Pahina 30

19 7 1
                                    

Agosto 30, 1965
Lunes                  


Mahal kong talaarawan,

     Hindi ko lubos maisip. Paano ito nagawa sa akin ng Maykapal? Paano Niya naaatim na ako'y pagdusahin nang ganito?

     Ang aking patuloy na pagtaba...

     Ang pagkaubos ng aking buhok...

     Ang aking panay na pagkaramdam ng panlalamig kahit na mainit naman ang panahon...

     Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa akin na pati ang doktor ay hindi rin mawari kung ano bang mali sa aking katawan. Oo, nagtungo kami sa ospital kanina upang idulog sa manggagamot ang aking mga nararamdaman.

     "Pasensya na po ngunit hindi pa napangangalanan ang ganiyang sakit." Ramdam ko ang paninigas ng aking katawan dahil sa narinig mula sa doktor.

     "Ngunit, m-may... may lunas naman ho, hindi ba?" Kapansin-pansin ang pagpipigil ni Ina ng kaniyang emosyon habang nagtatanong.

     "Ikinalulungkot kong sabihing wala pang lunas sa ganitong karamdaman. Pinag-aaralan pa lamang ang ganiyang sakit at sa ngayon ay hindi pa ito nabibigyang-lunas."

     "P-po? H-Hindi ho iyan maaari. Baka naman mayroon pang daan upang gumaling pa si Peridot." Tinignan ako ni Ina at hinawakan ko ang kaniyang kamay upang iparating na ayos lamang ako.

     "Pasensya na po. Hindi ko po kayo nais na takutin ngunit gusto ko ring sabihin sa inyo ang totoo. Bihira lamang ang ganiyang kaso at kalimitan sa mga ito ay hindi garantisado ang haba ng buhay."


     Hindi ko na mawari ang aking mararamdaman dahil sa narinig. Hindi ko alam kung iiyak ba ako o hindi. Hindi ko alam kung matatakot ba ako o hindi. Manhid na yata ako.

     "Hindi po ako naniniwala. Gagaling si Peridot. Bi-Bigyan niyo lamang p-po kami ng gamot at alam kong gagaling ang aking anak." Nabasag ang boses ni Ina.

     "Ang tanging lunas na lamang pong maaari nating panghawakan ay ang Diyos. Manalig tayong gagaling si Peridot... Maiwan ko na muna kayo at may titignan pa akong pasyente."

     Katahimikan ang bumalot kanina sa loob ng opisina ng doktor nang umalis ito. At kinalaunan ay narinig ko ang paghikbi ni Ina.

     Kung pwede nga lamang tanggalin ang aking mga tainga kanina upang hindi marinig ang pagtangis ng aking ina ay ginawa ko na. Ngunit, hindi iyon posible.

      Sa oras na iyon, hindi ako umiyak. Ang tanging ginawa ko lamang ay ang yakapin ang aking ina at sabihin sa kaniyang ayos lamang ako... kahit na hindi naman talaga.

     Gagaling pa ba ako? May Diyos nga bang mahahabag sa akin at ako'y pagagalingin? Kung mayroon man ngunit hindi Niya gustong pahabain pa ang aking buhay, nais ko lamang itanong kung bakit.

     Bakit niya ako pinahihirapan nang ganito? Napapagod na rin kasi ako.


- Peridot

PeridotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon