KABANATA 45

411 82 44
                                    

#45: Muling Pagkikita

Mahal Kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Ikaw ba ay nangungulila sa akin? Limang taon na! Limang taon na noong huli akong napagsulat sa iyo. Halos anim na taon na nga kung tutuusin sapagkat taong 1902 na ngayon. 1896 pa ako noong huling nakapagsulat sa iyo ngunit buwan ng Disyembre naman iyon ngayon ay buwan na ng Abril at fiesta na sa bayan ng San Jose kung kaya't kami ay napabisita dito ng aking asawa. Mali, hindi si Graciano. Si Gallardo ang aking napangasawa. Sa katunayan ay may supling na kami. Si Victoria.

Nagbabalik, Hermosa.

"Ina, maaari po ba akong sumama kay Tiya Natalia? Maaari po ba?" Niyakap ako ni Victoria upang payagan ko siya. Natawa naman ako. Kahit hindi niya naman iyon gawin ay papayagan ko naman siya.

"Oo naman, sige at sumama ka kay Tiya Natalia mo." Nakangiting saad ko. Nandito kami ngayon tumuloy sa mansyon ng mga Legazpi. Si Gabrielo ay naninirahan na ngayon sa aming nagbabalik na mansyon kasama si Clara, dapat ay sa kanila kami tutuloy kaya lamang ay hinarang kami ni Natalia. Dito na lang daw muna kami sapagkat siya'y nasabik sa akin. Ito ang naging usapan namin kanina.

"Whooh, baka naman ay ika'y nasabik kay Gallardo." Pang-aasar ko pa. Matagal naman ng wala si Leonardo, wala namang masama kung muli niyang bubuksan ang kaniyang puso hindi ba? Bata pa naman si Natalia.

"Ano ka ba naman, Hermosa?" Kinunutan niya ako ng noo. "Kay hirap kalimutan ng iyong kuya Leonardo." Malungkot siyang ngumiti. "Isa pa, wala na akong pagtingin diyan kay Gallardo. Pangalawa, kayo'y may anak na. Natitiyak kong kayo'y nagmamahalan na."

"Ano ka ba naman? Hindi naman--" awtomatiko akong napahinto ng aking mapagtantong hindi nga pala namin nais ipaalam sa kanila na si Victoria ay hindi namin tunay na anak. "Hindi ka nga nagkakamali, kami ay nagmamahalan na."

Sinundan ko ng tingin sina Natalia at Victoria. Siguro, kung natuloy ang kanilang anak nila ni Leonardo ay naging mabuti rin siyang ina. Nakakalungkot lang na hindi niya man lamang nasilayan ang kaniyang anak.

"Aba at nakatulala ang aking asawa at kaibigan sa kawalan?" Bulong ni Gallardo. "Nais mo bang mamasyal? Nais kong masilayan ang prusisyon mamaya ng mga santo." Nakangiting saad niya.

Tumango ako at ngumiti. "Sino na nga pala ang gobernadorcillo ng bayang ito?" Wala na kasi akong narinig na balita tungkol sa bayang ito matapos naming lisanin ito ni Gallardo. Malungkot siyang ngumiti sa akin.

"Si Ama eh, wala ng makakapigil pa sa kaniya." Yumuko siya tila nahihiya iyong sabihin. Tinapik-tapik ko ang likuran niya. Pistang-pista kasi, ang lungkot-lungkot niya.

"Nandito tayo upang makisaya ah?" Pagpapaalala ko sa kaniya. "Nais mo bang tayo'y magtungo sa inyong mansyon?" Tinanong ko iyon kahit pa ayaw kong mangyari iyon. Pamilya pa rin naman iyon ni Gallardo. Malay natin ay nasasabik na siyang makita ang mga ito ngunit pinipilit niyang huwag pumunta sa kanila dahil alam niyang galit ako sa pamilya niya.

Nagtataka siyang lumingon sa akin. Kalaunan ay sinamaan niya ako ng tingin tila nagtanong ako ng hindi maganda. "Bakit ikaw? Nais mo ba?" Ako naman ngayon ang napakunot ang noo.

"Hindi!" Agad akong umiling. "Ikaw, kung nais mo lang naman. Pamilya mo pa rin naman sila, baka sakali lang na ika'y nasasabik na sa kanila. Ngunit kung hindi naman--"

"Ayaw ko." Pagputol niya sa akin. "Ayaw ng asawa ko, ayaw ko rin naman, huwag na tayong pumunta." Ngumiti siya sa akin. "Ayaw ko rin namang bastusin nila ang aking asawa."

Natawa ako sa kaniyang sinabi. Sa katunayan, ako ang nambabastos sa kaniyang pamilya sapagkat hindi naman sila karespe-respeto, ngunit ako itong pinapanigan niya. Marahil ay tama nga si Doña Leonora, aking nilason na ang isipan ni Gallardo.

Mi AmoreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon