Chapter 11

269K 11.4K 5.7K
                                    

Chapter 11


NASA banyo ako at hindi magkanda-ugaga sa pagpapahid ng tawas sa kili-kili ko.


Palagi na akong nakakaligo dahil sagana na ako sa tubig at sabon. Palagi akong ipinag-iigib ni X, palagi niya rin akong ibinibili ng sabon at tawas, pero kapag pinagpapawisan, umaasim pa rin talaga ako. Kaya no choice tuloy ako kundi maligo ulit dahil parating na si X.


Lumabas ako ng banyo saka pumunta sa papag. Kinuha ko ang salamin ko saka ako nagpulbo at nagpabango. Bambini na tig sikwenta pesos at Johnson powder na tig kinse pesos, ngayon lang ako nagkaroon ng ganito-salamat sa aking mabait at poging asawa.


Dumating na si X bandang alas sais ng hapon. Nakapasok na kasi siya ng trabaho sa may Fibertex Corporation dito rin sa Rizal bilang isang kargador. Provincial rate ang sahod niya. Alas sais ng umaga siya umaalis at alas-sais din ng hapon ang uwi niya.


"X!" Masayang sinalubong ko siya sa pinto ng bahay.


"Kakaiba ang pangalan ng asawa mo, ano?"ani Aling Meding.


Nasa labas pala ang mag-asawang sila Aling Meding at Mang Podoy, sila ang may ari nitong inuupahan namin. Katapat lang kasi ng paupahan ang mismong bahay ng mga ito.


Ngumiti lang ako sa mabait na mag-asawa. Si Aling Meding ay poging-pogi kay X, kaya naman ang asawa niyang si Mang Podoy ay napapagaya kay X ng wala sa oras. Animo ito nagmumurang kamatis dahil pati ang gupit ng buhok ni X ay ipinagaya sa barberya. Ultimo pabango na gamit ni X ay itinanong pa sa akin ng matandang lalaki.


"Pangga, napaka-sweet nila, ano? Bagay na bagay," ani Aling Meding sa kay Mang Podoy.


Nang pumasok si X ay hinalikan niya ako sa pisngi. "Wow, bagong paligo!"


"Pagod ka?" malambing na tanong ko sa kanya.


"Kanina, ngayon hindi na," hinalikan niya ulit ako sa pisngi, sa leeg. Itinulak ko siya at kinuha ang supot na dala niya para ilagay muna sa mesa.


Naghubad siya ng T-shirt at ng sapatos. Lumapit siya sa akin at yumakap mula sa likod ko. Kahit galing sa labas ay presko pa rin, mabango pa rin. Talent na yata nito na maging mabango at malinamnam palagi.


"Anong ibig sabihin ng pangga?" tanong niya.


"Hmn... Mahal?"


"Talaga, pangga?" ihinarap niya ako sa kanya.


Bumungisngis ako dahil ramdam ko na ang kabulastugan na iniisip niya. "Oo, pangga."


Ngumisi siya. "Pangga, gutom na ako, pakainin mo na ako."


Pilyang hinaplos ko ang matigas niyang kalamnan. "Sige, pangga, ano bang gusto mong kainin bukod dito sa pasalubong mo, pangga?"


"Kahit anong ihain mo, pangga, kakainin ko ng buong puso."


His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon