Curse 7

823 44 7
                                    

BRIANNA SUNSHINE


"Salamat, Miss Campbell," nakangiting saad ni Ma'am Aquino pagkatapos kong dalhin sa kaniya ang mga pinakuha niya sa isa sa mga hawak niyang klase.


Ngumiti lang ako saka nagpaalam. Ako kasi ang nakasalubong nito kanina nang mag-CR ako. Dapat pala, hindi ko muna pinauna 'yong dalawa sa classroom para tatlo kaming nautusan. Nasa fifth floor pa naman ang faculty ni Ma'am Aquino kaya nakahihingal talaga.


Habang dahan-dahan akong bumababa, napatingin ako sa babae na nilagpasan ako at medyo nauuna na sa pagbaba. Pamilyar ito kaya hindi naaalis ang tingin ko sa likod niya. Nang gumilid ang ulo nito para tingnan ang susunod na hagdanan, saka ko lang ito namukhaan. Shane Ortega ng class 12-A. Member ng dance troupe.


"Tulungan mo siya."


Napahinto ako nang marinig ang garalgal na boses na 'yon. Umikot ako para harapin ang nagsalita at halos mapatalon ako nang makita ang itsura nito. Isang babae na siguro ay matanda ng ilang taon kay mama, bakat ang buto nito sa balat, at sobrang nipis ng buhok. Isang kaluluwa.


"Ano po?" mahinang tanong ko. Tumingin-tingin pa ako sa paligid para masigurong walang makakikita sa'kin na nagsasalita nang mag-isa.


"Tulungan mo siya. Mamaya, may magtatangkang magnakaw sa kaniya 'pag wala na siya sa unibersidad. Susubukan niyang lumaban at mapapahamak lang siya."


Nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa mga sinabi nito. Nang marinig ko na may aakyat, agad kong nilabas ang cellphone ko saka tinapat sa tainga.


"Mapapahamak?" usal ko habang nakayuko. Nakita ko sa gilid ng mata ko ang dalawang estudyanteng dumaan sa gilid ko. Saglit pa nila akong tinapunan ng tingin.


"Mamamatay," paglilinaw ng babae.


Gumapang ang kaba sa'kin. Anong gagawin ko? Hindi ko pwedeng sabihin 'to kina Brittany at Bethany. Kagagaling lang ng huli sa dalawang araw na malalim na tulog dahil sa panliligtas din namin.


Muli kong tiningnan sa mata ang babae. "Paano niyo po nalalaman 'to?" nagtataka kong tanong. Akala ko ba hindi nila kayang malaman ang mga saktong mangyayari?


"Kaya namin malaman. Pero hindi namin pwedeng sabihin dahil hindi niyo pwedeng pigilan ang kamatayan ng kahit na sino."


"Pero bakit niyo sinasabi sa'kin ngayon?"


Bahagya itong ngumiti. "Kasi gusto kong tulungan mo ang batang iyon. Tulungan mo siya, hija."


Humarap ako sa direksyon na dinaanan nito kanina. Katabi lang ng classroom namin ang classroom nila kaya madali lang na mabantayan ito.


"Masama ang pakiramdam niya kaya mamaya ay uuwi rin siya. Doon may magtatangka sa kaniya." Mabilis nabalik ang tingin ko sa babae. Oh, squash! Paano na? "Pagkatapos ng unang subject."

Gifted with Curses (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon