Kabanata XII

2.1K 134 3
                                    

INIGO

"Aray!" 

Napalingon ako sa likuran matapos kong marinig ang malakas na sigaw na 'yon.

Nabitawan ko ang bitbit kong baril-barilan at agad na napatakbo sa kasama kong batang babae na nadapa pala sa likuran ko.

"Okay ka lang?" tanong ko. Dahan dahan naman siyang bumangon pero nakatakip lang ang mga kamay niya sa mukha niya.

"Huy!" sambit ko pa kasi hindi siya sumagot. "Umiiyak ka ba?"

Napatingin naman ako sa suot niya na ngayon ay puno na ng putik.

Bakit ba kasi dito pa kami dumaan?

Nasa plaza kami ngayon kung saan kami kadalasang nagkikita. Pauwi na sana kami pero dahil umulan buong araw, basang basa ang daan at semento at halos puno na rin ng putik ang damo.

Ilang saglit pa ay narinig kong lumalakas na ang kaniyang hagulgol. Nanlaki rin ang mga mata ko nang makita kong may maliit na sugat pala siya sa tuhod.

"M-may sugat ka pala," mahina kong tugon. Baka mas lalo siyang maiyak kung didiretsuhin ko siya. "Gamutin muna natin."

"Wala akong pake!" napaatras ako ng konti nang bigla siyang sumigaw. Inalis na rin niya ang kamay niya sa kaniyang mukha dahilan para bumungad sa akin ang namumula niyang mata. "Hindi ako umiyak kasi nadapa ako," dagdag niya pa.

"Eh bakit ka umiiyak?"

Hindi na siya nagsalita pa at sa halip ay itinuro niya lang ang manyika niyang nahulog rin sa putikan.

Napakamot na lang tuloy ako sa batok. Hindi ko rin mapigilang mapatawa.

"Anong nakakatawa?" pagsusungit niya.

"Wala, tara na nga." Pinulot ko na lang yung manyika niya at akmang maglalakad na sana ako ulit nang maalala ko ang tuhod niya.

"May sugat ka nga pala," sabi ko.

"Eh ano naman ngayon?" masungit niyang tanong.

Bakit ba siya galit eh ako na nga 'tong nag-aalala eh.

"Ah, alam ko na," lumaki agad ang ngiti ko nang may maalala ako. Napatingin naman siya sa mukha ko pero naningkit lang ang mga mata niya.

"May pera pa ako, heto oh," excited kong tugon at agad na binunot yung piso sa bulsa ko at ipinakita sa kaniya. "Bilhan na lang kita ng bandaid sa tindahan."

Bago pa siya nakasagot ay mabilis ko ng hinila ang braso niya at tumakbo.

"Oh, hugasan mo muna yan ha tapos ilagay mo 'to sa sugat mo," bilin ko at iniabot na sa kaniya yung binili naming bandaid.

Nasa harap na kami ng bahay nila ngayon. Malaki ito at halos puti lang lahat ang kulay pero hindi masyadong alintana ang nasa loob dahil mataas rin ang kulay itim nilang gate.

"Alam ko na yan," sagot naman niya. "Sige na, umuwi ka na, baka maabutan ka pa ng ulan."

Hindi na ako sumagot pa. Ngumiti na lang ako bago tumalikod at nag-umpisang maglakad.

I'll Save You ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon