Simula

46 6 1
                                    


    Malungkot akong napangiti nang makitang may walong taong nakaupo sa waiting shed sa labas ng bahay na tinutuluyan ko.

    Napabuntong-hininga ako nang maisip na walong tao na naman ang masasaktan dahil sa mga taong nakaupo ngayon sa waiting shed.

    Kinuha ko ang jacket ko dahil malamig at malakas ang ulan sa labas. Dali-dali akong kumuha ng papel at ballpen, tinakbo ko ang distansya papunta sa waiting shed dahil wala akong payong.

    Nang marating ko ang waiting shed ay wala man lang pumansin sa akin. Hindi ko alam ang dahilan, siguro dahil masiyadong malalim ang iniisip nila o dahil hindi naman talaga nila ako makikita.

    Tumawa ako nang mahina bago ako naglakad patungo sa mga upuan.

    Umupo ako sa tabi ng isang lalaki, hindi mapagkakailang may itsura. Napa-iling ako, kita kong may kausap siya sa telepono. Ilang beses niyang nabanggit ang salitang "love" at "mahal" pero malalaman mo kaagad na nagloloko lamang siya dahil wala namang kislap na makikita sa kaniyang mga mata.

    Napatingin naman ako sa babae sa gilid niya, halatang masama ang loob pero hindi naman nagsasalita. Biglang tumunog ang cellphone niya, nahuli kong napangiti ito at halos nangingislap pa ang mga mata habang nagtitipa siguro ng reply pero maya't-maya'y napapabaling sa lalaking katabi ko.

    Ang lalaki naman na tumayo ang pinagtuonan ko ng pansin. Mukhang may edad na dahil may ilang hibla ng puting buhok pero hindi mo agad mapapansin kaya't nagmumukhang nasa 20's o 30's lang. Hindi maipagkakailang g'wapo at maganda pa rin ang hubog ng katawan. Napa-iwas ako ng tingin ng ngumiti ito, nakakapanindig-balahibo ang ngiti niya. Parang may binabalak na masama.

    Napatingin naman ako sa babae sa gawing kaliwa. Masasabing maganda pero parang laging may gagawing masama. May hawak din itong cellphone, marahang nagkakamot sa batok pero halatang masaya. Napapatingin din siya madalas sa lalaking maputi sa gawing kanan. Naka-angkla rin ang kaniyang braso sa lalaking katabi niya kaya napabaling doon ang aking atensyon.

    Marahan itong nakangiti, nangingislap ang mga matang nakatitig sa babaeng katabi. Hinahalik-halikan ang buhok ng babaeng patuloy pa rin nagtitipa ng mensahe.

    Sa gilid ko naman ay isang lalaki. Halos magkasing-edad lang sila no'ng lalaking nakakakilabot kung makangiti. Halatang mayaman dahil pinangangalandakan ang suot na mga gintong alahas.

    Katabi naman ng lalaki ay lalaki rin na maputi. Hindi nawawala sa mukha ang nakakalokong ngiti. Mukha siyang mayabang, may pagkakahawig din sila ng matandang lalaking katabi niya at sa lalaking may kausap sa telepono. Napa-iling lamang ako.

    Ang huli naman ay isang babaeng nakatayo malapit sa dulo ng inuupuan ko. May katabaan at medyo magulo ang nakapusod na buhok. Para bang ang laki ng problema. Matanda na rin at kulubot na ang kayumangging balat.

    Ano naman kaya ang ginawa nila? Bakit sila nasa waiting shed na ito? Napangiwi na lamang ako nang maalala ang walo pang tao na nasasaktan ngayon dahil sa kanilang walo.

    Kaya't maraming nakakaranas na maging pansamantala dahil marami ring taong nakasilong sa waiting shed tuwing umuulan at may hinihintay.

    Ikaw? Naranasan mo na bang maging isang pansamantala?

    Naranasan mo na bang maging waiting shed?

    Naging pagamutan ka na ba ng mga sugatan? Naging taga-payong ka ba ng mga taong walang masilungan tuwing umuulan?

    Samahan mo akong alamin ang iba't-ibang k'wento ng mga taong naranasang maging pansamantala.

    Bisitahin natin ang mga k'wento ng walong taong nandito ngayon sa waiting shed.

   
  
   

PansamantalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon