KABANATA 24

798 146 78
                                    

#24: Araw ni Ina

Mahal kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Magandang balita, si Leonardo ay nakabalik na sa aming mansyon. Mukhang ang aming pamilya ay nabubuo nang muli at nagiging mas malakas, mas matibay at mas makapangyarihan, ika nga ni Gabrielo, gintong pamilya. Alam niyo ba? Hinalikan na ako ni Graciano. Hindi niyo alam kung gaano ako kasaya. Lalo na noong aking nalaman na alam na pala ni Ina ang tungkol sa amin ni Graciano? Masaya ako at talagang tanggap niya kami.

Masayahinng binibini, Hermosa

"Maligayang pagdating sa mansiyon ng mga Solidad ating mga kabayan! Narito tayo ngayon upang tunghayan ang ika-50 na kaarawan ng aking mahal na asawa at ina ng bayang ito, Carolina Solidad!" Anunsyo ni Ama sa harapan.

Nagsipalakpakan naman ang mga tao sa kaniyang pagbaba. Ang ganda ng suot na kulay pula at asul na Filipiniana ni Ina at maganda rin ang kaniyang kolorete. Napangiti ako ng aking mapagtanto na ang hitsura ni Ina ay nababagay sa kaniyang ugali.

"Maraming salamat sa inyong pagdalo sa aking kaarawan, mga anak, mga kabigan. Nawa'y mabusog kayo sa aming munting hinandang pagkain na para sa inyo talaga." Muling nagpalakpakan ang mga taong naririto. Hindi na mabilang ang mga tao na naririto dahil sa dami. "Sa katunayan, ayaw ko ng maghanda ngunit dahil ako'y pinilit ng mga anak ko, ako'y pumayag na dahil minsan nga lang naman ang kasiyahang ito."

Marami pang sinabi si Ina na kung ibubuod ay puro pasasalamat kay Ama, sa mga taong naririto, sa mga taong nagmamahal sa kaniya, kay Gabrielo, kay Leonardo, at sa akin. Ganiyan talaga ang aking Ina, masiyadong malambot ang puso. Kahit na maliit na bagay, kaniyang pinasasalamatan.

Sa katunayan, dapat ay magpasalamat din ang mga bisitang naririto sapagkat sila'y makakakain, hindi ba? Inalog ko ang aking ulo dahil lumalabas na naman ang pagiging matapobre ko. Masama ba ang ugali ko? Tama lang naman ang aking naisip ah?

"Aking naaalala pa, noong unang araw ko dito sa Islas Filipinas..." pagbabalik ni Ina sa kaniyang alaala. "Hirap na hirap ako noon umintindi sa inyo, kahit pa sabihin niyong hindi ko naman na kailangan pang mag Tagalog dahil ang mga kagaya kong nabibilang sa alta sociedad ay mga nagsasalita naman ng Espanyol, sabi ko sa sarili ko ay hindi!"

"Hayan na naman si Ina at kaniyang ipagmamalaki na naman ang pagmamahal sa bayan kahit wala siyang lahing Filipina." Natatawang saad ko. Kasama ko ngayon sa lamesa sina Clara, Nara, Leonardo at Gabrielo. Magkatabi si Clara at Gabrielo.

"Ako ay nasa Islas Filipinas kaya nararapat na magsalita ako ng Tagalog." Ngumiti si Ina. "Magmula noong ako'y lumapag dito, hindi ko na naisipan pang bumalik sa España upang manirahan."

"Isusumbong kita mamaya kay Ina. Wala palang lahing Filipina ah?" Natatawang sabi ni Leonardo. Si Clara at Nara ay nakitawa sa kaniya ngunit si Gabrielo ay seryosong nakikinig kay Ina.

"Dito ko rin nakilala ang aking asawa, ang ama ng bayang ito. Si Juancho." Kumaway sa aming lahat si Ama na para bang sinasabing tingnan daw namin siya at naroon siya sa bandang kanan. "Marami pang naging babae sa buhay niya bago ako, ngunit masaya ako at ako ang kaniyang pinakasalan."

Naalala ko ang kwinento sa akin noon ni Ina. Hindi daw siya tunay na mahal ni Ama. Paano magiging masaya si Ina sa kaniya kung gayon? Aking hinihiling na kung hindi man siya tunay na minahal ni Ama gaya ng kaniyang sinabi, sana ay trinato naman siya ng tama nito. Sana ay trinato siya kung paano ba dapat tratuhin ng isang mabuting asawa si Ina.

"Isumbong mo, samahan pa kita eh!" Reklamo ko sa kaniya. Nagulat naman siya sa naging sagot ko. Nginisian ko siya. Akala mo ah? Bakit nagugulat ka pa eh alam naman niyang ganito na talaga ang ugali ko. Inirapan ko siya.

Mi AmoreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon