KABANATA 22

845 176 94
                                    

#22: Patunayan

Mahal kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Maganda ang aking naging gabi kagabi sapagkat kami ay naligo sa ilog Ligaya ng aking mga kaibigan. Aking napag-alaman din na ako'y iniibig na pala noon pa lamang ni Graciano, iyon nga lang ay magkaiba kami ng estado sa buhay. Siya nga pala ang sabi ni kuya Leonardo mas masama pa daw na putol na ang ugnayan namin sa pamilya Montealegre, eh parang kailan lamang ay binabalak naming kalabanin iyon sa araw ng aking kasal. Ako'y nalilito na tuloy.

Nalilito, Hermosa

Kami ngayon ay nasa isang pagtitipon na kung saan ay purong mga Kastila ang naririto. Mga miyembro ng alta sociedad, mga gobernadorcillo, mga padre, mga heneral.

"Buenas tardes amigos. Hoy estamos aquí para honrar a un héroe. No era otro que el general Gabrielo Solidad." [Magandang gabi, mga kaibigan. Nandito tayo ngayon upang parangalan ang isang bayani. Walang iba kung hindi si Heneral Gabrielo Solidad] saad ng isang Señor.

Nagpalakpakan na ang lahat ng mga taong naririto. Taas noong naglakad sa harapan si Gabrielo. Aba't mapagmalaki, ika'y sana madapa. Ang ilang mga binibini dito ay nagbubulung-bulungan dahil sa taglay na kagandahang lalaki ng aking kuya.

Lumapit ang gobernador-heneral sa kaniya at kinamayan niya si Kuya. Sinabitan niya ito ng isang gintong medalya. Nagpalakpakan naman ang mga tao dito, kabilang ako. Aba at masaya ako para sa aking kapatid kahit papaano.

"Quisiera agradecer al Señor Gabrielo Solidad por salvar a los gobernadores, incluido el Señor Juancho y los demás. Él es verdaderamente un héroe." Saad ng gobernador-heneral na sa aking pagkakaalam ay si Señor Ramón Blanco. [Nais kong pasalamatan si Señor Gabrielo Solidad dahil sa pagligtas sa mga gobernadorcillo kasama na si Señor Juancho. Siya ay tunay na bayani.]

Palakpakan na naman tuloy ulit ang mga tao. Bumulong sa akin si Leonardo. "Lalaki na naman ang kaniyang ulo." Pasimple ko siyang kinurot at pinandilatan ng aking mga mata.

Baka mamaya ay marinig siya ni Ama, mabuti nga at sinama siya dito ni Ama, ang dami pa niyang sinasabi. Iniwan ko siya at pumagitna kina ama at ina. Para na tuloy kaming isang masayang pamilya.

"Quiero agradecer a nuestro gobernador general por reconocerme y honrarme. Estoy comprometido a proteger a nuestro gobierno y estoy dispuesto a dar mi vida por la seguridad de todos." Seryosong pagkakasabi ni Gabrielo. [Nais kong pasalamatan ang ating Gobernador Heneral sa pagkilala at paggalang sa akin. Handa akong protektahan ang ating gobyerno at handa akong ibigay ang aking buhay para sa kaligtasan ng lahat.]

Talaga ba, Gabrielo? Sana ay handa rin siyang tumulong sa aming mga kapwa Pilipino, hindi lamang sa mga Kastila sana ngunit aking naiintindihan naman ang kaniyang trabaho.

Nagpalakpakang muli ang mga tao dahil sa kaniyang sinabi. Malagkit namang tumingin kay Gabrielo ang ilang mga binibini, minsan nga ay pati ang mga ginang pa. Talaga ba? Paniwalang-paniwala kayo riyan? May nobya na 'yan.

Bumalik na siya sa aming lamesa. Siya ay niyakap ni Ina at tinapik naman siya sa balikat ni Ama at Leonardo. Siya ay aking nginitian naman at ako'y tinaasan niya lamang ng kilay. Aba't lumaki na naman ang ulo nito ah?

"Aba, mas lalong lalakas ang aking kuya niyan sa gobernador-heneral!" Natatawang saad ko. Agad naman akong sinuway ni Ama dahil sa aking sinabi. Sinamaan ko naman siya ng tingin. Hindi ba nga? Magaspang ang aking ugali.

"Ang iyong bunganga, Hermosa. Mamaya ay may makaintindi sa iyong sinasabi." Seryoso niyang saad. Napapahiya naman akong ngumiti sa kaniya. Eh 'di intindihin nila, pakihanap ng aking pakialam, Ama. Salitang hindi ko masabi kay Ama dahil baka masira ang kaniyang gabi.

Mi AmoreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon