Pahina 9

33 14 8
                                    

Agosto 9, 1965
Lunes               


Mahal kong talaarawan,

     Ang aking puso ay nahulog. Ngunit, gaya ng isang salamin, ito'y tumama sa sahig at nagkapira-piraso.

     Katulad ng isang ibong humuhuni, lumbay ko'y umaawit ng pagkasawi.

     Katulad ng isang manunulat na sumusulat ng nobela, tinta ng aking pluma ay napalitan ng luha.

     Talaarawan, ganito ba talaga ang pag-ibig? Kung pagmamahalan nga ang mayroon sa pagitan namin ni Alejandro, bakit niya ako niloko?

     Habang ako'y bugnot na naglalakad patungo sa aming tagpuan dahil sa pangungulit sa akin ni Augustus. Habang pinipigilan ko ang sariling tumakbo papunta sa ilalim ng puno ng akasya kung saan naroroon ang aking iniirog. Habang ang laman ng aking isipan ay tanging ang nahihinuhang kahihinatnan ng aming pagpapakilala sa aking mga magulang; Nakita ng aking dalawang mata.

     Doon sa lugar kung saan kami nagtapat ng aming pag-ibig, naroroon si Alejandro... kasama ang isang dilag.

     Napatigil ako sa aking paglalakad at napako ang tingin sa dalawang lapastangan. Ang mga labi nila ay magkalapat at parehong nakapikit ang mga mata na para bang silang dalawa lamang ang nilalang sa mundong ito.

     Ang mga luha ko'y walang tigil sa pag-agos at ang puso ko'y labis ang pagkirot. Makalipas ang ilang segundong puno ng pahirap, biglang nawaglit sa aking paningin ang aking mahal na may kahalikang iba dahil mayroong humarang sa aking harapan--- si Augustus.

     Kita sa kaniyang mga mata ang pagkaawa sa akin, samantalang ako ay walang ibang maramdaman kundi sakit. Kaya naman habang lumuluha, iniwan ko si Augustus na nakatayo sa aking harapan at tumakbo na pauwi sa aming tahanan.

     Ang sakit lamang isipin na ang lugar kung saan ako natutong umibig, ay ang lugar kung saan ang puso ko'y nagkalasog-lasog.

     Sa oras na ito, iisang tanong lamang ang pilit kong pinapakiwari---

     'Alejandro... paano mo nagawa sa akin ito?'


     - Peridot

PeridotWhere stories live. Discover now