Pahina 29

21 8 0
                                    

Agosto 29, 1965
 Linggo                


Mahal kong talaarawan,

     Dumating na ang araw na aking ikinatatakot--- Ang makita ang aking sarili sa salamin habang walang pagkasabik para sa araw na ito.

     Ang araw na lagi kong hinahangad na sumapit agad sa bawat taong nagdadaan. Ang araw kung kailan napupuno ang aking puso ng mga papuri at pagbati mula sa mga taong aking itinatangi. Ang araw kung kailan napupuno ang aking mga pisngi ng mga halik ni Ina, Ama at maging ni Lola. Ang araw na sumisimbolo sa aking... pagkasilang.

     Ngunit ngayon... hindi ko maiwasang maitanong sa aking sarili ang tanong na, "Buhay pa ba ako?"

     Kanina, noong tumilaok na ang manok at sumibol na ang araw, nagising ako dahil sa halik ni Ina sa aking pisngi. Nakita ko na masaya siya para sa araw na ito.

     "Maligayang kaarawan, Peridot!Maligo at magbihis ka na, anak. Sabay tayong magsisimba kasama si Lola Zircoña. Hindi ba at iyon ang gusto mo? Ang sama-sama tayong sisimba?" Ang magiliw na mukha ng aking ina ay kabaliktaran ng akin. Dati ay laging ang pagsimba bilang isang pamilya ang hiling ko. Ngunit, ngayong wala na si... Ama, hindi ko alam kung alin pa nga ba ang gusto ko dahil tila wala na akong ibang hangarin pa.

     Tumango na lamang ako at naligo na upang maghanda. Habang nag-aayos, pumasok si Ina sa aking kwarto at naabutan akong nagsusukat ng mga saya at bestida mula sa aking damitan. Hirap ako sa pagsusuot dahil masisikip na sa akin ang mga ito. Nakapagtatakang hindi naman ako kumakain nang marami ngunit patuloy ang aking pagbigat.

     Nginitian ako ni Ina at iniabot sa akin ang isang napakagandang bestida. Kulay berde ito dahil ito ang paborito kong kulay. May mga bulaklak na naka-imprinta sa laylayan ng bestida at napakaganda nito. Iniabot din sa akin ni Ina ang isang kulay berdeng palamuti sa buhok.

     "Salamat po, Ina," nakangiting sabi ko. Inilapag ko na lamang sa aking higaan ang palamuting iyon dahil hindi ko na rin naman na iyon magagamit.

     Matapos magsimba, nagtungo ako sa harap ng aming bahay. Nakaupo sa isang bangko, buong maghapon akong naghintay. Na sana, dumating sila at ako'y kanilang batiin.

     Ngunit kasabay ng pagtatago ng araw ay ang pagtulo ng aking luha... Luha ng pagtangis ng isang dilag na minahal... nagmahal... ngunit iniwan rin... sa huli.

     Talaarawan, sadyang nakatatakot magmahal. Lahat ay iyong isusugal. Ang damdamin ay hindi masasabing hindi magbabago dahil maaaring mawala ang pag-ibig at iiwan ka na lamang bigla. Maaaring may pasabi ito katulad ni Ama, o walang pasabi katulad ni Augustus. Ngunit may pasabi man o wala, parehong nakawawasak ng puso.

     At sa aking labing pitong kaarawang nagdaan, ang sa taong ito ang kulang.

     Dahil gaya ng isang karwaheng walang nagmamaneho, ang buhay ko'y tila walang patutunguhan dahil wala ang dalawang lalaking aking iniibig.

     At sa gabing ito, nagtago ako mula sa buwan, nang sa gayo'y hindi niya makita... ang aking pagtangis.


-Peridot

PeridotWhere stories live. Discover now