siya ng boyfriend at bestfriend. Noong birthday niya, kasabay ng fifth monthsary nila, nakita niya na naghahalikan yung boyfriend at bestfriend niya. Walo.

Pero ang pinakamasaklap . . . kaya ako napaiyak . . .

Second year college siya nang malaman nila ng tatay niya na may leukemia pala siya. Siyam.

A MiracleWhere stories live. Discover now