Chapter 20

248K 10.9K 2.1K
                                    

Chapter 20


NAAALALA MO PA KAYA AKO?


Galit ka pa rin kaya sa akin? Kung makikita mo kaya ako ngayon, magagandahan ka pa rin sa akin?


Nakatitig ako sa repleksyon ko sa basag na salamin. Mula sa nakabukas na bintana ay pumapasok ang liwanag na mula sa tirik pang araw. Alas dos pa lang kasi ng hapon. Malinaw na malinaw ang itsura ko. Maitim, malaki ang mga mata, makapal ang mga labi at hindi katangusan ang ilong. Dry ang balat at dry ang buhok. Kung meron mang kapansin-pansin sa akin ay iyon ang malaki kong pang-upo at hinaharap. Kumbaga, hipon.


"Ikaw, kumusta ka na?" wala sa loob na sambit ko. "Siguro sobrang guwapo mo lalo ngayon, ano? Mas mukha ka na siguro foreigner. Nahiyang ka siguro diyan sa Italy."


Ganito ako araw-araw. Hindi ako nagsasawa na makipag-usap sa hangin, sa salamin o sa pader. Sa ganitong paraan ko lang kasi naiibsan ang aking lungkot.


"Dami mo sigurong chix ngayon." Umirap ako sa repleksyon ko sa salamin. "Ang gaganda siguro ng mga chix mo! Ang saya-saya mo siguro!"


Umingit ang bata na nasa loob ng crib. Nilingon ko ito at ichineck. Tulog pa ito, nag-iba lang ng pwesto kaya umingit.


"Matulog ka lang diyan, baby. Magpalaki ka."


Tila nananaginip na ngumiti ang nine months old na batang lalaki.


Nagbuga ako ng hangin at saka bumaba sa sala. Magulo ang paligid dahil maraming bata ang nakatira sa bahay na ito. Marami kasi ang mga pamangkin ko. Nagsimula akong magpulot-pulot ng mga nakakalat na laruan. Sa tuwing ginagawa ko ito ay may kirot at saya na pumapaloob sa aking dibdib.


"Ni hindi ko man lang na-enjoy ang pagkakalat niya noon..."


Pati ang mga nakakalat na goma sa sahig ay pinagpupulot ko. Natigilan lang ako ng mapatingin ako sa mumurahing manika na nakapatong sa ibabaw ng plastic na mesa. Dinampot ko iyon. Ang pula ng mga labi ng manika at ang hahaba ng pilik-mata nito.


"Kasing ganda mo ang baby ko..."


Sinuklay ko ang kulot na buhok ng manika gamit ang mga daliri ko.


"Siguro ganito na rin ang hair niya ngayon. Dalagita na iyon, e. Siguro kasing ganda mo talaga siya o mas maganda pa..."


May pait na gumuhit sa lalamunan ko habang nakatingin ako sa mukha ng manika.


"Inalagaan ba siya at inunawa ng ama niya nong baby pa siya? Malamang, oo. Mahal na mahal kasi siya ng ama niya..."


Pumasok sa pinto si Laarni. May bitbit siyang sakto sachet ng Bearbrand na gatas. "Gising na si Baby Jek?"


Umiling ako. "Iniwan ko sa itaas, tulog pa."


"Sige, i-check ko." Umakyat siya sa hagdan na gawa sa kahoy.

His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon