Chapter 24

2.6K 149 8
                                    

Lumabas ng balkonahe si Glen at binati ng malamig na simoy ng hangin sa umaga. Niyakap niya ang sarili. Mariing kinagat ang labi habang pinupukol ng tingin ang puno ng mangga. Isang linggo na mula nang naroon sila ng mga anak niya. Sinabi sa kanya ni Lucy na gabi-gabi ay pumupunta roon si Vladimir para bantayan sila at sa punong iyon nagpapahinga ang lalaki.

Madalas pa rin siyang dalawin ng mga bangungot at hindi siya nakatutulog ng maayos. Bumaba ang resistensiya niya at pabalik-balik ang kanyang lagnat. Hindi rin siya makakaing mabuti dahil bumagsak ang kanyang panlasa. Araw-araw ay pinupuntahan siya ng kanyang doctor. May sessions din siya sa psychologist at psychiatrist. Bagamat hindi niya magawang hamigin ang sarili mula sa pakiramdam na nawawalan na siya ng silbi. Ni hindi hindi niya maalagaan ang kanyang mga anak. Parang sinasamantala niya ang pagiging asawa kay Vladimir tapos hindi naman niya magampanan ang kanyang tungkulin dahil tinatalo siya ng takot.

"Anak," nilapitan siya ng kanyang inang may bitbit na isang baso ng mainit na gatas. "Heto, pinabibigay ni Vladimir sa iyo." Isang tangkay ng pulang rosas na hindi pa tuluyang namumukadkad ang iniabot ni Janina sa kanya matapos nitong ilapag sa pasamano ang gatas.

Matagal siyang napatitig sa bulaklak. Galing sa asawa niya? Atubili niyang tinanggap iyon. Inamoy at nasamyo ang cologne na gamit ni Vladimir. Naging matulin ang pagbukal ng kanyang mga luha at muling pinukol ng tingin ang puno.

"Patawarin mo kami ng Papa mo kung nagalit kami sa iyo dahil sa pabigla-bigla mong pasya. Hindi namin alam na may pinagdadaanan ka." Niyakap siya ng ina.

Noong araw na umalis sila ng villa at hindi man lang niya kinausap si Vladimir, pinagsabihan siya ng mga magulang. Hindi niya naman dinamdam iyon dahil alam niyang hindi tama ang ginawa niya. Ang tanging hangad niya lang ay matakasan ang matinding takot at hindi iyon makatarungan para sa asawa niya.

"Isang bagay lang ang hihilingin ko sa iyo, anak. Sana labanan mo iyang takot na nasa puso mo. Huwag mong gawing dahilan iyan para itulak palayo ang asawa mo. Hindi siya ang kaaway mo ngayon kundi ang sarili mo. Sa kanya ka dapat kumapit para malampasan mo ang takot na iyan."

Hindi siya umimik at patuloy lamang sa pagluha. Papaano siya kakapit sa asawa niya kung ito ang nagbibigay sa kanya ng matinding takot?

Katatapos lamang niyang kumain ng agahan nang magkakasunod na dumating ang support group para sa psychotherapy treatment niya. Ilang minuto lang din ang lumipas, ang kanyang doctor naman ang dumating. Sinuri muna siya bago pinaghanda para sa kanyang session. She's having an Interpersonal Psychotherapy Treatment. The goal is symptom relief. The team is fairly direct and active in the treatment, helping her to make insights regarding the sources of her distress.

Hindi pa niya direktang naiku-kwento ang mga nakita niyang puntod sa ilalim ng villa at ang nasa pictures. Matiyaga naman ang mga itong hintayin kung kailan siya magiging handa. Gaya ng mga naunang session ay nagiging maayos ang kinalabasan at nakatulog siya pagkatapos.

"Ma'am, tumawag po si sir," atubiling sabi ni Lucy sa kanya habang sinisilip niya mula sa may pintuan ng kwarto ang mga anak niyang nasa loob at pinapadede ng nurse na.

"A-anong sinabi?" Agad niyang pinagsalikop ang mga daliring nanginginig.

"Nagtanong po kung pwede niyang dalawin ang mga bata. Hindi raw po siya magtatagal."

Tumango siya. Baka nag-text sa kanya ang asawa pero hindi niya nabasa kasi naka-off ang kanyang cellphone. Nagtungo siya sa kanyang silid at hindi mapakali habang iniisip na pupunta roon si Vladimir. Panay ang sulyap niya sa pintuan at maya-maya ay nilalapitan ang seradora para matiyak na naka-lock iyong maigi. Nagbilin din siya sa mga kasambahay na ayaw niyang pa-istorbo. Yakap ang sarili, naupo siya sa kama. Ikiniskis sa isa't isa ang mga paang pinagpapawisan ng malamig.

NS 03: THE COVENANT ✅ (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon