4.2

18 3 0
                                    


"Anong nakita mo?" tanong niya sa akin nang lumabas ako sa pinagtataguan ko.

"Wala, iyon lang. Kakarating ko lang Ria." Hindi niya ako sinagot pero tumagal pa ang mataray na tingin niya sa akin.

"Siguraduhin mo lang," saad niya bago ako tinalikuran para pumasok sa loob ng silid.

Kinuha niya ang bag at muling lumabas. Tumigil siya sa harap ko.

May pagtatanong sa mga mata ko siyang tiningnan.

"Give me money, hindi pa ako nag-aalmusal. Gutom na ako Shaira," wika niya pero malamig pa rin ang pakikitungo.

Napaayos ako ng pagkakatayo pero hindi pa rin naglalabas ng pera.

Malalim siyang napabuntong-hininga.

"Shaira, wala akong pera. Uutang lang ako, babayaran din naman kita kapag mayro'n na ako," sabi niya sa isang palakaibigang boses.

Marahan akong napa-iling.

"Hindi naman sa gano'n Ria. Wala lang kasi akong sobra ngayon, at isa pa binigyan na kita kahapon baka may sobra pa iyon," mahina kong saad.

Mataray niya ako tiningnan bago ako Inirapan.

"Limang daan? Anong akala mo mura lang ang sigarilyo at alak? Gaga ka pala, napahiya ako sa mga tropa ko kahapon kasi hindi ko naman sila nalibre kahit pa dapat ay sagot ko sila kahapon." Napasinghap ako sa bigla niyang pagtaas ng boses.

Pero ang mas ikinagulat ko ay ang sinabi niya.

"A-Akala ko ba may babayaran ka?" mahinang tanong ko.

"May ambagan ngang nangyari, kahit pa dapat libre ko. Tangina nakakahiya nga eh." Tinalikuran niya ako at saka nagmamadaling umalis.

"Ayos ka lang ba?" Napatingin naman ako kay Flame na nandito na pala ngayon.

"H-Hindi," walang pag-aalinlangan kong sagot.

Napa-iling ako. Akala ko kaibigan ang turing niya sa akin pero bakit gano'n?

Hindi ba hindi nagsasakitan ang magkaibigan, hindi nagsusumbatan at higit sa lahat nagsasabi ng sikreto, pero bakit iba ang sa amin ni Ria?

Bakit niya ako sinaktan? Bakit niya ako sinusumbatan na para bang kasalanan ko talaga na napahiya siya at bakit siya nagsikreto at nagsinungaling sa akin?

Ako lang ba talaga ang nagpupumilit na mapalapit sa kaniya?

"Kaibigan niya ba talaga ako?" mahinang tanong ko habang buhat-buhat ako ngayon ni Flame papasok sa tahimik naming silid.

Maingat niya akong ibinaba nang marating namin ang upuan ko.

"Halatang hindi, kaya bakit mo pa pinapaniwala ang sarili mo?" supladong sagot ni Flame sa akin.

"Mali bang umasa na magiging magkaibigan din kami?" Umiling si Flame habang seryosong nakatingin sa akin.

"Hindi maling umasa, pero maling mamilit. Huwag mong ipagpilitan ang sarili mo sa taong ayaw sa'yo." Naramdaman ko ang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko.

"Ginagamit ka lang niya, hindi mo kailangan ng gano'ng klase ng tao sa buhay mo," sabi niya habang naluluha na ako.

"Hindi niya deserve na maging parte ng buhay mo. Hindi mo kailangan ng mapang-abusong tao sa buhay mo. Minsan ka lang naman niyang kaibigan hindi ba? Kaibigan ka lang niya kapag kailangan ka niya." Hindi ko namalayang tumutulo na ang masasaganang luha sa mga mata ko.

"Huwag na huwag ka na ulit lalapit sa gano'ng klase ng tao. Hindi dapat nila inaabuso ang kabaitan. Hindi dapat sila nananakit. They don't deserve someone like you," dagdag pa ni Flame.

Bahagya akong napangiti. Medyo gumaan na rin ang mabigat kung kalooban.

"Mangako ka sa akin Shaira," wika ni Flame.

"Anong ipapangako ko?" tanong ko rito.

"Mangako ka na hindi mo na ulit hahayaang pumasok sa buhay mo ang gano'ng klase ng mga tao. Hindi ka na mamimilit, at hindi ka na ulit iiyak at masasaktan sa ganitong klaseng paraan," seryosong saad ni Flame habang kalmadong nakatingin sa akin.

Huminga ako nang malalim bago ko siya sinagot.

"Pangako," tipid kong sagot na nagpataas ng kilay niya.

Sinenyasan niya akong magpatuloy sa pagsasalita. Inirapan ko siya bago magpatuloy.

"Pangako, wala ng sinuman ang makakapanakit sa akin sa ganitong klaseng paraan. Hindi na ako mamimilit ng tao. Hindi na ako magpapagamit. Hindi na ako magiging pansamantalang kaibigan kailanman. Pinapangako ko iyan Flame." Nginitian ako nito bago ako hinila para sa isang mainit na yakap.

"Kung gano'n, p'wede ba kitang maging kaibigan?" tanong ko rito.

Bahagya siyang natahimik pero sinagot naman ako.

"Hindi kailanman," sagot niya sa akin.

Bigla akong nakaramdam ng sakit sa aking puso.

"Kung gano'n okay lang. Nangako akong hindi mamimilit. Pero p'wede ba kitang tanungin kung bakit?" mahinang saad ko habang nakayakap pa rin  sa kaniya.

"Simple lang ang sagot," sabi niya.

Napairap naman ako at bahagya siyang hinampas sa braso.

"Hindi ako papayag na maging kaibigan lang Shaira. Mahal kita, higit pa sa pagkakaibigan ang kaya kong ibigay sa'yo. P'wede ba kitang ligawan para patunayan ko sa'yo?" wika ni Flame.

Halos hindi ko na marinig ang sinasabi niya dahil mas malakas na ang pagtibok ng puso ko. Ilang sandali pa bago ako nakasagot.

"Pumapayag ako." Mas humigpit ang yakap niya sa akin.

"Hindi ka kailanman magiging pansamantala sa akin. Permanente ka ng nakamarka sa puso ko."

Napangiti ako.

Naging pansamantala man akong kaibigan pero hindi kailanman sa pag-ibig.

PansamantalaWhere stories live. Discover now