Final Chapter

95 8 33
                                    

Ginising si Sparkle ng liwanag ng araw na tumatagos sa talukap ng mga mata niya. Dahan-dahan niya itong ibinukas at sinanay muna ang paningin sa ilaw ng araw na sumalubong sa kaniya sa bintana.

Ipinikit-pikit ang mga mata upang gisingin ang sarili at alisin ang antok. Saglit pa siyang nag-inat nang tingnan ang kaniyang gilid. Isang magulong sapin ng higaan lamang ang nadatnan niya roon.

Mabilis siyang bumangon at mabilis na binuksan ang pinto. Hindi na niya ito naisara sa dahil sa pagmamadali papunta sa ibaba. Napakuyom ang mga kamay habang nilalabanan ang isip na wala na nga si Benedict.

"Nakita mo si Benedict?" kinakabahan niyang tanong sa ina na nagluluto ng kanilang almusal.

Lubog ang puso niya ngunit hindi pa rin siya naniniwala na wala na si Benedict. Baka sakaling umalis lang ito at pumunta sa house cottage.

"Sinong Benedict?" sagot ng ina habang nakatalikod sa kaniya.

"Si Benedict, 'yong kartigong nakilala ko," halos maubusan niyang hiningang pagpapakilalarito Pumunta siya sa gilid ng ina at sinilip ang mukha nito, baka nagbibiro lang ito.

Nag-aalala itong tumingin sa kaniya. Pinagmasdan nito ang mukha niyang kinakain ng lungkot.

"Wala kang pinapakilala sa aking kartigo, walang Benedict." Hindi siya makapaniwala sa naging sagot nito. Magkasalubong ang mga kilay at pagkabigo ang nararamdaman.

Padabog siyang umalis sa harapan nito habang inaayos ang buhok at pinupunasan ang mukha gamit ang suot na damit. Lumapit sa lababo at nagmumog at hilamos nang mabilisan.

Nagmamadali siyang lumabas ng bahay at sinakyan ang scooter na nasa gilid ng kanilang bahay at hindi na nagsuot pa ng helmet.

Baka nandoon pa si Benie.

Pinipigilan niya ang pag-iyak habang nakasakay sa scooter upang puntahan ito. Hindi siya kayang pasayahin ngayon ng umagang kalmado at pagsikat nito.

Hindi magagawang mapayapa ng malamig na hangin ang kaba at takot na nararamdaman. Hindi maibabalik ng bagong umaga ang nawala sa kaniya ngayon.

Nang makarating ay agad niyang inilapag ang isang paa sa sahig at ibinagsak ang scooter sa gilid ng kalsada. Halos magkandatumba-tumba ang katawan niya dahil sa pagmamadali sa pagpunta sa loob. Inikot niya ang door knob ng pinto ngunit hindi iyon bumukas. Pinilit niya pa ring buksan iyon ngunit walang nangyayari.

Lumipat siya sa nakasaradong bintana at pilit ding binuksan iyon ngunit nakasarado ang lahat. Hingal na hingal siyang nagpalipat-lipat sa magkakabilang bintana, ngunit gaya ng pinto, hindi ito nabubuksan.

"Benie." Muli siyang tumapat sa pinto at kumatok doon. Tinatawag ang pangalan ni Benedict, umaasang may magbubukas n'on gaya na lamang ng nangyayari kapag binibisita niya ito.

"Benie," halos pabulong niyang tawag at idinikit ang kaliwang tainga sa pinto, umaasa ulit, umaasang may sasagot. "Benie!"

Muli niyang kinatok ang pinto, muling ididikit ang tainga sa pinto at makikinig nang mabuti. Agad niyang kinusot ang mga mata nang tumulo ang luha roon. Huminga nang malalim at nagpatuloy sa pakikinig.

"Naniniwala ako sa miracles, Benie."

Sa gilid ng mga mata ay nakita niya si Dana na naglalakad sa gilid ng kalsada. Agad siyang umalis sa house cottage at pinuntahan ito. Alam niyang magtataka ito dahil hindi niya naman ito kinakausap, hindi sila malapit sa isa't isa, pero sana ngayon ay may kasagutan ito.

"Dana." Napahinto ito sa paglakad at hinintay siyang makalapit. "Umuwi ba rito si Benedict?"

Napakunot ang noo nito, walang ideya sa taong hinahanap niya. "Benedict? Sino 'yon?"

Your Start is My EndingWhere stories live. Discover now