Kabanata 15

1.3K 35 1
                                    


Sasaluhin

Umalis ako kahit na pa ayaw ko. Anong laban ko roon? Si Samuel na mismo ang nagpaalis sa akin. Parang ako pa ang may kasalanan at ang kabit sa aming dalawa ni Leia. Kaya siguro malalakas ang loob ng mga kabit dahil alam nilang kakampihan sila. Mabuti na lang at may hawak akong pera ngayon, hindi ko naman kasi talaga alam kung pinalayas na ba talaga ako ni Samuel. Hindi ko rin alam kung anong oras ako pwedeng bumalik. Saan na ako pupunta ngayon?

Dinala ako ng mga paa ko sa Macabulos Park na maingay ngayon dahil uwian na rin ng mga bata sa katabi nitong private school. Nagugutom ako at mahapdi rin ang mga sugat mula sa karmot sa akin ni Leia kanina. Ang pinakamalalim yata ay ang nasa palapulsuhan ko. Kung iiyak ako sa parkeng ito ay magmumukha akong baliw at katawa-tawa, wala naman kasing nakakaintindi sa akin dito. Sa mga oras na ganito ay mas lalo kong nararamdaman na mag-isa na lang talaga ako. Walang kasiguraduhan kung may mauuwian o may mga mga tao pa bang iniisip ako at nag-aalala para sa akin. May natutulugan man ako na bahay pero hindi ko naman matawag na tahanan dahil hindi naman nito napapatahan ang mga luha at sakit ng kalooban ko.

Nahagip ng tingin ko si Sandro kasama ang isang magandang babae na sa tingin ko ay kaedaran lang niya. Nagtatawanan sila habang kumakain ng isaw. Kung titignan mo ang babae ay parang hindi mo mapapatapak sa ganitong lugar pero mukhang sanay na sanay naman ang babae rito kaya naipalagay ko na taga-rito rin siya.

May kumurot sa puso nang makita kong bumulong si Sandro at pagkatapos ay sabay silang tumawa, nahampas pa ng babae ang kanyang braso. Napahinga ako nang malalim at ibinaba ang tingin. Lalong bumigat ang nararamdaman ko dahil sa nakita. Wala naman akong karapatang magselos.

Umiling-iling ako kasabay ng pagtulo ng luha ko. Bakit naman ako magseselos? Magkaibigan lang naman kami ni Sandro, pwede siyang magkaroon ng iba pang kaibigan na babae maliban sa akin. Pilit kong pinadugo ang sugat ko sa palapulsuhan para makita ng mga tao na may rason ako para umiyak. Kung hindi nila nakikita na may dahilan ang mga luha mo ay pagtatawanan ka lang nila. Hindi ko tinigilan iyon hanggang sa makita ko na umaagos ang dugo mula roon. Kahit ang sakit ng sugat na ito ay hindi matumbasan ang sakit ng nararamdaman ko ngayon.

"Maggi..."

Naangat ko ang tingin pero kaagad ding binaba nang makita kung sino iyon.

"Bakit mo iniwan ang kasama mo?" tanong ko at pilit na inayos ang boses.

"Nagpaalam na ako sa kanya nang makita kita ka. Kailangan na rin naman niyang umuwi. Bakit ka umiiyak?" Umupo siya sa tabi ko at dinukot ang panyo sa bulsa.

Inangat niya ang mukha ko at pinunasan ng pisngi ko na basang-basa dahil sa pag-iyak. Bumuntonghininga siya.

"Hindi mo ako sinagot. Bakit ka umiiyak?" tanong niya ulit.

"M-Masakit ang sugat ko." Saka binaba ang tingin sa sugat na kanina pa dumudugo.

Napasinghap siya at iyon naman ang dinapuan ang panyo. Nakita niya ang ibang mababaw na sugat sa braso ko at saka tumingin sa akin na may galit ang mga mata.

"Where did you get these, Maggi? Nag-away ba kayo ni Samuel? Sinaktan ka ba niya?" sunod-sunod niyang tanong.

Umiling ako, nagpapasalamat pa rin naman ako at hindi ako pinagbubuhatan ng kamay ni Samuel. Pero kahit na ganoon ay mas masakit naman yata ang punyal na ibinabaon niya sa puso kaysa sa mga karmot na ito. Ang mga salita niya at kung paano niya iparamdam sa akin kung gaano niya ako kaayaw ay higit pang masakit kesa sa mga suntok, sampal, sabunot, at mga karmot.

Halos humagulgol ako sa harap ni Sandro. Paulit-ulit sa pandinig ko kung paano paligayahin ni Samuel si Leia at paulit-ulit din ang sakit tuwing naalala ko ang pagkaladkad niya sa akin palabas na parang ako pa ang may kasalanan sa kanila. Anong ginawa ko sa kanya para bigyan niya ako ng ganito katinding sakit?Hinila ako ni Sandro sa kanyang dibdib at ipinalupot ang kanyang mga bisig sa aking katawan na para bang pinoprotektahan ako.

Exhausted Fantasy Of Yesterday (EX Series 4) PUBLISHED UNDER PIPWhere stories live. Discover now