Pahina 13

28 14 0
                                    

Agosto 13, 1965
Biyernes            


Mahal kong talaarawan,

     Tila ba gusto nang lumabas ng aking puso sa aking dibdib dahil sa sobrang pagkabog nito kanina.

     Habang kami ay nasa hapag at kumakain ng hapunan, napuna ng aking mga magulang ang kakarampot kong pagkain sa aking pinggan.

     "Hindi ba't paborito mo ang kalabasa?" Napatigil ako sa aking pagkain dahil sa tanong ni Ama.

     "Opo."

     "Ngunit bakit kakapiranggot lamang ang iyong kinakain? Hindi ba masarap?" Kita ko ang pagkalungkot ni Ina kaya naman umiling ako kaagad bilang pagtanggi.

     "Masarap po. Busog po kasi ako dahil kumain ako ng kakanin kanina kasama ang aking mga kamag-aral." Kasinungalingan. Hindi ako kumain ng kahit ano habang nasa paaralan.

     Tumango naman si Ina bilang pagtanggap ng aking rason ngunit ilang segundo silang tumitig sa akin ni Ama na para bang tinatantiya kung totoo ba ang aking sinabi.

     Dahil sa takot na mapagtanto nila ang aking iniisip, nginitian ko sila nang pilit at nagpatuloy na lamang sa pagkain. Ipinagpatuloy ko lamang ito hanggang sa maramdamang itinuloy din nila ang kanilang pagkain.

     Natapos ang hapunan nang hindi nila napansin ang aking dinaramdam. Marahil ay magaling akong magkubli ng damdamin gayong kahit ang aking mga magulang ay hindi ito napansin.

     Subalit talaarawan, kailan ba may magtatanong sa akin kung kamusta ba ako?

     Kailan ba mayroong yayakap sa akin at sasabihing magiging ayos lamang ang lahat?

     Kailan? O... darating pa nga ba ang pagkakataong iyon?


- Peridot

PeridotKde žijí příběhy. Začni objevovat