Magsasaka

2 0 0
                                    

Sinusubukang tapusin ni Tolome ang assignment nila pero hindi niya masagot sagutan yung last number. Tinatanong kasi sila kung ano daw ang pangarap nila paglaki nila. Pangarap kasi ni Tolome na maging magsasaka, kaya lang nang minsan niya itong binaggit sa klase, tinawanan siya ng mga kaklase niya kahit si Dominga. Sinaway naman silang lahat ng guro nila.

Kaso ibang guro ang nagpapagawa nito at alam niya na ipapabasa na naman sa buong klase. Iniisip na ni Tolome kung bakit ba kasi kailangan pang magkopyahan ng mga guro sa ipapagawa sa klase. Bakit hindi na lang itanong ni guro B kay guro A kung anong sagot ng klase nila di ba?

Masyadong nag-iisip si Tolome para sa isang bata. Hindi naman masama yun pero hindi rin yun normal. Abnormal kasi siya. Pati sa pangarap paglaki pati sa gustong babae. Burahin ko raw yung huling apat na salita kasi hindi naman daw totoo yun. At bakit daw biglang nag-iba ng style ng pagsusulat yung author at bakit daw puro narrator ang nagsasalita.

Mag a alas dyes na ng gabi pero hindi pa rin siya tapos sa assignment niya. Matutulog ba siya o magpupuyat para titigan lang ang notebook niya? Naisip niyang matulog na lang bahala na ang bukas. Kinakain na rin kasi siya ng kama niya.

Kinabukasan, nagkita sina Tolome at Dominga sa entrance ng school.

"Huhulaan ko, walang kang sagot sa huling number ng assignment kay Ma'm B ano?" Sabi ni Dominga kay Tolome. Inaantok antok pa si Tolome dahil kahit kinain siya ng kama niya kagabi, gising pa rin ang isip niya dahil wala pa rin siyang sagot sa last number.

"Oo, pa'no mo nalaman." Masama ang loob ni Tolome nang maalala niyang pati nga pala si Dominga eh tinawanan siya noon sa pangarap niya.

"Hahaha... kasi kilala kita. Alam kong hindi mo pa rin makalimutan na tinawanan ka ng buong klase noon sa recitation kay Ma'm A."

"Oo, tawang tawa nga KAYOng lahat eh... ano kayang nakakatawa do'n?" Ito ang paraan ni Tolome ng pagtanong kung "Bakit pati ikaw natawa, akala ko ba kaibigan kita?"

Sinubukang alalahanin ni Tolome kung ano ang pangarap ni Dominga. Kung tama siya ng pagkakatanda, hindi propesyon ang pangarap ni Dominga... kaso hindi niya maalala kung ano. So kabaligtaran ng pakiramdam niya kanina na ayaw niya nang pumasok at ayaw niya ng magklase kay guro B, eh nasasabik na siya ngayon para lang malaman kung anong pangarap ni Dominga.

Nakalimutan ni Tolome na wala pa nga pala siyang sagot sa last number at malapit nang tawagin ang pangalan niya. "Bahala na yung narrator." Sabi niya sa isip niya.

Sinabi pa rin ni Tolome na pangarap niya maging magsasaka, at gaya noong una, tinawanan pa rin siya ng buong klase... pati si Dominga. At gaya ulit ng dati, sinaway ulit sila ng guro nila.

"Bad trip talaga" Sabi ni Tolome sa isip niya. Bakit ba sila laging tumatawa? Ano bang masama sa pagiging magsasaka. Si Boknoy nga pangarap maging tubero...sabagay tumawa nga rin pala kami, sabi ni Tolome sa isip niya dahil kahit siya natawa sa pangarap ni Boknoy. Naimagine kasi niyang nakasuper mario costume si Boknoy habang may dala dalang tubo.

Pero bakit sila natawa sa magsasaka? Bakit pati si Dominga tumawa? Pero bakit hindi siya pwedeng matawa? Napaisip ulit si Tolome. Bakit ayos lang na matawa sila pero bakit hindi pwede si Dominga? Sino nga ba si Dominga para sa kanya?

Matagal nang magkababata si Tolome at Dominga. Lumaki sila ng sabay siyempre, kalaro at kakalase niya rin ito. Kasama niya palagi at ang nag-iisang inaasar niya na kahit anong gawin niya ay hindi maasar asar.

Espesyal si Dominga kaya nakakainis kung siya ang tatawa sa pangarap niya. Hindi naman siya naiinis dahil lang sa tinawanan siya. Ilang beses na rin kasing tinatawanan ni Dominga si Tolome. Sa iba't ibang dahilan, sa iba't ibang pagkakataon. Pero iba ngayon. Marahil ay dahil sa ibang reaksyon ang inaasahan ni Tolome kay Dominga.

Subconsciously ay umaasa si Tolome na matutuwa si Dominga sa pangarap niya. Ayaw man niya aminin, pasimple niyang iniisip na susuportahan siya ni Dominga pag nalaman nito ang pangarap niya. Kaya maitutumbas mo sa pagkabigo ang makita at marinig niya na tinatawanan siya nito.

"Maganda ang pangarap ni Tristan..." Binati ng guro nila si Tristan, gaya rin ng ginawa niya sa lahat sa kanila pero hindi ito napansin ni Tolome. Kahit siya na pinagtawanan ay binati rin ng kanilang guro pero hindi ito naalala ni Tolome. "Bakit si Tristan binati ni Ma'm B? Bakit hindi siya pinagtawanan?"

Anong pangarap niya? Hindi ito sinagot ng diretso ni Tristan, iniwasan niya magbigay ng propesyon. Bakit? Para hindi pagtawanan? Maari. Sinabi niya sa buong klase na pangarap niya makapaglingkod. Kung ito man ay bilang, sapatero, doktor o pangkaraniwang mamayan lang, pangarap niya makapagbigay ng serbisyo sa kapwa.

Hindi kumbinsido si Tolome. Hindi niya man maipaliwanag pero kakaiba ang nararamdaman niya kay Tristan. Pag nakikita at nadidinig niya si Tristan ay para bang dumidilim ang paligid at unti unti silang pinapalibutan ng makapal na hamog. Ang salita ni Tristan ay parang masamang ala-ala na nabubuhay ulit.

Maituturing mo itong mga zombieng salita. Nandiyan, pero patay. Naririnig mo pero hindi totoo. Hindi naman sa pinagbibintangan niyang nagsisinungaling si Tristan. Pero hindi lang talaga niya mapaniwalaan kung paanong ang bawat salita ni Tristan ay kala mong galing sa libro. Plakado na at tiyak nang papaniwalaan ng kahit sino.

Tiningnan niya si Dominga matapos magsalita ni Tristan. Anong reaksyon niya, tumawa ba? Malabo. Natuwa? Parang hindi naman. Walang reaksyon si Dominga sa sinabi ni Tristan. Buti na lang. "Bakit ako nakahinga ng maluwag?" Sabi ni Tolome sa isip niya. Hindi niya man aminin ay insecure kasi siya kay Tristan.

Bakit? Dahil bukod sa maganda pakinggan si Tristan (kung hindi si Tolome ang tatanungin mo), ay maganda ring tingnan si Tristan... magandang lalaki ito. Kinatutuwaan ng lahat ng guro nila, at kahit lahat ng mga kaklase nilang babae ay hinahangaan si Tristan.

Bukod pa roon, ay magaling din sa mga laro si Tristan, kaya kinatutuwaan din siya kahit ng mga kaklase nilang lalaki. Pero kahit ganoon ay hindi kumbinsido si Tolome at alam din ito ni Tristan, kaya iba rin ang pakikitungo nito sa kanya. 

Mahaba haba na ang nilakbay ng isip ni Tolome at hindi niya namalayan na kanina pa siya nakatingin kay Dominga at nakabalik lang siya sa ulirat nang marinig niya itong tumawa.

"Bakit ka natawa?" Tinanong ni Tristan si Dominga

"Ah wala."

Medyo nagdikit ang kilay ni Tolome matapos makita na kinausap ni Tristan si Dominga. "Anong pinag-usapan nila? Bakit ba kasi sila magkatabi." Ito ang isa pang dahilan kaya ayaw ni Tolome kay Tristan, kasi katabi niya si Dominga.

"Tinawanan na nga yung pangarap ko kinakausap pa niya yung kinaiinisan ko. Sumusobra na 'tong si Dominga ah...teka ano nga bang pangarap mo..." Naalala ulit ni Tolome na nakalimutan niya kung anong pangarap ni Dominga. "Di bale, malapit na rin naman siyang tawagin ni Ma'm B. Tatawanan ko talaga siya."

At gaya nga ng nabanggit ni Tolome, tinawag na nga ng guro nila si Dominga. Agad agad namang umayos ng upo si Tolome at napalitan na ang naiinis niyang muka ng kala-mo-Dominga-ah-gaganti-ako na muka. "Matitikman mo ang ganti ng isang magsasaka"

Dahan dahang tumayo si Dominga mula sa upuan niya. Dahan Dahan din siyang naglakad papunta sa harapan. Pag dating sa tabi ng guro, gaya ng ginawa nito sa lahat sa kanila, tinanong siya ulit nito kung anong pangarap niya. Humarap si Dominga sa buong klase tumingin kay Tolome at ngumiti sabay sabing...

"Pangarap ko maging isang mabuting asawa, asawa ng isang magsasaka."

to be continued...






Anong mangyayari kung hindi naman siya naaasar?Where stories live. Discover now