KABANATA 42

417 79 28
                                    

#42: Sumama Ka Sa'kin

Mahal Kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Tuluyan nang binawi sa amin ang anak ni Leonardo. Nakakalungkot sapagkat hindi man lamang nakita ng anak ni Leonardo ang mundo, at hindi man lang din nakita ni Natalia ang kaniyang anak. Ingat na ingat pa naman din kami sa kaniya. Umiinom pa nga siya ng gamot na ibinigay ni Nara pagkatapos ay makukunan lang din naman pala siya. Masakit iyon sa parte ko at alam kong mas masakit iyon sa parte ni Natalia. Nanghihinayang ako sa pamangking hindi man lamang nasilayan. Tiyak pa man din na mestizo o mestiza ito at magandang lalaki o babae, ito kasi ay anak ni Leonardo.

Nanghihinayang, Hermosa.

Tuluyan na ngang nawala sa amin ang anak ni Leonardo. Hindi ito matanggap ni Natalia at umiyak siya ng umiyak, ngunit ang maganda dito ay nakaligtas siya. Hindi nga lang siya masaya.

Kumatok ako sa silid ni Natalia. May dala akong gatas para sa kaniya. "Bukas!" Sigaw niya. Naririnig ko ang mahinang hikbi niya. Nang ako ay nakapasok ay agad niyang pinunasan ang kaniyang mga mata at pilit na ngumiti sa akin.

"Makabubuti ito para sa iyo. Upang ikaw ay tuluyang lumakas na." Nakangiting saad ko at ibinigay ang gatas na dala ko sa kaniya. Ininom niya naman iyon at ngumiti siya sa akin.

"Marahil ang gatas na ito ay makatutulong para mapabuti ang aking kalagayan..." huminto siya at ang kaniyang mga mata ay nagbabadyang tumangis. "Ngunit ang aking puso, durog na durog na ito. W-wala na nga si Leonardo, pati ba naman ang anak namin ay wala na rin?" Humagulgol siya sa harapan ko.

Nalulungkot din ako sa kaniyang sinapit ngunit batid kong kailangan kong maging malakas para sa kaniya. Hinagod ko ang kaniyang likuran at pinapatahan ko siya. "Magiging mabuti rin ang lahat. Maaaring hindi ngayon, ngunit sa susunod na mga araw."

"S-si Leonardo, hindi pa sapat ang mga araw na nakasama ko siya. Kulang na kulang pa ang mga panahon na kasama ko siya." Nalulungkot din ako sa mga hinain niya. Kailan nga lang naman sila ikinasal, pagkatapos ay namatay din agad itong si Leonardo. Maaga siyang naging biyuda.

"Batid kong masaya siya na ikaw ang kaniyang napangasawa. Ang mahalaga ay naging masaya kayo habang nabubuhay pa siya." Ngunit kahit ako ay hindi kumbinsido sa aking sinabi. Natitiyak kong mas gugustuhin pa ni Leonardo ang mabuhay at alam ko rin na mas maganda kung nabuhay pa siya nang matagal.

"Ng-ngayon, p-pati ang aming anak ay wala na rin." Humihikbi-hikbi pa rin siya. "Hindi man lamang niya nasilayan ang mundo. Hindi siya nabigyan ng pagkakataong makita ito, Hermosa. Hindi ko man lang siya nakita, hindi ko man lang siya nahagkan." Mas lalong lumakas ang kaniyang hagulgol.

"Tahan na. Sa aking palagay ay magkasama na sila ngayon ng kaniyang ama." Malungkot akong napangiti. "Tiyak na masayang nagsasama na ngayon ang iyong anak at si Leonardo. Ikaw ay kanilang hinihintay na, nais mo na daw bang sumama sa kanila?" Ako'y nagbiro upang kahit papaano ay matawa siya.

"Hermosa naman eh!" Bahagya siyang natawa. Natawa din ako sapagkat nagawa ko siyang mapatawa. "Hermosa, sa iyong palagay ba ay hindi ako naging mabuting ina? Siya'y aking napabayaan kung kaya't hindi niya nagawang tumagal sa aking sinapupunan." Nagsisimula na naman siyang humikbi.

"Shhh! Ayan ka na naman!" Reklamo ko sa kaniya. Nagpatawa na nga ako eh, iiyak na naman siya. "Sa aking palagay ay mas nais niya lamang na makita agad ang kaniyang ama kaysa sa'yo." Muli akong nagbiro at hindi ko naman nabigo ang aking sarili sapagkat napatawa ko naman siya.

"Hermosa talaga eh!" Reklamo niya na naman sa akin. "Alam mo, bagay sa iyong maging isang komedyante sa teatro, tiyak na kikita ka nang malaki." Natawa ako sa kaniyang suhestiyon.

Mi AmoreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon