31. Death of a Stranger

19 6 30
                                    


Nakatitig lamang si Sparkle sa mukha ni Benedict na walang emosyong nakatingin sa telebisyon. Pilit na tinatandaan ang itsura ng maganda nitong buhok, ang tamang sukat ng noo nito, ang kulay gintong mga mata. Ang pilikmata at kilay na nagpadagdag sa kagandahan ng itaas na bahagi ng mukha nito.

Gayundin ang malapuso nitong mga labi na maganda ang kulay, hindi kinulang sa pula, at hindi nasobrahan sa kulay ng mga rosas.

"Matagal pa naman bago ka mawala," mahina niyang binunggo ang braso nito. "Ako rin mawawala rin ako, pero hindi pa ngayon, hindi pa bukas."

Gusto niyang makita ang pagngiti nito, ngunit sa paglipas ng mga araw ay tipid lamang ang pagsasalita nito at parang walang gana.

"Alam mo natural lang 'yan . . . na takot kang mawala—mamatay, kasi alam mong may maiiwan ka." Mapait siyang napangiti nang maalala ang ama.

"Gano'n ba talaga kapag namatayan ang isang tao?"

Kinabog nito nang mahina ang dibdib habang nakakunot ang noo.

"Ang sakit dito. Parang may malalim na butas na . . . parang gusto kong punan." Ikinuyom nito ang kamay sa bahaging iyon. Hindi nito inakalang may titindi pa pala sa isang kalungkutan. Ano ba'ng tawag dito?

"Oo. Gaya ni Daddy, kahit hindi ko naman alam kung namatay talaga siya o ano." Itinaas niya ang dalawang paa at niyakap ang hita. "'Yong thought lang na hindi siya nag-e-exist ay sapat na para maramdaman ko na para akong namatayan."

Hindi niya alam kung normal ang nararamdaman niya. Gaya ba ng ibang bata na walang kinalakihang tatay o nanay, ganito rin ang nararamdaman?

Posible bang makaramdam ng kakulangan mula sa isang bagay na kahit kailan ay hindi ka naman pinunan?

Hinapit ni Benedict ang ulo ni Sparkle at isinanday ito sa kaniyang balikat. Maaari palang maramdaman ang sakit sa tono ng boses ng isang tao.

Napakagat si Sparkle sa kaniyang labi at pinikit-pikit ang mga mata. Hinigpitan niya ang pagyakap sa hita habang nangingig ang mga labi. Bahagya niyang iniyuko ang ulo upang hindi makita ni Benedict ang tuluyang pagtulo ng luha niya.

Mabigat pa rin pala, gusto niya pa ring makilala ang ama. Kahit pangalan lang, kahit malaman lang niya kung kamukha niya ito. Hindi sapat ang pagbuo niya sa isipan ng imahe ng ama na malabo. Tila nag-iimbento ng isang tao na kailanma'y hindi nabuhay.

"H-hindi ko alam kung magagalit ako sa kaniya." Napahikbi siya at nagpatuloy ang pag-agos ng luha. "Hindi ko naman kasi alam kung totoo ang sinabi ni Tita Hazel. Hindi ko alam kung may ginawa siyang masama kay Mommy. Hindi ko alam kung anong nangyari. Minsan iniisip ko na lang na ampon ako . . . a-at hindi lang alam ni Mommy kung nasa'n ang mga magulang ko." Hindi niya kayang maniwala sa sabi-sabi hangga't hindi ito nanggagaling sa nanay niya.

Naramdaman niya ang maingat na paghaplos ni Benedict sa buhok niya. Tahimik lamang itong nakikinig sa mga hinanakit niya, na ngayon niya lang nilabas.

"Mas gusto ko na lang 'yon. A-at least alam kong nag-e-exist si Daddy, kahit hindi ko siya kasama, kahit malayo siya. Basta alam kong totoo siya."

Pinunasan niya ang luha sa mga mata at umiyak nang malakas na maririnig lamang sa loob ng kinaroroonan nila. Para siyang bata na hindi papayag na hindi makuha ang gusto.

Inilagay nito nang dahan-dahan ang braso sa ilalim ng tuhod niya at ang isang kamay ay ikinapit sa kaniyang baywang. Maingat siyang iniupo sa hita nito nang patagilid, habang siya ay abala pa rin sa pagkusot ng mga mata at pag-iyak.

Niyakap nito ang baywang niya at ang isa ay hinaplos ang buhok niya.

Ganito pala ang pakiramdam ng isang yakap mula sa taong komportable siya. Nakahawak lamang siya sa braso nitong nakayakap sa baywang niya habang nakasanday ang ulo sa balikat nito, umiiyak habang nakasarado ang mga mata.

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now