Curse 10

765 46 3
                                    

BRITTANY SUNLIGHT


Wala ako sa sarili habang naglalakad pauwi. Gusto kong batukan ang sarili dahil sa mga nalaman at dahil sa inakto ko. Nanghusga ako. Naniwala ako sa nakita ko nang hindi inaalam ang katotohanan at ang buong nangyari.


Sa pangsampung beses, muli akong napailing.


Pero alam mo, kahit hindi niya ginusto 'yong nangyari, kahit hindi niya sinasadya ang nagawa niya, sobra-sobra ang pagsisisi ni Beat.


Araw-araw niyang pinagsisisihan ang nangyari noon.


Hindi ko alam kung maniniwala pa ako sa kakayahan ko. Pero mas kinainisan ko lang ang pagkakaroon nito dahil sa mga nangyari. Pagdating sa apartment, sinalampak ko ang katawan sa sofa. Nakita kong napalingon sa'kin sina Bethany at Brianna na kanina lang ay mga nakatulala.


"Hoy, okay ka lang?" tanong ni Bethany nang nanatili akong tahimik. Umayos sila ng upo saka humarap sa gawi ko. "Anong---"


"Sorry," pagputol ko sa sasabihin pa nito. Tiningnan ko si Brianna na naguguluhang nakatingin sa'kin. "Sorry, mali ako."


Napayuko ako saka bumuntong-hininga.


"Nakausap ko kanina si Tune." Mukhang nakuha ng sinabi ko ang interes nila. "Tama ka, Brianna. Mali ako."


Nanatili silang nakaharap sa'kin, hindi alam kung ano ang sasabihin. Umayos ako ng upo saka kinwento sa kanila ang mga napag-usapan namin kanina ni Tune. Gusto ko na lang lamunin ng kinauupuan ko 'pag naaalala ang mga nasabi ko. Naiinis ako sa sarili ko. Dapat nakinig na lang ako kay Brianna.


Natahimik kami nang matapos kong sabihin lahat. Tila iniintindi pa nila ang mga nalaman. Hindi ko rin maiwasang makaramdam ng awa kay Beat. Nasaksihan niya ang pananakit ng step-dad niya sa nanay niya. Pati siya, binubugbog nito.


Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Brianna kaya nilingon ko siya.


"Sorry," sabi ko sa kaniya kaya sinalubong niya rin ang tingin ko. "Kasi hindi ako nakinig. Kasi dahil sa pagmamatigas ko, nagkaro'n pa ng hindi pagkakaintindihan."


Umiling siya. "Sorry din sa mga nasabi ko sa'yo. Saka, nag-alala lang naman kayo pero ako pa 'tong umiwas at nagalit."


Napangiti kaming tatlo. Halos mapatalon naman kami ni Brianna sa gulat dahil sa pagtili ni Bethany.


"FINALLY!" Tumayo siya at hinawakan kami sa ulo saka ginulo ang buhok namin. "Libre niyo 'ko ice cream!"


Naiinis naming inalis ang kamay niya saka napipilitang um-oo. Dapat lang sigurong ilibre namin siya dahil siya ang naipit sa nangyari.


Muli kong tiningnan si Brianna. "'Wag kang mag-alala, kakausapin ko si Beat," saad ko.


Gifted with Curses (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon