2. Death and Life

125 16 58
                                    



"Wag muna, please."

"Nakikita niya ako?" tanong ng kartigo sa sarili habang nakatingin sa babaeng umiiyak sa harapan niya. Dahan-dahan niyang itinaas ang kamay at hinaplos ang buhok nitong hindi niya nahahawakan. Parang hinahaplos lang din niya ang hangi, na hindi na niya iniisip pa.

"Glint." Naalala niya ang mukhang ito nang sunduin niya ang kaluluwa nito noon. Ganitong edad namatay si Glint, ganitong edad sila nagkita ni Glint, at ganitong edad niya unang nahawakan si Glint . . . kahit na hangin lamang ang tanging nadama niya.

Binawi niya ang kamay niya nang magpunas ng luha si Sparkle. Gumugulo pa rin sa isip niya ang tingin ng babae kanina. Nakikita ba talaga siya nito? Siya ba ang pinakikiusapan nito?

Gaya ng naramdaman niya noong una niyang makita si Glint, hindi pa rin nawawala ang kagustuhan niyang mahawakan ito. Kung ano bang pakiramdam ng mga hibla ng buhok nito. Kung ano ang pakiramdam ng mga kamay nito na hawak ng kamay niya. Ang mga pisngi nito na gusto niyang haplusin. Nilalamon siya ng kuryosidad . . . at hindi niya maipaliwanag kung bakit.

"Natuto ka na bang maggitara, Glint?" Nilingon niya ang gitarang nasa gilid nito. Sa pagsundo niya ng mga kaluluwa ay lagi siyang naghahanap ng tumutugtog ng gitara, pinakikinggan niya at pinapanood ang mga ito, at iniisip na si Glint ang tumutugtog.

Hindi ito sumasagot sa mga tanong niya. Tila nawalan ulit ng kakayahan na makita siya. Hindi na ito nakalingon sa kaniya, hindi niya maipaliwanag ang pangungulilang naramdaman.

Wala na siyang magawa kundi ang panoorin na lang ito habang umiiyak. Hindi niya alam kung may emosyon ba ang mga kartigo, o baka pinaglalaruan lang siya ni Bathala. Hindi niya alam kung bakit siya nakararamdam ng ganito.

Napatayo siya nang maramdaman ang kaluluwang susunduin. Kasabay nito ay ang paglabas ng doktor mula sa kwartong nasa gilid nila. Hindi na niya pinakinggan pa ang mga sinabi nito at naglakad na diretso sa loob ng kwarto. Nakita niya ang batang nakatitig sa sarili na mahimbing na natutulog.

"Handa ka nang lumipad?" Tumabi siya rito at agad siyang nilingon ng bata.

"Lilipad tayo?" inosente nitong tanong na tinanguan niya.

Lumingon ito sa likuran at nakita ang mga magulang at doktor na nasa harapan ng pintuan.

"Iiwan ko na sila?"

"Kailangan."

Madalas ay may mga buhay na masyadong mabilis. Ang inaasahan ng mga tao ay kailangan nilang mamatay kapag matanda na sila at hindi sa ganitong edad. Ngunit hindi gano'n kung tumakbo ang buhay, walang edad ang kamatayan, kailangang lahat ng tao ay handa.

"Bakit hindi kita mahawakan?" Nakita niya ang paulit-ulit nitong paghawak sa kamay niya at tumatagos lamang ito.

"Hindi mo ako mahahawakan, hindi mo kami mahahawakan." Nginitian niya lamang ito at naglakad paalis. "Magpaalam ka na sa kanila." Naglakad ito sa harapan ng doktor at ng mga magulang.

"Bye, dok." Sinubukan ulit ni Brinley na yakapin ang doktor ngunit tumagos lamang siya rito. Bumaling siya sa kaniyang ina. "Bye, mommy." Kahit alam niyang tatagos lamang siya ay niyakap pa rin niya ito.

Nagpaling-linga ang bata sa gilid niya, tila may hinahanap. "Wait."

Tiningnan niya ang mukha nitong nagtataka.

"Wala pa si Daddy."

Hindi niya alam ang isasagot. Hindi niya alam kung ano ang kahalagahan ng taong nabanggit nito. "Hindi na natin siya pwedeng hintayin. Mahuhuli tayo."

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now