SALAMIN

5 0 0
                                    

Magpapayabong sa baya'y wika
Katutubong wikang sanggol
Sanggol na ang bayan ang nag-aruga
Nag-aruga at kumupkop, sa pagmamahal ay lubos

Ang wika ay lumaki at tumanda
Tumanda sa paglipas ng panahon
Panahon na siya ring nanganganib sumira
Sa katutubong wikang nagbabadyang mawala

Ang sanggol ay naging bata
Batang sa kapalara'y nakipaglaro
Daang tulad niya'y nagsilahok
Nagsilahok lamang ngunit bata'y di nagapo

Sa laro'y nanatiling matatag at nakatayo
Nakatayo ngunit paa at bibig ay nakagapos
Laro nila'y naging apoy,
Nasunog ang una, sumunod ang pangalawa

Nakagapos ma'y nakatayo itong bata
Itong batang isinilang at inaruga sa sariling lupa
Pilit sinusupil ng mga ligaw na bata
Pilit nagsusumisiksik sa sarili niyang lupa

Kung sa halama'y nanganganib malantang mga dahon
Nababawasan ang kumikilala at nag-aahon
Siyang saksi at salamin ng kahapon ng ina
Inang malulumpo, kung itong bata'y papanaw na

Ang hindi magmahal sa sariling wika,
Ay higit pa sa hayop at malansang isda
Katagang iniwan ng nakapagligtas ng ina
Nangunang mag-ahon at magtaguyod sa anak niya

Ang kaarawan nitong bata'y gunitain
Huwag hayaang sa apoy ay lumisan
Lumisan sa kanyang lupang sinilangan
Sinilangang atin, bayang mahal

Lahat sana'y maging tagapagligtas ng ina
Huwag pahamak at palamon sa ligaw na mga bata
Ligaw na mga batang sa kasalukuya'y bumubulag
Bumubulag at lumalamon sa mamamayan niya

Kabataan ang pag-asa ng bayan
Muling wika nitong tagapagligtas na una
Nawa sana'y nagbabasa'y manguna
Patunayan at 'wag ipahiya, paniniwala niya

Bata'y salamin ng bayan
Saksi ng kahapon at kasalukuyan
Makibaka sa pakikipaglaban
Pagka't ika'y kaisa sa kanyang mamamayan

Sa larong apo'y huwag hayaang lumisan
Sa ligaw na halaman ay protektahan
Iligtas sa pagkalagas ng dahon at pagsapaw ng ligaw
Magpapayabong sa baya'y ikaw
Ikaw na bumubuo sa kanyang mamamayan

Introvert's SoulWhere stories live. Discover now