36. Arrow of Purpose

17 5 21
                                    

"Sino ang mga tauhan sa kuwento?" Inilipat ni Sparkle ang paningin sa mga batang nakaupo sa bermuda grass sa kaniyang harapan. Siya naman ay nakaupo sa isang upuang plastic habang hawak-hawak ang manipis na babasahin.

Nagsabay-sabay ang pagsagot ng mga ito ng, "Langgam at tipaklong."

"Isa-isa lang po," mahinay niyang paalala at inilibot ang paningin nang magtaasan ang mga ito ng kamay. Ilang araw na siyang nagtuturo sa mga ito tuwing walang masyadong ginagawa sa eskwelahan niya.

"Hindi ka kasali, Benie." Mahina siyang napatawa nang makita niyang nakataas din ang mga kamay nito at seryosong nakatingin sa kaniya. Nakaupo ito sa gitna, sa may bandang likuran ng mga bata.

Pinanood niya ang pagbaba nito ng kamay habang tinatawanan ng mga katabi.

"Sige, si Lei-Lei muna," turo niya sa isang walong taong gulang na batang babae.

"Si Langgam 'tsaka si Tipaklong."

"Wow, tama siya. Palakpakan n'yo nga si Lei-Lei," utos niya sa mga ito na sumunod naman sa sinabi niya.

Naisipan niyang kailangang mabigyan ng lakas ng loob ang mga bata sa pagsagot ng mga ito. Hindi niya naman kasi ito naranasan noon kaya't gusto niyang mabigyan ang mga ito sa mga maliliit na bagay na sinusubukan nila.

"Ano naman ang natutuhan n'yo sa binasa nating pabula?" Nagtaas ng kamay ang isang batang lalaki. "Okay, ang sasagot ay si Ian."

"Dapat tumutulong tayo sa iba."

"Tama, gaya ni Tipaklong na tinulungan si Langgam. Sino pa ang gustong sumagot?" Natawa na naman siya nang itaas ng isang bata ang kamay ni Benedict na walang reaksiyon ang mukha. "Sige nga, si Kuya Benedict na lang muna ang sasagot."

"Dapat tayong mag-imbak agad para may magamit o makain tayo 'pag may dumating na sakuna. Gaya ni Langgam na wala pa ang tag-ulan ay nag-imbak na agad siya ng pagkain sa kaniyang tahanan. Hindi gaya ni Tipaklong na nagpakasasa sa isang magandang panahon ngunit walang pagkain sa pagdating ng tag-ulan. Mabuti na lang ay tinulungan siya ni Tipaklong at binigyan ng pagkain. Kailangan. . . ."

Napaawang nang kaunti ang bibig niya nang hindi matapos ang pagsagot nito. Itinaas niya nang kaunti ang kamay at kinuha ang atensiyon nito. "B-Benie, Benie, okay na." Pinakitaan niya ito ng isang kabadong ngiti.

Napahagikgik naman ang mga bata sa tabi nito.

Naging maganda ang ang pagvo-volunteer niya sa pagtuturo dito. Lagi siyang sinasamahan ni Benedict na laging nakaupo sa tabi ng mga bata. Patuloy na nagpapalakas ng loob niya at patuloy na sumasama sa kaniya.

"Salamat sa pagvo-volunteer, Sparkle. Sobra-sobrang appreciated talaga," pasasalamat ni Grace, namamahinga sila mula sa katatapos pa lang na pagtuturo sa araw na ito.

"Walang anuman, Ate Grace. Buti na lang talaga pinilit ako ni Benedict dito. Kung hindi ay hindi ko mae-experience ang kakulitan n'ong mga bata." Sabay silang natawa at pinanood ang mga batang naglalaro.

"Hanggang kailan po kayo magvo-volunteer dito?" tanong ni Sparkle.

Hindi niya alam kung hanggang kailan siya pwedeng manatili sa pagtuturo sa mga bata. Unti-unti niyang nagugustuhan ang pagtulong sa mga ito.

"Hanggang kaya ko," mahina nitong sagot.

Tumingin si Sparkle sa mga batang sobra nang napalapit sa kaniya. Tuwing nakikita niya kung gaano kasaya ang mga ito sa tuwing dumarating sila, ang pakikinig ng mga ito sa tuwing nagtuturo siya. Parang ayaw niya nang umalis, kahit walang kapalit.

"Kahit mag-isa na lang akong tutupad sa plano namin ni Theo. Hanggang kaya ko, mananatili ako rito. Nakakapagod minsan, pero mahal ko, e."

Umulit ang sinabi ni Grace sa isipan niya.

"Nakakapagod minsan, pero mahal ko, e."

"Okay lang na nakakapagod basta't mahal mo?" tanong niya upang mas maliwanagan pa.

"Oo, may mga bagay na nakakapagod pero masaya ka. Sa pagtuturo, nakakapagod ang maghapong nakatayo tapos salita ka pa nang salita, pero masaya ako. Mayroon namang mga bagay na nakakapagod, pero hindi ka rin masaya." Napahinga siya nang malalim nang sumipol ang isang preskong hangin. "Lagi mong pipiliin 'yong bagay na nakakapagod, pero masaya ka."



"Sa'n tayo pupunta?" Hila-hila ni Sparkle si Benedict papunta sa loob ng mall na pinuntahan nila noong nakaraan. Sinabi nito na uuwi na sila ngunit dito siya dinala ni Sparkle.

"Bibilhin ko na 'yong kwintas."

Sabik ang nakikita niya sa mukha nito. Nagpatangay na lamang siya sa paghila nito sa kaniya. Maraming tao ang nakikita niya sa paligid. Hindi na nakapagtataka dahil uwian ng mga estudyante dahil hapon na.

Nakita niyang muli ang bilihan ng mga alahas na pinuntahan nila noong nakaraan. Kuminang sa mga mata niya ang iba't ibang palamuti nang pumasok sa loob nito. Binitiwan siya nito nang makarating sa ipinunta nila.

"Ang ganda talaga." Kinuha nito ang isang kuwintas at ipinakita sa kaniya. "Dalawa ang bibilhin ko para magkapareho tayo."

Kuwintas na mayroong pana sa dulo. Tumalikod ito sa kaniya at sinundan niya ito sa pagpunta sa counter. "Dalawa po."

Inilagay ni Sparkle ang kuwintas sa kamay ng babae at agad nitong hinanap ang lalagyanan ng kuwintas na ganoon ang disenyo. Tahimik lang niyang minamasdan si Sparkle sa ginagawa nito. Sa sobrang saya nito ay parang walang mga taong nakapaligid sa kaniya.

"Ano ulit ang sinisimbolo ng kuwintas na iyon?" tanong niya at isinanday ang braso sa counter.

"Purpose, goal. Malapit na nating malaman iyon."

Sana ay hindi ko muna mahanap. Hiling niyang sana ay si Sparkle muna ang makahanap ng kaniya. Ayaw niya pang mawala muna. Sa oras na mahanap niya ang kaniya ay wala na siyang rason para mabuhay pa.

Kumikinang ang mga mata ni Sparkle na sinundan ng tingin ang case ng kuwintas na hawak ng babae. Iniabot ito sa kaniya at agad na ibinigay ang bayad. Maingat niyang binuksan ang loob at nakita roon ang naglalarong kinang sa tuwing natatamaan ng ilaw.

Nagmadali silang umuwi upang maisuot na niya ito. Dumiretso sila sa house cottage at hindi sa bahay ni Sparkle dahil baka naroon ang ina niya. Mabilis niyang hinubad ang bag at kinuha sa loob n'on ang lalagyanan ng kuwintas.

Una niyang binuksan ang isa at hinila ito pataas. Umupo sa tabi niya si Benedict na pinanonood ang masayang reaksiyon niya. Kung maaari lang na ganito na lamang lagi siya kasaya ay gagawin ni Benedict ang lahat upang lagi nito iyong nakikita.

Pinaghiwalay ni Sparkle ang dulo ng kuwintas at nilingon si Benedict. "Talikod ka."

Sinunod niya ang sinabi nito at tumalikod. Isinuot nito ang kuwintas sa kaniya at naramdaman niya ang lamig nito na namahinga sa kaniyang balat. Hinawakan niya ang pana na nasa dulo n'on.

"Okay na."

Tinapik nito ang balikat niya at muling humarap kay Sparkle. Sa tingin niya ay kailangan niya ring isuot kay Sparkle ang isang kuwintas. Kinuha niya iyon sa lalagyan at ipinaghiwalay rin ang dulo.

"Talikod ka."

Ngumiti ito sa kaniya bago tuluyang tumalikod. Itinaas ang buhok gamit ang isang kamay at tuluyan niyang isinuot ang kuwintas dito. Isinara niya ang sarahan nito at binitawan. Hinawakan ang kamay ni Sparkle na nasa buhok nito at inialis iyon upang lumaylay na ito.

Muli itong lumingon sa kaniya habang hawak-hawak ang pana na nasa kuwintas.

"Salamat sa pagtulong sa akin na mahanap ko 'yong purpose ko. Malapit na."

Your Start is My EndingOn viuen les histories. Descobreix ara