Curse 5

881 48 7
                                    

BETHANY SUNSET


Sinara ko ang libro na hawak nang matapos kong basahin ang mga kailangan ko. Inayos ko na rin ang mga papel na nasa harap ko.


"Hindi pa kayo tapos?" tanong ko sa mga kagrupo ko.


Ito na siguro ang pinakatahimik na pagsasama namin. Hindi ko naisip noon na posible pala kaming magsama-sama ng magpipinsang Sullivans na hindi ko nasisigawan si Tune. Dahil na rin siguro sa nasa library kami ngayon. At ang matandang babaeng nagmo-monitor sa lahat ay halos magdikit na ang kilay tuwing nakaririnig ng mga maiingay.


Halos isumpa ko kasi ang mundo kanina nang magpresinta si Tune na isasama niya kami nina Brittany at Brianna sa grupo nila para sa research paper na pinagagawa ng guro namin sa isang subject.


"Hindi pa," sagot ni Brianna habang nagtitipa sa laptop ni Tune.


Habang si Brittany naman ay tutok sa cellphone na hawak at halos isubsob na ang mukha sa mesa. Kanina pa siya tapos sa pinagawa namin sa kaniya kaya pasarap na lang sa buhay ang babaeng 'to. Ang katabi naman niyang si Rhyme ay hawak din ang sariling cellphone. Saglit itong nagtipa bago muling binaba 'yon sa mesa.


Nang matapos si Beat, sinara niya ang laptop na gamit niya saka sinimulang ayusin ang mga papel sa harap. Tapos na rin siya.


Halos mapataas naman ang kilay ko nang tingnan ko si Tune. Seryoso ito sa sinusulat niya sa notebook. Kanina pa siya tahimik at walang imik. Himala ata 'to.


Nang magsimula na ring mag-ayos si Brianna, hindi ko na napigilan ang sarili na silipin ang ginagawa ni Tune. Siya na lang 'tong may ginagawa at gusto na naming umuwi.


Gusto ko siyang batukan nang malakas nang makitang ginuguhit ako nito. "Anong kalokohan na naman 'yang ginagawa mo?" gigil kong tanong. Pilit kong hininaan ang boses ko para hindi makaabala.


Nginisian niya ako saka proud na pinakita ang sketch niya sa'kin. "Hindi 'to kalokohan. Basta 'pag involve ka, seryoso ako." Nanatili akong nakatingin deretso sa mata niya. Hindi ako nakasagot agad kaya natawa siya. Kita ko rin sa gilid ng mata ko na nakatingin ang mga kapatid ko at dalawa niyang pinsan sa'min. "Kinilig ka, 'no?"


Bumakas ang pandidiri sa mukha ko. "Nandiri? Oo. Kinilabutan? Oo. Tigilan mo na 'yan, uuwi na kami."


Muli siyang natawa saka sinimulang magligpit. "Deny-deny pa, pwede namang umamin," bulong niya.


"Bubulong-bulong pa, wala namang sense ang sinasabi."


Hindi na siya sumagot pero nanatili ang nakakainis na ngisi sa labi nito. Tumayo na kaming tatlo at naghanda na para umalis. Iniwan namin sila ro'n nang hindi nagpapaalam.


"Mukhang hinahayaan mo nang lumapit sa'yo si Rhyme ah," saad ni Brianna saka nilingon si Brittany na pinagigitnaan namin. Mapang-asar niyang tinaas-baba ang kilay nang tingnan din siya nito.


"Anong magagawa ko? Eh laging binibitbit ni Tune 'yong dalawa niyang pinsan. Kung patuloy naman akong iiwas, magtataka rin 'yong mga 'yon." Napailing siya bago mahinang binangga ang balikat ni Brianna. "Eh ikaw, napapalapit ka ata diyan kay Beat? Anong nangyari sa usapan natin, ha?"

Gifted with Curses (Completed)Место, где живут истории. Откройте их для себя