8.2

24 4 0
                                    

"Ay late," pang-aasar ko kay Rylie nang makita kong uupo pa lang siya sa katabing upuan ko. Akala ko nga ay aabsent siya dahil tapos na ang first subject namin ay wala pa rin siya.

"Sarap tulog ko, wala si papa," wika niya habang binibigyan pa ng diin ang salitang papa. Tinawanan ko siya at iniling-ilingan. Inirapan naman ako niya, aba ang taray!

"Kumusta?" tanong niya sa akin nang maayos na siyang nakaupo sa kaniyang upuan.

Saglit naman akong natigilan sa tanong niya.

Malalim akong napabuntong-hininga.

"Sabi mo hindi na naman ginagawa sa'yo iyon ng nanay mo," dagdag pa ni Rylie na mas lalong nagpatahimik sa akin.

Iyon kasi ang sinabi ko sa kaniya, na hindi na ako isinasama ni mama sa pautangan pero ang totoo ay lagi kaming nando'n tuwing Biyernes. Hindi naman natigil iyon kahit kailan.

Nagkibit-balikat lamang ako kay Rylie, ayoko ng magsalita pang muli.

Pagkauwi ko sa bahay ay naglakas-loob akong harapin si mama para tanungin sa mga kumakalat na tsismis sa labas.

Inabot ako ng madaling araw sa paghihintay bago ko narinig na bumukas ang sirang pintuan namin.

Naamoy ko kaagad ang alak kay mama nang malapitan niya ako.

Papikit-pikit siyang naglalakad pero bago pa siya makapasok sa k'warto namin ay hinarangan ko na siya.

"Ma," panimula ko pero malamig lamang niya akong tinapunan ng tingin.

Nagpatuloy ito sa paglalakad pero muli ko itong hinarangan, galit niya akong binalingan.

"Tabi," singhal niya sa akin.

Hindi ako nagpapigil tinanong ko kaagad si mama bago pa siya makadaan.

"Tumabi ka, punyeta!" Hindi ko pinansin pa ang sinasabi niya. Lakas-loob ko siyang tinanong

"May lalaki ka ba, ma?" mariin kong tanong habang nakaharang pa rin sa daan.

"Eh ano naman sa'yo kung mayro'n?" pabalik na tanong niya sa akin. Hindi ko napaghandaan ang sagot na iyon ni mama.

Napakunot ang noo ko at galit siyang binalingan.

"Ibinibili mo raw ng kung ano-ano, totoo ba 'yon, ma?" muli kong tanong. Inirapan ako nito, napahawak ito sa dingding.

"Eh ano naman sa'yo kung oo, buhay ko 'to Elle. 'Wag mo akong pinakikialaman!" Marahas niya akong tinabig kaya napaupo ako sa sahig.

Tinalikuran ako nito bago papilay-pilay na pumasok sa k'warto. Pinagsarhan ako nito ng pinto kaya wala akong nagawa kundi humiga na lamang sa mahaba naming upuan sa sala.

Hindi ko na nabilang kung ilang oras akong umiyak nang gabing iyon. Mariin kong tinatakpan ang bibig ko para hindi kumawala ang mumunti kong paghikbi.

Ilang gabing nangyari iyon. Nakiusap ako kay mama na kung p'wede bumalik na siya sa dati pero hindi niya ako pinapakinggan. Tinatabig niya lang ako palagi at kung minsan ay pinagsasarhan pa ng pinto.

Dumating ang araw ng Biyernes, kabado ako nang sobra. Lalo na't ang sabi ni mama ay yung lalaking dating pinagkautangan ni mama ang pagsisilbihan ko ngayon.

Umaga pa lang ay pinag-iisipan ko na kung paano makakatakas pero natatakot ako dahil iniisip ko rin ang mga kapatid ko.

Maluha-luha akong pumasok sa paaralan, gutom dahil hindi pa nag-aalmusal at higit sa lahat ay pagod.

Nang uwian na ay mas lalo akong natatakot, pinagpapawisan na rin ako dahil sa kaba. Halos hindi ko na magawang huminga.

Patuloy na nagsasalita si Rylie habang tinatahak namin ang daan patungo sa bahay namin pero hindi ko na nabigyan pa ito ng atensyon.

Nagpaalam na ang kaibigan ko nang makapasok na ako sa loob ng sira-sira naming gate na gawa sa trapal at putol-putol na kahoy.

Dahan-dahan kong tinahak ang munting daan patungo sa aming pinto. Hindi ko pa man ito nabubuksan ay nagawa na ni mama. May hawak itong maliit na bag, napatingin ako sa kaniya.

"Biyernes na, sumama ka na." Hindi ko alam kung maiiyak ba ako o mananatiling kalmado ang ekspresyon.

Gusto kong magmakaawa pero wala akong magawa.

"Bilisan mo na, perwisyo ka talaga kahit kailan. Nagsisimula na yung sugalan!" Kahit na hirap ang paghakbang ay mas lalo kong binilisan.

Siguro kakayanin ko pa naman 'di ba? Makakasanayan ko rin siguro ito, kung dito sasaya si mama bakit hindi ko mapagbigyan?

Pinatatag ko ang aking sarili habang tinatahak namin ni mama ang daan patungo sa pautangan.

Mula rito sa kinaroroonan namkn ay rinig ko na ang hiyawan ng mga taong nagsusugal.

"Umayos ka Elle ha, malilintikan sa akin 'yang mga kapatid mo kapag hindi mo inayos 'yang trabaho mo." Hindi na lamang ako umimik pa.

Nang makarating kami sa pautangan ay nagsisigawan pa rin ang mga tao. Marami akong nakikitang perang nasa ibabaw ng mesa na may mga baraha.

Akala ko ay do'n kami pupunta ni mama pero nagulat ako nang dalhin niya ako sa grupo ng mga lalaking nag-iinuman.

Biglang ngumisi ang pamilyar na lalaki sa akin nang makita niya kami ni mamang palapit sa p'westo nila. May lalaking lumapit sa amin, naramdaman kong bumitaw sa akin si mama. Napatingin ako kay mama nang ginawa niya 'yon, halos tumakbo si mama para salubungin ang lalaking papalapit din sa gawi namin.

Halos masuka ako nang naghalikan sila bigla sa harap ko. Nakaharap sa akin ang lalaking humahalik kay mama kaya nakikita ko ang reaksyon ng mukha niya. Habang hinahalikan nito ang nanay ko ay nakatingin ito sa akin.

Balak ko na sanang tumakas pero hindi ko namalayang nandito na rin pala sa gilid ko ang lalaking pinagkakautangan ni mama. Bago pa ako makatakbo ay nahawakan na nito ang palapulsuhan ko.

Naiiyak ko siyang binalingan pero walang awa ako nito tinitigan pabalik.

"Pinang, dadalhin ko na 'to," paalam ng lalaki kay mama bago ako hinigit papunta sa sasakyan niya.

Hindi ko mapigilang sumigaw pero kaagad niyang tinakpan ang bibig ko ng panyo. Bigla akong nahilo, hindi ko na nagawang pumalag, nagdilim ang paningin ko.

Bakit hindi man lang ako nagawang protektahan ni mama?


PansamantalaWhere stories live. Discover now