KUNG

0 0 0
                                    


I.
Kung magmamahal ako
at ang mahal ko ay masaya
Baka wala na akong hilingin pa

Hindi siya palpak at walang pakpak
Nakatayo sa harap ko't totoo
Hindi bunga ng imahinasyon ko
O pagbabasa ng mga libro

Totoo sa sarili at makatao
Kung mamuhay may prinsipyo
Matayog man ang bawat balangkas
May pintong magbubukas

II.
Kung magmamahal ako
at dumating sa punto na
hindi na siya masaya

Maluwag sa puso akong lalayo
at hahayaan siyang mapag-isa
Ngunit hihilingin na sana,
ang paglayo ay pansamantala

Maliliwanagan din siya't susunod
Babasagin siya ng paglimot
Hanggang sa hindi na kayanin ang kirot
Mag-isang nilalamon ng lungkot

III.
Kung magmamahal ako
sa katauhan ng ibang tao
Matapos masaktan ng mahal ko

Lahat siguro ng akto
Hindi ako sigurado
May lamat ng bakas
na inukit ng unang wagas

Tiyak na ako rin lang ang babagtas
Sa pangalawa ay hindi magbubukas
Kalabanin man ang panahon
Mananatiling baon sa kahon

Introvert's SoulWhere stories live. Discover now