Chapter 16

208K 9K 1.4K
                                    

Chapter 16


"BAKIT NANDITO KA?"


Kahit walang tulog at pahinga ay nagpilit pa rin ako na puntahan si Tiyo Miguel sa public hospital na pinagdalhan dito. Dalawang sakay ito mula sa Amang Rodriguez Hospital kung saan naman naka-confine ang baby namin ni Xerxes.


"Bakit hindi iyong anak mo ang asikasuhin mo?!"


Sa bukana pa lang ng ward ay hinarang na ako ni Tiya Jingjing. Ngayon ko lang naabutan ang ginang dito. Sa itsura niya ay tila wala ring tulog at pahinga. Malamang na katulad ko ay problemado rin ang asawa ng tiyuhin ko.


Dinuro niya ako. "Masaya ka ba, ha? Masaya ka ba na nagkakaganito kami ngayon?"


Kinuha ko ang kamay niya. "Hindi po, Tiyang. Kahit kailan, hindi ako magiging masaya sa ganitong sitwasyon. Gusto kong gumaling si Tiyo Miguel."


Binawi niya ang kamay niya mula sa pagkakahawak ko. "Paano siya gagaling, ha? Wala nga kaming pambili ng gamot! Maski nga kuryente sa bahay, hindi namin mabayaran kaya putol ang ilaw namin. Ultimo pagkain, wala! Makakabili pa ba kami ng gamot?!"


"Magtutulungan po tayo..." ani ko na kahit hindi sigurado kung may maitutulong pa ba ako sa kanila.


"Anong tulong ang maibibigay mo? Moral support? Hindi iyon ang kailangan ng tiyo mo! Pera! Pera ang kailangan niya!"


"'Nay, gising na si Tatay..." Lumabas ng ward ang pinsan kong si Miranda. Katulad namin ni Tiya Jingjing ay nangangalumata na rin ito.


Bago sila pumasok sa loob ay nilingon ulit ako ni Tiya Jingjing. "Wala kang maitutulong dito kaya umalis ka na, Purita."


...


NANATILI PA RIN AKO.


Kahit pinaalis na ako ay hindi pa rin ako umaalis. Hinihintay ko na umalis sila Tiyang para makapasok ako sa public ward at malapitan ko man lang si Tiyo Miguel. Kahit hindi mahigpit ang mga guwardiya ngayon ay hindi pa rin ako makapasok dahil alam kong mag-e-eskandalo ang asawa ng tiyuhin ko kapag nakita ako.


Mayamaya ay lumabas ng ward si Miranda. Mula sa lobby ng ospital ay may pumasok na matandang lalaki at sumalubong dito.


"Ali!" Nagliwanag ang mukha ng pinsan ko.


"How are you?" bati ng matandang bumbay rito.


"I'm good. As in good! Very good! Are you here to visit my father?"


"Yes, of course. And want to talk to your Mother Jing, too."


"Oh!" Lumawak ang pagkakangiti ni Miranda. "Can you wait here? Two visitors are only allowed inside, you know? I will call Mother, okay? You wait, okay?"


Tumango ang matandang Indiano, o mas kilalang bumbay sa lugar namin sa Quiapo.


His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon