Pahina 18

24 9 0
                                    

Agosto 18, 1965
Miyerkules        


Mahal kong talaarawan,

     Dumiretso kaming muli ni Augustus sa may dalampasigan ng Louisiana upang panoorin ang paglubog ng araw. Dahil doon, gabi na nang ako'y makauwi sa amin.

     At alam mo ba, talaarawan? Naabutan kong nakatayo sina Ama at Ina sa labas ng bahay na mukhang hinintay talaga ang aking pag-uwi.

     Nagpaalam na ako kay Augustus kaya matapos niyang bumati at magmano kina Ama ay umalis na siya.

     Nang nakaalis na nang tuluyan si Augustus, ang aking mga magulang ay napakaseryoso pa rin. Kaya naman ay nagmano ako nang tahimik. Papasok na sana ako sa bahay upang ayusin ang aking mga gamit ngunit tinawag ako ni Ama.

     "Peridot," aniya.

     Lumapit akong muli sa kanila. "Bakit po, Ama?"

     "Napapadalas ang iyong pag-uwi nang gabi. Napapadalas din ang paghatid sa iyo ng lalaking iyon. Sino ba siya?" mariing tanong ni ama.

     Yumuko ako upang humingi ng paumanhin sa aking mga magulang. "Pasensya na po, Ama... Si Augustus po iyon, ang aking kaklase at kaibigan."

     "Simula ngayon, huwag ka nang lalapit sa kaniya o sa kung sino mang lalaki. Isa kang dilag, Peridot. Kailangan ay magpaka-Maria Clara ka. Naiintindihan mo ba, anak?"

     "O-Opo, Ama."

     "Apolo..." Hinawakan ni Ina ang braso ni Ama. Sa wari ko'y mayroon pa siyang nais sabihin kay Ama ngunit tumingin muna siya sa akin. "Peridot, pumasok ka na at magbihis."

     "Opo." Dahil doon, tumalima na ako upang sundin ang bilin sa akin.

     "Kaibigan niya lamang iyon, Apolo. Bakit mo pinagbabawalan ang anak mo mula sa pakikipagkaibigan?" rinig kong turan ni Ina.

     "Dahil hindi ko nais na matulad siya sa atin."

     "Nahihibang ka na." Ang sinabing iyan ni Ina ang huli kong narinig.

     Hanggang ngayon, labis ang pagkirot ng aking puso. Si Augustus na lamang ang aking natatanging kaibigan ngunit pinagbawalan pa akong makipaglapit sa kaniya.

     Talaarawan, paano na lamang ako? Ako'y nag-iisa na namang muli. Walang katoto, walang iniirog. Tanging ikaw at ako na lamang muli.


Nagmamahal,
Peridot            

PeridotWhere stories live. Discover now