Kabanata Dalawampu't-Apat

40 6 0
                                    

"This is my wish before you disappear."

--

Oktubre 30, 2023.

Naalala ko na ang lahat.

Si Berting, ako, at yung kinahantungan namin. Lahat-lahat. Napaluha ako at nagkulong sa aking kwarto. Madaming araw na kasama ko siya, bawat alaala ay bumabalik. Yung totoong sakit ng aming kasaysayan ay hindi maitutumbas sa sakit ng aming kapalaran.

Lamang Lupa.

Gusto kong sabihin kay Miguel lahat, na alam ko ang lahat. Naalala ko na siya. Ang pinakaunang nagparamdam sa akin ng pag-ibig at nagpatunay sa akin ng kanyang pagmamahal, pero kinailangan kong manahimik. Magpanggap, na ako lamang ay isang kaibigan sa kanyang paningin.

Bilang si Priscilla, na may tunay na nararamdaman para sa kanya.

Hindi na pwede. Naiyak ako at napahawak sa aking dibdib. Kumikirot ito sa bawat sandaling naiisip ko na hindi pa pwede. Na kahit sa oras na ito, hindi na pwedeng dagdagan pa ang kahilingan ni Miguel.

Ito ang kabayaran.

Ito ang kabayaran sa kanyang paghihintay.

"Aalis na ako bukas, Priscilla." Sabi niya sa akin habang pinagmamasdan ko ang agos ng tubig. Hindi ako makatingin sa kanya. Ayokong lumingon para makita ang reaksyon niya.

"Hindi ka ba pwedeng magtagal pa ng dalawang araw?" Tanong ko habang nagpipigil na hindi umiyak sa harapan niya. Hindi ako lilingon.

"Hindi pwede."

"Bakit parang lahat, pinagbabawal tayo?" Hindi ko mapigilang mainis. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko ngayon.

"Hindi na ako binalikan ni Praxedes, ngunit nagpapasalamat pa din akong nandito ka." Pahayag niya at alam kong nakatingin siya sa akin. Gusto kong sabihin sa'yo, Miguel. Naaalala ka niya, naalala kita.

"Salamat din, Miguel." Salamat sa pagmamahal mo, sa kahilingan mo na makasama kita ulit, na mahawakan ko ang iyong kamay.

Pagkatapos ng umagang iyon, agad na umuwi ako ngayon. Kailangan kong pigilan ang sarili ko. Dahil kapag nalaman niya na naalala ko lahat, kapag naamin ko bigla, mas lalong mahihirapan siyang bitawan ako.

Kinailangan niyang magpatuloy.

Kinailangan naming maglakad ng diretso.

Kinuha ko yung kwaderno na binigay sa akin ni Lola Juanita. Napagdugtong ko ang kwentong sinasabi ni Lola sa akin. Napagtanto ko na ang bawat pangyayari sa aking alaala ay tugma sa akala ko'y isang alamat lang.

Alam ko na kung sino ang nagmamay-ari ng kwadernong ito. Sa akin ito.

"O ito, ituturo ko sa'yo kung paano magsulat." Sabi sa akin ni Berting at inabot sa akin ang dalawang materyales. Ano ito?

"Ito ang papel, at ito ang pluma." Turo niya pa at marami siyang itinuro sa aking patungkol sa literatura. Mayroong ganitong materyales ang mga tao upang panatilihin ang bawat kasaysayan ng mga bagay-bagay sa mundo. Upang mayroong makaalala sa mga ito, at mahalin ang mga kasulatan ng panahon.

Before You Disappear Where stories live. Discover now