Chapter 4

3.3K 170 7
                                    

2003

Nakatitig si Vladimir sa ina na inaayos ang kanyang baseball cap matapos nitong ipasusuot sa kanya ang itim na jacket ng kanyang Itay. Nakangiti ang babae at nakatago sa ilalim ng abaya ang buhok nitong may kulay. Sabi nito pupunta sila sa bayan at may panonooring parada pero hindi niya maintindihan kung bakit kailangan nilang magbihis ng ganoon. Balot na balot at halos itago na pati ang mukha.

"Inay, hindi po ba natin dadalawin si Itay sa kulungan?" tanong niya habang nag-aabang sila ng traysikel sa gilid ng daan.

"Mamaya pagkatapos ng parada, anak, pupuntahan natin siya," malumanay nitong sagot at pinisil ang kanyang palad na hawak nito.

Agad nitong pinara ang traysikel na parating ngunit hindi iyon huminto kahit wala namang sakay. May kasunod na dumaan at gaya ng una ay hindi huminto.

"Maglalakad na lang tayo. Baka hindi na natin abutan ang parada," masiglang wika ng kanyang Inay. "Kaya mo namang maglakad hanggang sa bayan hindi ba?" Ang maamo nitong mukha ay nakatunghay sa kanya.

Tumango siya. Sanay naman siya sa mahabang lakaran. Malayo ang paaralan niya mula sa bahay nila at madalas naglalakad lamang siya. Pero mas malayo pa rin ang bayan. Sabi ng teacher nila mahigit dalawang kilometro raw ang distansiya ng bayan mula rito sa barangay nila. Bakit kaya hindi muna sila maghintay pa? Tiyak may ibang traysikel pa na dadaan.

Nag-umpisa na ang parada nang dumating sila sa pusod ng bayan. Maraming mga tao ang nagsiksikan sa gilid ng kalye para manood at may mga bitbit na plakards. May nakasulat.

Pusakal, huwag pamarisan.

Kamatayan para sa pusakal.

Hustisya para sa mga biktima.

Tiningala niya ang ina na nakapako rin ang paningin sa mga plakards. Maputla ang mukha nito at kitang-kita niya ang sakit at lungkot sa mga mata. Biglang umingay ang buong paligid. Kanya-kanyang mura ang mga tao. May sumisigaw pa at tila galit na galit.

Natuon ang mga mata niya sa parating na truck. Sa kaha niyon ay naroon ang lalaking bugbog-sarado at nakaposas. Kahit nagugulpe at ang mukha ay kulay-ube, nakilala pa rin niya ang lalaki nang dumaan sa tapat nila ng kanyang ina ang truck. Hindi siya maaring magkamali. Iyon ang Itay niya. Nanlaki ang mga mata ni Vladimir at tarantang hinahatak ang damit ng ina.

"Inay, si Itay po iyon!" Malakas niyang sigaw.

Agad tinakpan ng Inay niya ang kanyang bibig. "Huwag kang maingay, anak." Bulong nito at mabilis siyang inilayo sa gilid ng kalye.

"Pero, 'Nay! Anong gagawin nila kay Itay?"

"Nararapat lang iyon kanya! Dapat siyang mamatay!" Sigaw ng iilan.

"Pati pamilya niya ay dapat puksain! Mga salot sa bayan!" dagdag ng iba.

"Nagtangka pa raw tumakas kaninang madaling araw!"

"Inay? Bakit po sila galit sa atin? May kasalanan po ba tayo sa kanila?" nalilito at nasasaktang tanong niya sa ina.

Umiling ito. Pilit na ngumiti. "Huwag mo na silang pakinggan, anak. Halika na, puntahan natin ang Itay mo." Tinangay siya nito patungo sa plaza.

Mas maraming tao roon at hindi sila makapunta sa gitna kahit nakikipagtulakan ang Inay niya para makasilip ng madadaanan. Kaya naghanap sila ng mataas na lugar para makita ang nangyayari sa looban ng plaza. Natanaw niyang pinauupo sa silyang bakal ang Itay niya at ipinosas sa magkakabilang arm-rest ang mga pulso nito. May mga police na nakapalibot dito at may pari.

Maya't maya pa ay nakita niyang nangisay ang kanyang ama. Mabilis siyang kinabig ng kanyang ina at niyakap ng mahigpit. Natahimik ang buong paligid. Ang tanging naririnig niya ay ang impit na hikbi at iyak ng Inay niya. Nang sulyapan niya ang kanyang Itay. Hindi na ito gumagalaw. Nakalaylay ang ulo.

NS 03: THE COVENANT ✅ (Published)Where stories live. Discover now