Pahina 26

19 9 0
                                    

Agosto 26, 1965
Huwebes            

Mahal kong talaarawan,

     Ang pagmamahal ay may hangganan din. At sa aking kaso, hindi ko alam kung mayroon pa bang natitirang pagmamahal sa aking puso o purong poot na lamang ito para kay Ama.

     Kagabi, nang kami ay nakaupo ni Ina sa sala, siya ay nagkuwento. Natuklasan kong dati pa man, iniibig na ni Ina si Ama, ngunit may ibang babae itong tinatangi. 

     Isang araw, ipinagkasundo ang aking mga magulang at kalaunan ay ikinasal dahil sa kagustuhan ng kanilang mga magulang--- nina Lolo at Lola.

     Naging masaya si Ina ngunit hindi niya kailanman nakitang naging masaya sa kaniya ang aking ama. Subalit nang ako raw ay isilang, nakita raw ni Ina sa unang pagkakataon ang pagkislap ng mga mata ni Ama dahil sa tuwa.

     Dahil doon, namuhay sila nang matiwasay. Gayon pa man, kagaya ng pagbabago ng klima, nagbago rin daw si Ama. Nagsimula raw siyang mag-inom at magwala sa bahay. At sa paglipas ng mga araw, ang kaniyang pagwawala ay nadagdagan ng pang-aabuso kay Ina. Sinisisi niya ito dahil sa kinahinatnan ng kanilang mga buhay. Sinisisi niya si Ina dahil sa pagpapatiwakal ng kaniyang iniirog nang nalamang ipinagkasundo si Ama kay Ina.

     Ngayon, wala akong ibang maramdaman kundi ang pagkahabag sa aking ina... Sa aking inang biktima lamang ng kalupitan ng pag-ibig.

     Siguro nga ay mabuti nang umalis si Ama. Sana... Sana ay huwag na siyang bumalik pa.

- Peridot

PeridotWhere stories live. Discover now